Inday TrendingInday Trending
Matapos Ipahiya ang Delivery Man ay Nais Ikansela ng Babae ang Order; Isang Babae ang Magtatanggol sa Kawawang Lalaki

Matapos Ipahiya ang Delivery Man ay Nais Ikansela ng Babae ang Order; Isang Babae ang Magtatanggol sa Kawawang Lalaki

“Bakit ngayon lang dumating ang parcel kong iyan?! Kanina ko pa hinihintay ‘yan ah!” Gigil na sigaw ng babae sa isang delivery man.

“Pasensiya na po kayo, ma’am. Ang una ko kasing hinatiran ay ‘yong original address na nakalagay sa parcel niyo. Kaso nagtext kayo sa’kin at sinabing wala kayo sa bahay niyo at naririto sa lugar na ito, kaya biglang nagbago ang ruta ko ma’am. Saka sobrang trapik po ang papunta rito,” nakayuko at mahinahong paliwanag ng lalaki.

“Nangangatwiran ka pa!” Gigil na tumayo ang babae at akmang sasampalin ang lalaki. “Wala kang pakialam kung gusto kong baguhin ang address ko. Obligasyon mong ihatid sa’kin ang parcel ko nang maayos at sakto sa oras. Tingnan mo nga kung anong oras na. Ilang oras akong naghintay sa’yo, sinasayang mo ang oras ko. Ika-kansel ko na ang order na iyan!”

“P-pero ka—” nauutal at hindi malamang wika ng delivery man.

“Teka lang,” singit na wika ni Ariella. Kanina pa niya napapansin ang babaeng ito na panay ang mura habang may kausap sa selpon. Ngayon ay alam na niya kung sino ang minu-mura nito. “Sa tingin ko’y wala namang naging problema sa delivery man na naghatid ng parcel mo. Ang nakikitaan ko ng problema rito ay ikaw na feeling VIP,” aniya sa babae.

“Pwede bang huwag kang mangialam rito. Hindi ikaw ang kausap ko! Mataray na wika ng babae.

“Hindi mo ba narinig ang paliwanag niya sa’yo. Trapik ang daan at pabigla-bigla kang nag-iba ng address na dapat paghahatiran. Paano mo masisi ang kawawang lalaking ito kung iyang ugali mo naman talaga ang may problema?” mahinahon ngunit mabibigat ang bawat katagang sambit ni Ariella sa babae.

“Kahit na! Obliga—”

“Miss! Baka akala mo ikaw lang ang tao sa mundong ito,” agad na wika ni Ariella, hindi pa man tapos magsalita ang malditang babae. “Baka nakakalimutan mong hindi ka espesyal na tao. Hindi lang ikaw ang hinahatiran ng parcel ni kuya.

Huwag kang pa-importante na para bang binibili mo na ang buong pagkatao niya. Kung makasigaw-sigaw ka at magpahiya ng kapwa mo akala mo ang taas-taas mo na! Kung wala kang pambayad, huwag kang ambisyosa at mag-feeling anak ng presidente, na animo’y kunting deperensya lang ay pinapalaki na. Magkano ba ang presyo ng parcel na iyan, kuya?” Baling ni Ariella sa nakayukong delivery man.

“One thousand five hundred po ma’am,” anito.

“Ako na ang magbabayad niyan. Alam kong karga mo pa ang parcel na iyan kung hindi binayaran ng ambisyosang babaeng ito,” aniya saka kumuha ng pera sa wallet.

Pagtapos maiabot ang bayad ay agad iyong kinuha ni Ariella saka pabalibag na itinapon ito sa malditang babae. “Ayan na! Nakakahiya naman sa’yo,” aniya saka pairap na tinalukuran ang babae, hila ang nahihiyang delivery man palabas.

Napuno naman hiyawan at kantyawan ang buong restaurant. Lahat ay bumilib sa ginawa ni Ariella, habang nanggigigil naman ang mga ito sa malditang babae.

“Bagay lang ‘yan sa’yo! Feeling rich kid ka kasi!” Rinig pa ni Ariella na wika ng isang babae sa malditang babae.

Nang nasa labas na sila ng delivery man na nakilala niya sa pangalang Piolo, muli niya itong inabutan ng dalawang libo.

“Sobra-sobra na po ito ma’am,” nahihiyang wika ng lalaki.

“Maliit na bagay lamang iyan, kuya. Ibili mo iyan ng makakain mo, pambawi sa pagod na naranasan mo sa paghatid ng parcel ng babaeng impokritang iyon,” nakangiting wika ni Ariella.

“Salamat po, ma’am, sa ginawa niyo ah. Sa totoo lang po ay nakaramdam talaga ako ng takot noong sinabi na niyang ipapa-kansela niya ang order niya, dahil sa’kin. Gusto ko nang umiyak at magmakaawa no’ng mga oras na iyon at makiusap na huwag niyang gawin ang bagay na iyon dahil itong trabahong ito na lang ang inaasahan ko.

Mas mahihirapan ako kapag nawalan ako ng trabaho. May anak akong dina-dialysis, kulang pa ang sahod ko para sa anak kong iyon. Pero kahit papaano’y may napagkukuhanan ako kasi may trabaho ako. Paano kapag tinanggal ako ng amo ko dahil sa insidenteng ito? Saan na ako pupulutin,” mangiyak-ngiyak na wika ni Piolo.

Nahahabag na nilapitan ni Ariella si Piolo at tinapik ang likuran. “Wala kang kasalanan sa nangyari kanina. Baka naman hindi gano’n ka unfair ang amo mo para tanggalin ka na lang basta-basta, dahil lang may kostumer kayong pa-importante. May awa ang Diyos at alam kong hindi ka niya pababayaan lalo na’t alam niyang mabuti kang tao.”

“Salamat po ma’am,” buong pusong wika ni Piolo sa babaeng hindi man niya kilala’y may malasakit naman sa mga kagaya niya.

May kaniya-kaniyang pinagdadaanan ang bawat isa sa’tin. Huwag maging masyadong mataas ang tingin sa sarili por que mababa ang estado ng buhay ng ibang tao kaysa sa’yo. Pantay lang dapat ang turing natin sa’ting kapwa.

Advertisement