Inday TrendingInday Trending
Labis na Pang-aapi ang Dinanas ng Dalaga sa Dating Amo; Hindi Niya Akalain na sa Ibang Bansa ay Babaligtad ang Kanilang Mundo

Labis na Pang-aapi ang Dinanas ng Dalaga sa Dating Amo; Hindi Niya Akalain na sa Ibang Bansa ay Babaligtad ang Kanilang Mundo

“Ano ba naman ‘yan, Cindy! Hindi ka man lang makagawa ng tama. Tingnan mo at nakabasag ka na naman! Iaawas kong lahat ng ‘yan sa sahod mo, a!” sambit ni Yolanda sa kaniyang tauhan sa bar na si Cindy.

“Pasensiya na po kayo, Madam. Hindi ko po talaga sinasadya. Pero kasalanan naman po talaga nung isang kostumer –” paghingi ng tawad ng dalaga.

“Aba at sisisihin mo pa talaga ang mga kostumer natin! Ang sabihin mo ay aanga-anga ka lang talaga! Wala ka nang dinala sa bar ko kung hindi puro kamalasan! Ulitin mo pa ‘yan at sa kangkungan ka na talaga pupulutin!” sambit pa ng may-ari.

“Pasensiya na talaga po kayo,” paumanhin ni Cindy.

“Lumayas ka nga sa harap ko at naaalibadbaran ako sa’yo! Layas! Gawin mo ang trabaho mo, bobita ka!” sigaw pa ni Yolanda.

Mag-iisang taon pa lamang si Cindy sa pinagtatrabahuhan niyang bar na pagmamay-ari ni Yolanda ngunit kung anu-anong pang-aalisputa na ang nakamit niya mula sa ginang. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lamang kainit ang dugo ng may-ari sa kaniya.

Kahit na madalas na mapagsalitaan ng masama ay hindi pa magawa ng dalaga na lisanin ang kaniyang trabaho. Kailangan kasi niya ito sapagkat siya ang nagtutustos sa kaniyang pamilya.

“Bes, buminggo ka na naman kay madam. Ano ba kasi ang nangyari? Laging mainit na lang ang ulo non sa atin!” sambit ng kaibigang si Laura kay Cindy.

“Pabayaan mo na siya, tama naman siya, pagkakamali ko naman lahat ito. Tara na at magtrabaho. Baka mamaya ay makita na naman niya tayo, magalit na naman ‘yun sa atin,” tugon naman ng dalaga.

“Bakit kasi ayaw mo pang lisanin ang lugar na ito? Marami pa naman d’yang trabaho. Saka ‘di ba ang sabi mo sa akin ay may iniaalok na trabaho sa iyo sa ibang bansa? Bakit hindi mo na lang ‘yun kunin? Mas malaki pa ang sweldo,” pahayag pa ng kaibigan.

“Hindi ko basta-basta maiiwan ang nanay at tatay ko. Matatanda na sila. Kaya ko pa naman magtiis, bes. Isang araw, lalambot din ang puso niyang si Madam Yolanda,” saad pa ni Cindy.

Ngunit isang araw ay nagkagulo sa bar dahil sinampal ni Cindy ang isang kostumer sapagkat binastos siya nito.

Nang malaman ni Yolanda ang nangyari ay agad niyang inawat ang kaguluhan.

“Lumayas ka na sa bar ko, Cindy! Hindi ko na kaya pa ang lahat ng dala mong kamalasan,” saad ni Yolanda sa dalaga.

“Pero pinagtanggol ko lamang po ang sarili ko. Hinawakan niya po ang mga binti ko at kung anu-ano pong sinabi niya sa aking mga salita,” paliwanag naman ni Cindy.

“Bakit kasi hindi mo na lang pinagbigyan. Alam ko naman na nasa loob talaga ang kulo mo, Cindy. Dahil nag-iinarte ka pa ay hindi ka talaga nababagay sa trabahong ito. Kaya makakaalis ka na,” sambit pa ng amo.

