
Salot ang Tawag sa Isang Babae ng Kaniyang mga Kapitbahay; Nagulat Sila nang Malaman ang Tunay Nitong Nakaraan
“Itago niyo na ang mga asawa niyo at narito na si Anna! Baka mamaya ay akitin niya ang mga asawa niyo. Hindi niyo na lang mamamalayan na inaahas na pala niya ang mga ito hanggang sa ang mga asawa niyo ay sa kaniya na nahuhumaling,” saad ni Loyda sa ilang mga kapitbahay habang sila ay nagkukwentuhan.
Hindi na lamang umimik si Anna na naglalakad pauwi ng kaniyang bahay ngunit patuloy pa rin ang pagpaparinig sa kaniya ng ginang.
“Kaya ba hanggang ngayon ay wala pang asawa ‘yang si Anna?” tanong ng isang ginang.
“Oo, siyempre kung tali na siya sa isang lalaki paano pa siya makakalandi. Saka hindi binata ang gusto niyang si Anna. Ang gusto niya iyong pamilyado na at mayroon nang karelasyon,” tugon naman ni Glenda.
“Hindi ba, Anna? Mag gusto mo iyong na tila hinahamon ka sa isang relasyon. Mas nabubuhayan ka ng loob!” sigaw pa ni Glenda sa kaawa-awa-awang si Anna.
Napayuko na lamang ang ginang at dumeretso sa kaniyang tahanan. Nangingilid ang mga luha nito sa sakit ng mga pinagsasasabi ng mga kapitbahay.
Walang araw na hindi pinaringgan ni Glenda itong si Anna sa tuwing makikita niya ito. Tila isang salot naman sa lipunan kung ituring ng ilang kapitbahay si Anna dahil sa mga ipinapakalat ni Glenda tungkol sa kaniya.
Kalat kasi noon na may relasyon si Anna sa pamamangasawa at ama ng anak ni Glenda. Dahil nga raw sa dalaga kaya muntik nang hindi matuloy ang pag-iisang dibdib noon ni Glenda at ni Josh.
Tikom naman ang bibig ni Anna sa lahat ng paratang sa kaniya ng ginang at mga kapitbahay.
“Hanggang ngayon ay hindi pa rin humuhupa ang galit mo riyan kay, Anna. Ilang taon na ring nakakalipas simula ng masawi ang asawa mo mula sa aksidenteng iyon,” saad ni Loyda, ina ni Glenda.
“Hinding hindi ko makakalimutan ang lahat ng ginawa sa akin ni Anna. Kung hindi dahil sa kaniya ay buhay pa sana ang asawa ko! Siya ang may kagagawan kaya hindi ko na kapiling ngayon si Josh,” galit na sambit ni Glenda.
“Sayang naman ang pagkakaibigan niyo noon. Sabay kayong lumaki at nagdalaga. Hindi ko akalain na isang lalaki lang pala ang sisira sa inyong pagkakaibigan,” panghihinayang ng ina.
“Hindi dapat panghinayangan ang isang taong tulad ni Anna. Siya ang sumira ng relasyon namin bilang magkaibigan at siya rin ang dahilan kung bakit wala na si Josh. Alam kong siya ang kakatagpuin ng asawa ko nang araw na maaksidente siya,” wika pa ng ginang.
Lubos na pagkasuklam talaga ang nararamdaman ni Glenda lalo sa tuwing makikita niya si Anna.
Lagi niyang ipinamumukha dito kung paanong sinira nito ang buhay at pangarap niya.
Samantala, nag-aalala naman ang ina ni Anna para sa kaniyang anak.
“Bakit mo hinahayaan na ginaganyan ka ng mga tao? Lumaban ka, anak. Alam mo ang katotohanan,” payo ni Helen sa kaniyang anak na si Anna.
“Para saan pa, ‘nay? Hindi ko naman mababago ang tingin nila sa akin. Saka wala akong pakialam sa lahat ng sinasabi nila. Sila naman ang magdadala niyan,” tugon ng anak.
Alam ni Helen na kahit binabalewala lamang ng anak ang lahat ng sinasabi sa kaniya ay naaapektuhan pa rin ito.
