Nais Sisantihin ng Manager ang Isang Bell Boy ng Hotel dahil sa Pagsuway raw sa Kaniya; Bandang Huli ay Siya pa ang Nawalan ng Trabaho

Nais Sisantihin ng Manager ang Isang Bell Boy ng Hotel dahil sa Pagsuway raw sa Kaniya; Bandang Huli ay Siya pa ang Nawalan ng Trabaho

InspiringKarmaStories

“Benrie, bakit ngayon ka lang? Kanina pa kita pinapatawag at kanina pa naghihintay ang guest natin. Hindi mo ba alam na sikat iyan! Baka mamaya ay kung ano na lang ang sabihin niyan sa hotel na ito, pare-perhas tayong malilintikan sa boss natin!

Ilang beses ko na kasing sinabi sa iyo na unahin mo ang mga guest nating mayayaman at ookupa ng malalaking kwarto,” galit na sambit ng manager na si Lucas sa kanilang bell boy. 

“Tinulungan ko pa kasi ‘yung matandang mag-asawa. Hindi kasi nila makita ang kanilang kwarto at ang dami nilang bitbitin. Ako na rin kasi ang nagsalansan nito sa loob,” paliwanag naman ng binata. 

“Pabayaan mo na ang mga iyon at maliit na kwarto lang naman ang kinuha nila. Bukas ay aalis din naman ang mga ‘yun. Asikasuihin mo na ‘yung sinasabi ko sa iyo at huwag ka nang tatanga-tanga pa riyan!” bulyaw pa ng manager. 

“Hay naku! Ang hirap talaga kapag walang mga pinag-aralan ang kasama mo sa trabaho! Ang hihina ng mga kokote!” muling sambit ni Lucas. 

Agad namang pinuntahan ni Benrie ang sinasabing sikat na personalidad ng kaniyang manager.

“Pasensya na po kayo at ngayon lamang po ako. Ako na po ang bahala sa mga gamit niyo. Sundan niyo po ako upang maihatid ko na po kayo sa inyong silid,” saad ni Benrie sa artista. 

Tatlong taon nang nagtatrabaho sa naturang hotel si Benrie bilang isang bell boy. Kahit na hindi siya nakatuntong ng kolehiyo ay pinalad pa rin siyang matanggap sa kaniyang trabaho dahil sa sipag na kaniyang ipinapakita. 

Ngunit laging kinagagalitan at pinag-iinitan itong si Benrie ng kaniyang manager na si Lucas dahil sa pantay-pantay na trato nito sa lahat ng guests. Nais kasi ng manager na mas bigyang prayoridad ng binata ang mga guest na VIP. 

Ilang sandali pa ay hindi na naman mahagilap itong si Benri ni Lucas. Nasi kasi niyang ipaasikaso dito ang isa pang kilalang personalidad na dumating sa hotel. 

“Lagot ka na naman, Benrie. Galit na galit si Boss Lucas sa’yo. Saan ka na naman ba galing?” tanong ng kasamahan niyang bell boy din. 

“‘Yung matandang mag-asawa kasi sa Room 309. Nagpabili kasi ‘yung matandang lalaki ng paracetamol para sa asawa niya. Masakit daw kasi ang ulo. Kaya tumakbo muna ako sa botika upang bumili,” paliwanag ng binata. 

“Kapag nalaman iyan ni Boss Lucas ay sasabunin ka na naman noon. Lalo pa at ilang VIP guests ang nagsidating. Ang sabi pa nga ay darating din ang may ari nitong hotel,” wika pa ng kasamahan. 

“Naaawa kasi ako sa dalawang matandang iyon. Wala namang mag-aasikaso din sa kanila dahil silang dalawa lang ang nag check in dito sa hotel,” sambit pa ni Benrie. 

Hindi nga nagkamali ang kasamahan ng binata. Nang makita si Benrie ng kanilang manager ay labis siya nitong pinagalitan. 

“Kaunti na lang ay tatanggalin na kita sa trabaho! Kung anu-ano ang ginagawa mo! Hindi ba sinabi ko na sa iyo na unahin mo ang mga VIP guests natin? Hindi ka talaga makaintindi!” sigaw ni Lucas. 

