Inday TrendingInday Trending
Ang Buong Akala ng Misis ay Nag-iipon ng Pera ang Kanyang Asawa Para Pang-date Nila sa Kanilang Anibersaryo, Yun Pala’y Nagkamali Siya

Ang Buong Akala ng Misis ay Nag-iipon ng Pera ang Kanyang Asawa Para Pang-date Nila sa Kanilang Anibersaryo, Yun Pala’y Nagkamali Siya

Excited na si Berna sa nalalapit na ikalimang anibersaryo nila ng asawang si Kalel. Palagi niya kasi itong nakikitang nag-iipon sa alkansya nitong 1.5 liter na bote. Magdadalawang bote na ‘ata ang mapupuno nito sa iniipong tiglilimang piso. Sigurado siya na pinag-iipunan nito ang date nila at surprise nito para sa kanya. Isa lang ang anak nila at apat na taong gulang na ito. Kahit palagi siyang naiinis sa asawa dahil mabarkada ito ay hindi niya pa rin mapigilan ang sariling mahalin ito ng sobra. Hindi lamang para sa anak nila, kundi dahil yun talaga ang tibok ng puso niya. “Mahal, I love you…” buong paglalambing niya sa asawa bago matulog. “I love you too,” sagot nito. Ilang araw pa ang lumipas ay pinipilit niyang huwag awayin ang asawa. Kahit pa ilang beses itong mahuli ng uwi sa gabi dahil sa pagyayaya ng barkada nito ay iniintindi niya pa rin. Sa isip-isip niya’y ayaw niyang sirain ang nalalapit nilang anniversary. Hanggang sa isang araw na lamang ay anibersaryo na nila. Pilit kumukuha ng clue kung saan nga ba siya dadalhin ng asawa sa espesyal na araw nila, “Mahal, linggo bukas. Saan mo balak pumunta?” Nagkibit-balikat ang asawa, “Baka dito lang sa bahay.” Kinilig siya nang bahagya. Halata namang susurpresahin siya nito kaya ayaw sabihin sa kanya ang totoo. Dumating na ang araw na pinakahihintay niya. Maaga siyang gumising para makapaghanda. Pinlantsa niya pa ang damit na susuotin niya. “Mahal, pasabay naman ‘to,” ika ng asawa sabay bigay sa kanya ng damit at pantalon. Lalo siya napangiti at bumulong, “Sa bahay lang daw…” Nang matapos silang magtanghalian ay nagtungo muna si Berna sa nanay niya upang ipaalaga ang anak nila, “Ma, anniversary po namin ni Kalel. Kukunin ko rin po sa inyo si Beatriz pag-uwi namin.” “Wow, magde-date kayo?” “Opo, pinag-ipunan talaga ng asawa ko!” kinikilig niya pang sabi sabay halik sa anak niya, “Nak, behave ka dito kay lola ah? Babalik din kami agad ni Daddy.” “Saan ka galing?” tanong ni Kalel pagkauwi niya ng bahay. “Ah pinaalaga ko muna si Bea kay Mama. Mukhang bihis na bihis ka ah?” Napakamot ito ng batok, “Oo, nayaya kasi ako ng tropa. Inuman lang daw sa may bagong bukas na bar d’yan sa Taguig.” Nangunot-noo siya, “Anong oras ka naman uuwi?” “Malalaman pa,” alanganing sagot nito. Sa sobrang inis ay sumige nalang siya sa asawa sabay akyat ng kwarto nila. Tinignan niya ito palabas ng bahay, “Umalis nga ang mokong!” Agad niyang tinignan ang alkansya nito. At ganoon nalang ang gulat niya nang makitang wala ng laman iyon. “At ‘yun lang pala ang pinag-iipunan niya?!” galit na galit siya. Hindi na nga naalala ng asawa na anibersaryo nila ngayon, mas pinili pa nitong kasama ang barkada. Sa pag-uwi ni Kalel sa bahay ay wala na ang mag-ina niya. Wala narin ang mga gamit at mga damit ng mga ito. Inakala pa naman niyang pagdating niya ay may sasalubong sa kanya