Isang araw habang naglalakad muli pauwi si Anna sa kaniyang tahanan ay muli siyang pinaringgan ni Glenda habang kausap ang ilang kapitbahay.
“Sino na naman kayang lalaki ang nilandi niyan? Tingnan niyo na ang mga asawa niyo kung tapat pa sa inyo baka mamaya ay naagaw na pala sa inyo ng iba rito. Matinik din gumalaw ang isang ahas,” sambit ni Glenda patungkol kay Anna.
Isang ginang ang hindi na nakatiis pa at harap-harapan niyang ipinahiya si Anna.
“Bakit kasi hindi ka lang umalis dito sa lugar natin. Alam mo ba, Anna, lahat kami ay natatakot na sa iyo. Baka mamaya ay asawa na pala namin ang kinakal@ntari mo!” wika ng isang ale kay Anna.
Nang marinig ito ng ina ni Anna ay hindi na ito nakapagtimpi at saka niya kinumpronta ang mga ito.
“Sino kayo para husgahan ang anak ko? Akala mo kung sino kayong malilinis!” sambit ni Helen sa mga ito.
“Ikaw, Glenda, kung anu-ano ang ikinakalat mo sa anak ko gayong alam mo ang katotohanan. Itinuring ka niya bilang isang kapatid at ito pa ang igaganti mo sa kaniya!” sigaw muli ng ginang.
“Totoo naman! Kung hindi dahil sa malandi niyong anak ay buhay pa sana ang asawa ko ngayon at kapiling ko! Alam ko, Anna, na ikaw ang kikitain ni Josh nang maaksidente siya!” halos mapatid ang litid ni Glenda sa pagsigaw.
“Hindi malandi ang anak ko, Glenda! Sa katunayan ay dapat ‘yan sabihin sa sarili mo. Mula’t sapul ay alam mong ang mahal ni Josh ay ang anak ko. Ngunit dahil alam ni Anna na mahal mo si Josh, ay nagparaya siya. Lalo na nang lasingin mo si Josh at magpanggap kang si Anna.
Nang mabuntis ka ay ni sulyap ay hindi na nagawa ng anak ko kay Josh. Alam mo na ang lalaking iyon lamang ang lalaking minahal at dumaan sa buhay ng anak ko! Pero ano ang ginawa mo? Inagaw mo siya sa anak ko,” pahayag pa ni Helen.
Maya-maya ay nagsalita na rin si Anna. Nakayuko ito habang umiiyak.
“Tama ka, Glenda, ako nga ang katagpo ng asawa mo nang maaksidente siya nang gabing iyon. Pinipilit niya akong makipagkita sa kaniya at sumama na raw ako sa kaniya para magpakalayu-layo. Pero hindi ako pumayag. Ang sabi ko sa kaniya ay umuwi na siya sa piling mo dahil kasal kayo at may anak na kayo.
Kaya kong kalimutan ang lahat ng namagitan sa amin para sa iyo, Glenda. Kung alam ko nga lang na maaaksidente si Josh ng gabi na iyon ay sana’y sumama na lang ako sa kaniya. Wala akong ibang lalaking minahal kung hindi si Josh pero dahil kaibigan kita ay nagparaya ako,” saad ni Anna.
Nagulat ang lahat sa naisiwalat na katotohanan ng mag-ina tungkol sa kanilang nakaraan. Hindi akalain ng mga ito na sa tagal ng panahon ay wala pala talagang kasalanan si Anna at si Glenda pala ang tunay na mang-aagaw.
Hindi na nagawang pabulaanan ni Glenda ang lahat ng mga sinabi tungkol sa kaniya. Dahil sa tagpong ito ay nagbago na ang tingin ng mga kapitbahay kay Anna at kay Glenda.
Labis ang paghingi ng tawad ng mga ito kay Anna sa panghuhusgang kanilang ginawa.
Kahit na hindi na nakakatanggap ng masasakit na salita si Anna mula sa mga kapitbahay ay hindi na rin nagawa pang maibalik ang nasirang pagkakaibigan nila ni Glenda.
Parang nagkabaligtad ang mundo sapagkat ngayon ay si Glenda naman ang laman ng mga usapan.