Inday TrendingInday Trending
Nagmamadali sa Pag-aasawa ang Isang Babae; Ito ang Kinahinatnan ng Kaniyang Buhay

Nagmamadali sa Pag-aasawa ang Isang Babae; Ito ang Kinahinatnan ng Kaniyang Buhay

“Ibang klase ka talaga, Elsa! Mantakin mong dalawang salon na kaagad ang naipundar mo sa loob pa lang ng isang taon. Tapos ay may bubuksan ka pang grocery store. Madam na madam na talaga ang datingan mo!” sambit ni Rosie sa kaniyang matalik na kaibigan.

“Kaya nga, e. Hindi rin ako makapaniwala sa lahat ng tagumpay na ito. Alam mo ba ‘yung pakiramdam na nasa ulap ako at walang katapusan ang kaligayahan,” saad naman ni Elsa.

“Lahat ng nais mo ay nasa iyo na. Ang kulang na lang talaga sa buhay mo ay isang asawang makakatuwang mo sa lahat ng mga nais mong marating sa buhay,” wika pa ng kaibigan.

“Oo nga, e. Pero baka ganun talaga. Hindi mo makukuha ang lahat sa buhay mo. Basta ako, sapat na ako sa mga negosyo ko. Baka wala na rin akong panahon pa na magkanobyo,” sambit muli ni Elsa.

Lahat ng pangarap ng dalagang si Elsa ay abot kamay na niya. Dahil sa kaniyang sipag at tiyaga ay nakapagpundar siya ng isang negosyo at napalago pa niya ito. Kahit na parang nasa kaniya na ang tagumpay at hindi niya maipagkakaila na may mga pagkakataon na ninanais niyang magkaroon ng sarili niyang pamilya. Ngunit sa tagal ng paghihintay ni Elsa ay hindi pa rin dumarating ang lalaking para sa kaniya.

Hanggang sa isang araw ay napansin ng kaniyang kaibigang si Rosie ang isang lalaking palaging nagpupunta sa salon nito.

“Hindi ba si Robert ‘yan? Nasa kolehiyo pa lang tayo ay nililigawan ka na niyan. Bakit hindi mo pa sagutin?” tanong ng kaibigan.

“Hindi naman siya nagtatanong sa akin ngayon. Saka ayokong isipin na kaya siya bumabalik-balik dito sa salon ko ay dahil lang sa akin. Nagpapagupit kaya siya palagi dito,” pahayag naman ni Elsa.

“Mayroong lalaki bang kailangang magpagupit linggu-linggo? Kung ako sa iyo, Elsa, ay hindi ko na pakakawalan ang pagkakataong ito. Sunggaban mo na. Aba, hindi ka na bumabata pa, a!” sulsol pa ni Rosie.

Hanggang sa umamin na rin si Robert sa kaniyang nararamdaman kay Elsa. Hindi na pinatagal pa ni Elsa ang panliligaw sa kaniya ng binata sapagkat nais na niyang magkaroon ng sariling pamilya.

Hindi pa man nagtatagal ang kanilang relasyon ay agad silang nagpakasal.

“Noong sinabi ko sa’yo na sunggaban mo na ang pagkakataon ay hindi naman ganito kabilis ang ibig kong sabihin,” sambit ni Rosie sa kaibigan.

“Tama ka naman kasi, Rosie. Hindi na ako bumabata pa. Saka tapat naman si Robert sa nararamdaman niya sa akin. Bakit ko pa ito patatagalin?” tugon naman ni Elsa.

Tuluyan na ngang nakipag-isang dibdib si Elsa kay Robert.

Naging masaya naman ang kanilang pagsasama sa simula. Ngunit habang tumatagal ay napansin ni Elsa ang pagbabago sa kaniyang asawa. Madalas ay mahuli niya itong nagpupunta sa casino upang magsugal.