Nais mang manatili pa ni Cindy at ipaglaban ang kaniyang karapatan ay hindi na niya ginawa sapagkat ayaw din niya ng nangyayari sa kaniya sa bar na iyon.

Kaya para matustusan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya ay minabuti na lamang niyang tanggapin ang alok sa kaniya at pumunta sa ibang bansa upang maging isang domestic helper.

Samantala, lumipas ang mga taon at hindi naging maganda ang takbo ng negosyo ni Yolanda. Ang masakit pa roon ay nagkabaon-baon ito sa utang. Maging ang mga kasosyo niya ay sinampahan siya ng kaso upang maibalik ang kanilang mga pera.

Wala nang nagawa pa si Yolanda kung hindi isara ang kaniyang bar at magdeklara ng pagkalugi.

“Bayaran mo ang lahat ng utang mo sa amin kung hindi ay rehas ang hihimasin mo, Yolanda!” sambit ng isa niyang kasosyo.

Ngunit walang-wala na si Yolanda sa pagkakataong iyon.

Hanggang sa naisip niya na imbis na makulong siya ay bakit hindi na lamang siyan magtrabaho sa ibang bansa. Kahit anong trabaho ay papasukin niya upang makaipon at makapagbayad sa mga ito upang hindi lamang siya makulong.

Agad na umalis si Yolanda patungong ibang bansa upang maging isang domestic helper. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay hindi niya inaakalang makakatrabaho pa niya ang dati niyang tauhang si Cindy.

Dahil hindi sanay sa hirap ay laging napapagalitan itong si Yolanda ng kanilang amo. Nariyang sampalin siya ng basahan o hindi naman kaya ay pagsalitaan ng masakit.

Isang araw habang naglilinis sila ng bahay ay nakabasasg itong si Yolanda ng isang vase. Alam niyang maaari na naman siyang saktan ng kaniyang mga amo. Lubos ang kaniyang takot nang malaman ng mga ito ang mga nangyari.

Nang tangkang sasaktan na naman si Yolanda ng amo ay agad na humarang si Cindy at inako ang pagkakabasag ng vase. Sa pagkakataong ito ay pinatawad na lamang ng amo si Cindy at nangako na lamang na hindi na ito mauulit.

Nagulat si Yolanda sa ginawa ng dalaga. Hindi niya akalain na sa kabila ng mga nagawa niyang masama dito ay ito pa ang igaganti nito sa kaniya.

“Bakit mo ginawa ang bagay na iyon? Bakit hindi mo na lang hinayaan ang mga amo natin na saktan ako? Tutal kasalanan ko naman,” tanong ni Yolanda sa dalaga.

“Hindi po ako nagtatanim ng sama ng loob sa inyo. Sa katunayan ay kahit napalayo po ako sa pamilya ko ay mabuti naman na ang naging kalagayan nila. Saka mababait naman talaga ang mga amo natin. Alam kong nahihirapan din kayo sa mga nangyayari. Galing po ako sa ganiyang sitwasyon kaya naiintindihan ko kayo,” tugon naman ni Cindy.

Lubos ang paghingi ng tawad ni Yolanda sa lahat ng kaniyang pang-aapi noon kay Cindy. Simula ng araw na iyon ay naging magkatuwang na ang dalawa sa kanilang mga trabaho. Higit sa lahat ay nakatagpo si Yolanda ng isang kaibigan sa katauhan ng dalaga.

Sa tulong ni Cindy ay unti-unti na rin nagamay ni Yolanda ang trabaho. Lalo niya itong pinagbuti upang makaipon siya nang sa gayon ay makabalik na siya sa Pilipinas at makapagsimulang muli.

Hinding-hindi niya malilimutan ang kabaitang ito na ipinakita sa kaniya ni Cindy sa kabila ng lahat ng nangyari sa kanilang dalawa.

Advertisement