Inday TrendingInday Trending
Kilalang Duwag ang Binata sa Kanilang Eskuwela; Ngunit Isang Viral Video ang Babago sa Tingin Nila sa Kaniya!

Kilalang Duwag ang Binata sa Kanilang Eskuwela; Ngunit Isang Viral Video ang Babago sa Tingin Nila sa Kaniya!

“Mga tropa, tingnan n’yo kung sino itong dumaraan, oh!”

Ngingisi-ngising hinarangan ng kaniyang kaeskuwela si Gerald habang siya’y papasok sa kanilang klase. Nasa likod nito ang mga kaibigan nitong mayayabang na nakahalukipkip pa at nakatitig sa kaniya.

“Aba, aba, aba! Si Gerald na duwag pala! Mukhang bago na naman ’yang sapatos mo, ah!” biglang saad naman ng isa sa mga miyembro ng barkadahang iyon na siya ring naghagis ng sapatos niya kahapon sa ilog na katabi lang ng kanilang eskuwelahan. Kabibili lamang niya ng sapatos at mukhang balak na naman iyong pagdiskitahan ng mga ito.

Sinubukang umiwas ni Gerald sa kaniyang mga bully ngunit talagang ayaw siyang tantanan ng mga ito. Hindi niya alam kung ano nga ba ang nakukuha ng mga ito sa ginagawa nila sa kaniya. Mabuti na lamang at may dumating na teacher at sinaway ang mga ito.

“Napakaduwag talaga niyang si Gerald, ano? Bakit kaya hindi niya subukang lumaban?” dinig niyang bulong ng isa sa mga nadaanan niyang kapwa estudyante habang nakikisabay siya sa kanilang guro.

“Sinabi mo pa! Talagang napakaduwag nga niya!” Napailing na lamang si Gerald sa kaniyang mga narinig at hindi na sila pinansin pa.

Pauwi na noon si Gerald sa kanilang bahay. Katulad ng dati ay matiyaga siyang naghintay ng masasakyang bus sa terminal. Nauna siyang makaupo kahit pa siksikan na noon sa bus… ngunit naisipan na lamang niyang magpaubaya nang makita niyang nahihirapan at naiilang sa pagtayo ang isang babaeng nakasuot lamang ng maluwag at manipis na damit na mukhang pantulog.

“Maraming salamat, kuya! Nakakahiya kasing tumayo na ganito lang ang suot ko. Nagmamadali kasi ako kagabi, dahil isinugod ko sa ospital ang lolo ko kaya hindi na ako nakapagpalit pa. Ngayon pa lang ako makakauwi para kumuha ng damit,” nahihiyang paliwanag pa ng babae na nginitian at tinanguan lang naman ni Gerald.

Maya-maya pa’y napansin na lamang niya na nakatulog na ang babae dahil na rin siguro sa sobrang antok. Mabuti na lamang talaga at natural na gentleman si Gerald kaya nagpaubaya siya ng upuan dito.

Ngunit sa tagpong iyon ay may napansin ding kakaiba ang binata… ang lalaki kasing katabi nito ay titig na titig sa halos bakat na bakat na palang dibdib ng babae!

Dahil sa awa ay minabuti ni Gerald na hubarin ang suot niyang jacket at ikumot iyon sa babae upang matakpan ang nakabakat nitong dibdib, bago siya nag-iwas nang tingin… ngunit sa kaniyang muling pagharap sa gawi nito’y kitang-kita na niyang sinusubukan na palang tanggalin ng lalaki ang inilagay niyang jacket sa babae upang mah*puan ito!

Nanlaki ang mga mata ni Gerald at wala sa loob na nahablot niya ang kuwelyo ng sira ulong lalaki!

“Bakit mo siya hinihipuan?!” galit niyang sigaw na agad na nakakuha sa atensyon ng iba pang nakasakay sa bus.

“Huwag kang makialam dito, bata, kung ayaw mong butasan ko ’yang tagiliran mo!” nanggigigil namang sagot ng lalaki at bigla itong naglabas ng patalim!

Napaatras si Gerald kasabay ng hiyawan ng ilan pang mga pasahero, ngunit agad na nag-isip nang mabuti ang binata. Ang turo sa kanila ng kaniyang coach sa isang martial arts institution ay maging kalmado lamang sa mga ganitong pagkakataon, kaya naman huminga siya nang malalim bago siya gumawa nang maingat na hakbang…

Hinanap niya ang vitals ng lalaking namumula ang mga mata. Nakita niya ang bahagi ng batok nito at mabilis iyong sinuntok ni Gerald! Tulog agad ang lalaki at humandusay ito sa sahig ng bus!

Palakpakan naman ang mga nakakita sa kaniyang ginawa at doon lamang niya napansing kanina pa pala siya kinukuhanan ng mga ito ng video.

Kinabukasan ay takang-taka si Gerald nang habang papasok siya sa eskuwelahan ay pinagtitinginan siya ng mga tao. Nakangiti ang mga ito sa kaniya at tila ba puno ng paghanga ang kanilang mga mata.

Lingid sa kaniyang kaalaman ay nag-viral na pala ang video ng ginawa niyang pagliligtas sa babae kahapon sa bus!

“Grabe, astig ka pala, Gerald, eh!” papuri sa kaniya ng isa niyang kaeskuwela. “Sana dati mo pa pinakita na magaling ka palang mangarate para naman hindi ka binansagang duwag.”

Ngumiti lamang naman si Gerald. “Hindi ko naman kailangang makipag-away at gamitin sa kanila ang kakayahan ko para lang patunayang matapang ako,” sabi niya pa at doon ay talagang humanga pa sa kaniya ang mga kaeskuwela.

Lubos naman ang pasasalamat sa kaniya ng babaeng iniligtas niya, habang ang lalaki namang nakalaban niya sa bus ay dinakip na ng mga pulis. Simula noon ay wala nang nang-bully pa sa kaniya.

Advertisement