“Habang maaga, Robert, ay itigil mo na ang bisy0 mo na iyan. Ituon na lamang natin ang ating mga sarili sa mga negosyo natin. Walang magandang maidudulot ang pagsusugal mo,” pakiusap ni Elsa sa kaniyang mister.

“Hayaan mo nga ako at naglilibang lang naman ako! Hindi porket kasal na tayo ay maaari mo na akong hawakan sa leeg. Ako ang lalaki at ako pa rin ang magdedesisyon sa pamilyang ito,” sambit ni Robert.

Sa puntong ito ay tila kinakabahan na si Elsa sa mga maaaring mangyari sa kanilang pagsasama. Ilang beses na rin niyang nahuli kasi ang asawa na bukod sa pagsusugal ay madalas din itong tumambay sa mga night club at doon ay nakikipag-inuman sa kaniyang mga kaibigan. Dagdag mo pa rito ang mga babaeng kanilang nai-te-table.

Dahil sa mga kaganapang ito ay kinausap niya ng masinsinan ang kaniyang mister.

“Kung hindi ka magbabago ay maghiwalay na lang tayo. Hindi ganitong buhay ang inasam ko, Robert. Hindi ganitong buhay ang ipinangako mo sa akin! Unti-unti nang nalulugi ang mga negosyo ko nang dahil sa’yo! Sa tingin ko ng ay wala ka pa ring balak na bumuo tayo ng sarili nating pamilya, e! Tapatin mo ako, Roebrt, gusto mo pa bang maayos ang relasyon na ito?” sambit ng asawa.

Humingi ng tawad si Robert at nangako ang ginoo na magbabago at kakalimutan na niya ang mga masasamang gawain niya. Agad naman siyang pinatawad ni Elsa dahil sa pagmamahal sa asawa.

Ngunit hindi pa nakakalipas ang dalawang buwan ay muling bumalik si Robert sa kaniyang pagsusugal at pambababae.

Hanggang sa na napansin na lamang ni Elsa na wala na halos ang kaniyang naipundar.

Nang sitahin niya ang mister ay mas galit pa sa kaniya ito.

“Wala akong pakialam kung nais mo nang humiwalay sa akin. Sa tingin ko nga ay mas mabuti pa ito para sa ating dalawa. Simula nang napangasawa kita ay puro kamalasan na lamang ang inabot ko. Akala mo ba ay masaya pa ako sa’yo? Umpisa pa lang, tanging yaman mo lamang ang habol ko! Ngayong hindi na kita mapapakinabangan ay wala ka na ring bilang sa akin,” sambit ni Robert.

Labis na ikinalungkot ni Elsa ang mga sinabi ng kaniyang asawa. Hindi niya akalain na ganito pala ang tanging tingin nito sa kaniya.

Lumisan si Robert na hindi lamang basta sinimot ang lahat ng naipundar ni Elsa kung hindi nag-iwan pa ito ng mga utang. Hindi maiwasan ni Elsa ang malugmok sa pangyayari.

Labis ang kaniyang pagsisisi nang hayaang niyang makapasok si Robert sa kaniyang buhay at magmadali sa pagpapakasal dito.

Tuluyang nakipaghiwalay si Elsa sa kaniyang asawang si Robert. Agad na napawalang bisa ang kanilang kasal.

Sa tulong na rin ng mga kamag-anak at kaibigan ay unti-unting ibinabangon ni Elsa ang kaniyang sarili upang makabawi sa buhay. Hindi pa rin siya nawaalan ng pag-asa na isang araw ay magiging maayos rin ang lahat sa kaniya.

Ngunit nagdesisyon na siya sa puntong iyon na hihintayin na lamang niya ang tamang taong nakalaan para sa kaniya. At kung hindi man dumating ang panahon na iyon ay maluwag niya itong tatanggapin. Dahil ang tunay at tapat na pag-ibig ay kailanma’y hindi minamadali.

Advertisement