“Pasensya na po, boss. Hindi na po mauulit,” nakayukong tugon ng binata. 

“Dapat lang! Mamaya ay darating daw may-ari nitong hotel. Dapat lahat ay nasa ayos at lahat tayo’y sasalubong sa kaniya. Kapag hindi ka na naman sumunod, Benrie ay katapusan na talaga ng trabaho mo!” muling sambit ng manager. 

Abala ang lahat sa paghahanda sa pagdating ng may-ari. Anumang oras kasi ay darating na ito. Nakapila na ang lahat ngunit napansin ni Lucas na wala na naman si Benrie. 

“Ang tigas talaga ng ulo ng bell boy na ‘yun!” inis na inis na sambit ni Lucas. 

Galit na galit si Lucas habang hinahanap niya si Benrie.

Maya-maya’y natagpuan niya ito sa silid ng matandang mag-asawa. 

“Bakit narito ka na naman, Benrie! Ang lahat ay maayos nang naghihintay sa pagdating ng ating boss. Pero narito ka na naman at iniintindi ang dalawang matandang iyan!” galit ngunit pabulong na sambit ng manager. 

“Boss, pasensya na talaga. Inutusan kasi ako muli ng matandang lalaki na ibili ng prutas ang kaniyang asawa dahil masakit nga daw ang ulo nito,” paliwanag ni Benrie sa amo. 

“Hindi mo na trabaho iyan! Bumaba ka na agad at anumang oras ay darating na ang amo natin! Lahat ay naroon na maliban na lamang sa iyo!” sambit pa ni Lucas. 

“Hindi naman po siguro mapapansin ng may-ari na wala ako doon, boss. Sisiguraduhin ko po munang maayos ang lagay ng dalawang matanda,” giit ni Benrie. 

“Ang tigas talaga ng ulo mo! Alam mo sa ginagawa mong pagsuway sa akin ay pwede na kitang sisantihin. Hindi ka dapat narito dahil hindi sila ang dapat mong pagsilbihan. Marami tayong VIP guests. Kung gusto mong tumambay lang at maghintay ng utos ay doon ka tumambay sa mga suite at penthouse!” nanggigigil na ang manager sa inis kay Benrie. 

Ngunit giniit pa rin ng binata na manatili siya sa kaniyang silid. Biglang tumunog ang radyo ng manager at sinabihan siya na naroon na daw ang may-ari ng hotel na kanilang pinagtatrabahuhan. Mabilis na bumaba ang manager na si Lucas upang salubungin ang amo. Ngunit nanatili si Benrie  sa piling ng dalawang matanda. 

“Ayos na ang lagay namin. Maaari ka nang bumalik sa iyong trabaho. Pasensya ka na at kami at ang dahilan kung bakit ka napapagalitan. Maraming salamat sa iyo,” saad ng matandang ginoo. 

“Wala pong anuman ‘yun, sir. Ginagampanan ko lang po ang trabaho ko,” saad pa ng binata. 

“Pasensya ka na at wala din akong tip na mibibigay sa iyo. Pero sinisigurado ko na isang araw ay maibabalik ko din ang kabutihan mo sa amin,” saad pa ng matanda. 

Ngumiti na lamang si Benrie. Nang makalabas siya ng kwarto ng mag-asawang matanda ay mabilis siyang bumaba upang makisama sa kaniyang mga katrabaho sa pagsalubong sa may-ari ng hotel. 

Ilang sandali pa ay dumating na ang may-ari. Malugod nila itong binati. 

“Boss, pasensya na po at marami kasi tayong mga guests. Hindi naman kayo nagpasabi na pupunta kayo,” pagdadahilan ni Lucas sa may-ari. 

“Ayos lang. Masaya nga akong makita na nasa ayos ang lahat. Narito lamang ako dahil may gusto akong puntahan,” tugon ng ginoo. 

Sa pagmamadali na makasalubong sa may-ari ng hotel ay hindi na naiwasan pa ni Benrie na mabangga ang isang estante sa hotel. Mabuti na lamang ay walang nabasag sa mga plorerang nakalagay doon. 

