
Pinaalis ng Babae ang Batang Nakatanghod sa Tapat ng Kanilang Panaderya; Nabigla Siya sa Naging Kinahinatnan
“Ano ba ’yan! Kanina pa napakadalang ng mga kostumer, ah!” Inis na napakamot si Aling Kora sa kaniyang ulo nang umagang iyon dahil sa napakadalang na pagdayo ng mga kostumer ngayon sa kanilang paninda. Magtatanghali na ngunit matumal pa rin ang benta. “Paano na ako makakabayad niyan sa renta kung ganito nang ganito?” nabubuwisit pang dagdag niya at sumilip sa labas.
Pagdungaw ng tindera sa harapan ng kaniyang paninda’y nanlaki ang mga mata niya nang makita ang isang bata na nakatanghod sa mga tinapay na naka-display. Tila takam na takam ito na inaamoy-amoy pa ang labas ng kaniyang bakery… ngunit hindi iyon nagustuhan ng ale.
“Ay naku! Kaya naman pala ako minamalas ngayong umaga’y may buwisit pala sa harapan ng tindahan ko!” ang galit na sabi pa ng tindera dahil sa kaniyang init ng ulo.
“Hoy, bata!” Tinawag niya ang bata na agad namang nag-angat ng tingin upang siya ay tingan. “Lumayas ka nga riyan at ako’y minamalas, dahil sa ’yo! Alis!” aniya pa. Sinisisi ang walang muwang pang musmos na halata namang naglalaro lamang sa tatlo, hanggang apat na taong gulang.
Ngunit dahil hindi pa naman gaanong nakaiintindi ang batang marungis ay lalong nag-init ang ulo ng mapanising si Aling Kora! Kulang na lamang ay umusok ang kaniyang ilong sa galit at agad na nilabas ang bata.
Piningot niya ang kawawang musmos at kinaladkad ito palayo sa kaniyang panaderya. Nasa ganoon siyang akto nang makarinig siya ng tila mga sigawan sa ’di kalayuan…
“Ayun! Ayun ang apo ni Mr. Monteverde!” sigaw ng isang lalaki habang nakaturo sa batang pinipingot ni Aling Kora. “Hoy! Bakit mo pinipingot ang apo ni Mr. Monteverde?! Hindi mo ba alam na p’wede ka naming ipadampot ngayon mismo sa mga pulis?!” sabi pa nito nang makitang pingot-pingot pa rin niya ang bata.
Nanlalaki ang mga matang napabitiw naman kaagad si Aling Kora sa tainga ng bata… kilala niya ang Mr. Monteverde na siyang tinutukoy nito! Iyon ang milyonaryong negosyante na siyang may-ari ng commercial building kung saan siya umuupa ng puwesto para sa panaderya.
“Tumawag kayo ng pulis!” sabi pang muli ng lalaking nakakita sa kaniya sa mga kasama nitong kapwa mga nakasuot din ng mga pormal na damit.
Halos manlumo naman si Aling Kora sa narinig. Nanghina ang kaniyang mga tuhod at halos mapaluhod na siya sa lupa.
Ano ba itong kaniyang nagawa?!
“P-patawarin n’yo po ako! Hindi ko po alam na apo pala siya ni Mr. Monteverde!” umiiyakl niyang pakiusap sa nagpakilalang assistant ng matandang negosyante.
“Kahit na! Kahit sinong bata, mayaman man o mahirap ay hindi mo dapat tinatrato nang ganiyan! Kung may nagawa man siyang mali, mas maiging kausapin mo ang mga magulang upang sila ang dumisiplina sa kanilang anak, hindi ’yong basta ka na lang mananakit!” mariin namang tugon ng nagagalit na assistant.
Ang paliwanag nito, kanina ay ipinapasyal lamang nila ang batang nagngangalang Leo na siyang apo ng kanilang boss nang bigla na lamang itong mawala. Pagkatapos ay narungisan pa ito mula sa kinakaing ice cream kaya naman nang makita ito ni Aling Kora ay napagkamalan niya itong pulubi at nangyari na nga ang nangyari!
Dumating sa presinto ang mga magulang ng bata, kasama na rin si Mr. Monteverde. Yukong-yukong nakiharap sa kanila si Aling Kora at naglumuhod pa sa pagmamakaawa sa mga ito.
“Patawarin n’yo po ako sa nagawa ko! Kung alam ko lamang pong apo n’yo ang batang ’yon ay hinding-hindi ko gagawin ang nagawa ko sa kaniya!” magkasalikop pa ang mga kamay na pagsusumamo ni Aling Kora.
Napailing naman si Mr. Monteverde habang ang anak at manugang nito na siyang mga magulang ng batang basta na lamang niyang piningot ay tila lalong nagalit sa kaniyang naging katuwiran!
“Ibig mong sabihin, kung nagkataon palang hindi ka nakita ng tauhan ko’y itutuloy mo pa rin ang ginagawa mo sa apo ko dahil hindi mo naman kamo alam na apo ko siya? Wala kang puso! Kahit na sinong bata pa ’yan ay hindi mo dapat ginagawan ng mga ganoong bagay! Gusto sana kitang patawarin kanina ngunit mukhang hindi ka naman deserving para sa aking kapatawaran. At dahil diyan, tuloy ang kaso!” ang galit pang sabi ng matanda sabay alis na sa presinto.
Tuluyan nang ipinasok si Aling Kora sa piitan at ganoon na lamang ang kaniyang pagsisisi dahil sa kaniyang nagawa.