dahil medyo lango siya sa alak nang umuwi. Walang magpupunas sa kanya hanggang sa mahimasmasan ay makatulog. Walang magpapalit ng damit niya kapag hindi na niya kaya ang sarili. Walang maghahain ng pagkain bukas. Ngunit higit sa lahat ng mga yun, wala na sa tabi niya ang asawa niyang mahal na mahal niya. Sumuko na ito dahil sa kapabayaang ginawa niya. Hanggang sa naalala niya kung ano ang okasyon sa araw na ito. Napasubsob siya sa mga palad nang mapagtanto kung gaano siya kawalang-hiyang asawa. Nabasa na lamang niya ang sulat ng asawa sa kama nila. Kalel, Sunduin mo nalang ako kila Mama kung ready ka na igive-up ang pagkabinata mo. At kung ready ka na magkapamilya. At nagpunta nga siya sa bahay ng biyenan niya na may dalang bulaklak at cake. Lingid sa kaalaman ng asawa niya’y may inilaan talaga siyang ipon para sa araw na ito. Sadyang nakalimutan lang niya dahil sa kapabayaan niya. Gusto talaga niya itong surpresahin. “Mahal, sumama ka sakin ngayong araw. At kapag sa araw na ito, napagtanto mong hindi mo na talaga ako mahal, bibigyan kita ng mas mahabang panahon para patawarin ako.” nagmamakaawang sabi ni Kalel upang mapapayag ang asawa. Mahal ni Berna ang asawa kung kaya hindi siya tumanggi sa alok nito sa kanya. Sumakay sila ng taxi at kahit anong pagtatanong niya dito kung saan siya dadalhin ay ayaw nitong sabihin. Hanggang sa dumating sila sa isang tagong lugar. Hindi na alam ni Berna kung nasaan sila. Pagbaba nila ng sasakyan ay tinakpan ng asawa ang kanyang mga mata. “Bawal sumilip, mahal ha?” bulong sa kanya ng asawa. Nang buksan niya ang mga mata ay ito ang tumambad sa kanya… Gulat na gulat siya dahil ito ang unang pagkakataon na may ginawang ganito ang kanyang asawa. Dahil kahit pitas na santan ay hindi siya mabigyan nito. Naisip niya, minsan pala ay maganda rin na tinatakot ang mga lalaki. “Mahal, patawarin mo ko. Napakalaki ng pagkakamaling ginawa ko. Mas inuna ko pa ang makipagkatuwaan sa mga kaibigan ko kaysa iparamdam sayo kung gaano ka ka-importante sa akin. Pero alam mo mahal, ang barkada ang tumulong sa aking mag-set up nito. Na-guilty sila dahil sa dalas namin lumabas ay napabayaan ko ang pagsasama natin. Mahal na mahal kita, Berna. Wag mo ko iiwan.” Napayakap si Berna sa asawa. Sana nga ay ito na ang simula ng mas masaya nilang pagsasama. Nagpapasalamat siya at sa wakas ay nakita na nito ang tunay niyang halaga. Ito ang lalaking pinakasalan niya. Ito si Kalel bago sila maging mag-asawa. Nagbalik na ang asawa niya. Minsan sa mag-asawa, dahil sa sobrang pagiging komportable natin sa isa’t isa at dahil sa pag-aakalang hindi tayo iiwan ng ating kabiyak ay nagagawa natin silang balewalain. Hindi na natin naiisip kung kamusta na sila, anong ginawa nila sa buong araw… Ang mga babae, pinapakasalan yan para mahalin at alagaan hindi para gawing alila at katulong sa bahay. Sila ang ilaw ng tahanan kung kaya nararapat na tratuhin natin sila ng may pagmamahal. So mister, na-surpresa mo na ba si Misis sa anniversary niyo? Baka panahon na para planuhin ito. 🙂 Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat. sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.

Advertisement