“Hindi ka kasi nag-iingat, Benrie! Kanina ka pa kasi pinapapila dito, ngayon ay nagmamamadali ka!” sita ni Lucas sa binata. 

“Humingi ka ng pasensiya sa amo natin!” saad pa ng manager. 

“Pasensiya na kayo diyan sa isang iyan, boss. Sakit talaga ng ulo namin ang binatang iyan! Kung anu-ano ang ginagawa at kung sinu-sino kasi ang inaasikaso! Hayaan niyo at pagsasabihan ko na lang,” muling sambit ni Lucas. 

“Kung sakit ng ulo ay sisantihin mo na. Ayoko ng katulad niya dito sa hotel na ito,” wika pa ng may-ari. 

Napayuko na lamang si Benrie at lubos na humingi ng paumanhin sa amo. 

Ilang sandali pa ay nariyan na ang dalawang matanda. 

“Bakit mo pinagagalitan ang mabait na binatang iyan?” tanong ng matandang lalaki sa may-ari ng hotel. 

“Dad, kanina pa po ba kayo narito? Saang kwarto po kayo naroon? Baka hindi niyo na naman kinuha ang kwartong inilaan ko sa inyo?” saad ng ginoo. 

“Ayos na kami ng mommy mo sa maliit na silid, anak, at aalis din naman kami. Masaya kaming makita ka ngayon,” wika pa ng matandang ginoo. 

Labis na nanlaki ang mga mata ng manager sa kanilang natuklasan. Mga magulang pala ng may-ari ng hotel ang dalawang matandang kanina pa inaasikaso ni Benrie. 

“Anak, huwag mo nang pagalitan ang binatang iyan. Mula nang makarating kami dito’y siya na ang umasikaso sa amin. Iyang manager mo ay kanina pa siya pinapagalitan dahil mas nais niyang asikasuhin ang mga mayayamang guests. Nakakalungkot na isipin na ganiyan pala ang pamamalakad mo sa hotel na ito,” saad pa ng matanda. 

“Hindi ganiyan ang itinuro namin sa iyo ng mommy mo,” dagdag pa nito. 

“Itong binatang ito ang bumili ng gamot at prutas sa akin. Kanina pa kasi masakit ang ulo ko mula sa byahe sa eroplano. Hindi niya kami iniwan hanggang hindi niya nasigurado na maayos na ang aming kalagayan. Kung siya ang manager ng hotel na ito’y tiyak kong mas maraming nais na pumunta dito, anak,” saad naman ng matandang ina ng may-ari. 

Ikinuwento ng dalawang matanda ang lahat ng nangyari maging ang pagtrato sa kanila ng kasalukuyang manager na si Lucas. Labis na nadismaya ang may-ari kay Lucas, 

“Mariin kong pinagbilin sa inyo na asikasuhin niyo ang mga guests hindi batay sa katayuan nila sa buhay. Bigyan niyo sila pag-aasikaso na hindi nila malilimutan,” saad ng ginoo. 

Dahil sa ginawang iyon ni Lucas ay napilitan ang may-ari ng hotel na sisantihin siya. Ipinalit naman nila bilang manager ang bell boy na si Benrie. 

“Pero wala namang pinag-aralan ang binatang iyan. Ni wala siya sa kalinkingan ng mga naabot ko!” giit ni Lucas. 

“Kaya kong ituro sa kaniya ang pamamalakad ng hotel at alam kong mabilis niya itong matutuunan. Ngunit ang ganda ng ugali ay natural sa isang tao. Kung siya ang mamumuno ng lugar na ito’y gagayahin din siya ng lahat ng kaniyang katrabaho,” saad ng may-ari. 

Mula noon ay naging manager na si Benrie. Hindi siya makapaniwala sa lahat ng pangyayari. Bilang pasasalamat sa dalawang matandang tumulong sa kaniya ay pinaghusay niya ang kaniyang trabaho. 

Simula noon ay lalong nakilala ang hotel. Marami ang nais na tumuloy dito dahil sa maayos at walang kapantay nilang serbisyo sa pamumuno ng bagong manager na si Benrie. 

More Stories