Nagmataas ang Babae sa Tiyahin na Nagpaaral sa Kanya Ngayong May Pera na Siya, Simula Noon ay Minalas na ang Buhay Niya
Masayang nagsuklay ng buhok si Aling Tessie, tapos ay naglagay ng pulbos sa mukha. Kumuha rin ito ng konting cologne at ipinahid sa damit at sa likod ng tenga. “Nay, sa’n po bang punta mo?” tanong ni Gel sa kanyang ina. “Ano ka ba Angel, nalimutan mo ba? Ngayon ang dating ng Ate Katarina mo! Mag ayos ka na dyan at tena!” sabi nito sa kanya na tila gulat na gulat dahil di pa siya naliligo. Ang ate Katarina niya ay 5 taon sa abroad, pinsan niya lang ito pero sa bahay na nila lumaki dahil ulilang lubos na. Ngayon ay may asawa na ito at malapit lang sa kanila ang bahay, excited ang nanay niya hindi dahil sa pasalubong kung hindi dahil miss na miss na nito ang ate niyang itinuring na rin nitong sariling anak. Sa katunayan ay nanay niya ang nagpa-aral sa ate Katarina, na walang hinihinging kapalit. “Para ho mama,” sabi ng nanay niya na nagmamadaling bumaba ng tricycle. Binuksan nito ang gate ng bahay at kumatok na sa pintuan. “Katarina, Joel.. si Tita Tessie ito,” sabi nito habang sumisilip silip pa sa bahay. Maya maya ay binuksan ni Joel ang pintuan, kitang kita sa salas ng mga ito ang nakakalat na mga gamit mula sa loob ng package ni Katarina. “Kat, Tita mo,” walang ganang sabi ng lalaki at bumalik na sa loob. Sumalubong sa kanila ang nakasimangot na si Katarina. “Tita Tess, bakit po?” walang ganang sabi nito. Nagtataka naman si Angel sa tabang ng pakikitungo nito sa nanay niya, akala yata ay hihingi sila ng pasalubong. Nalimutan na nitong nanay niya ang halos mabaon sa utang para sa placement fee nito. “Aba’y miss na miss kita hija!” sabay yakap sa babae. “Kumuha na lang kayo ng dalawang shampoo at isang dove na sabon. Wag nyong ubusin ang chocolate kay Matthew yan.” sabi nito at kumalas na sa yakap ng tiyahin. Tila nasaktan naman ang matanda. “H-hija, hindi naman iyan ang pinunta ko. Gusto ko lamang talagang makita ka, dahil limang tao-” hindi na natapos sa pagsasalita ang nanay niya dahil pinutol na ito ni Katarina. “Sus naman ta, wag na tayong maglokohan. Mangungutang ka no? Magkano ba? Diyos ko naman, natutulog ako at pagod pa sa byahe. Kumuha ka na nga ng gusto mo dyan para makatikim din kayo nina Angel,” sabi lang nito at tinalikuran na lang sila. Inakay ni Angel palabas ng bahay ang nanay niyang lumuluha. Talagang nakalimot na si Katarina sa pinanggalingan nito, nakaangat lang ng kaunti ay bumaba na ang tingin sa tao. Makalipas ang ilang buwan, nagtataka ang mga kapitbahay ni Katarina at hindi parin ito nakakaalis. Bulong-bulungan din sa may tindahan na minamalas daw itong matanggap muli sa abroad. Kwento pa ng kapitbahay nitong si Aling Dina, nangutang daw ang babae sa kapatid niya upang panglakad daw nito ng papeles at kung ano-ano pang dahilan. Ngunit walang nagpautang dito dahil sa kagaspangan ng ugaling pinakita nang dumating ito mula abroad. Tumatak sa utak ng mga tao ang hindi nito paglingon sa pinanggalingan. Hindi maitatanggi ng mga kapitbahay at ibang kakilala ang palihim na kagalakan nila sa kamalasang natamo ni Katarina. “Yan naman ang nababagay sa kanya! Eh aba! Nakatikim lang ng mas matamis na tsokolate eh akala mo kung sino na!” sabi ng gigil na gigil na si Cora. “Kung maka-ismid yang babaeng yan sa tuwing lalabas ng gate akala mo ubod na ng yabang. Eh tricycle lang naman ang sinasakyan papuntang simbahan! Kung maka-asta akala mo naka-kotse!” dagdag ni Rosing na katapat lamang ang tinitirhang bahay sa bahay ni Katarina. “Wag ka, sabi ni Josie na katulong niya, dalawang buwan na daw siyang di nababayaran ng babaeng yun. Ang lakas daw mag-utos at magtaas ng boses, wala naman palang pambayad!” pangsusulsol ng isa pang kapitbahay. “Eh paano makakapagbayad? Eh wala nang pera yun, lubog narin sa utang dahil napakalakas din magsugal ng asawa! Ayun! Imbis na natutulungan siya sa gastusin, lalo pa siyang ibanabaon ng lintek na lalaking yun!” “Sus bagay lang sila! Parehong matataas ang tingin sa sarili. Mabuti nga sa mag-asawang yan. Baka sakaling magbago ngayong walang-wala na!” Hindi na matapos-tapos ang tsismis ng mga ito tungkol kay Katarina. Hindi na nga malaman ni Gel kung nagsasabi pa ang mga ito ng totoo. Ngunit kung totoo man ito, sana’y magawa nang magpakumbaba ng pinsan niya para muling ulanin ng grasya. Nanginginig parin si Gel sa tuwing maaalala niya ang ginawa ng pinsan sa nanay niyang nagpakahirap mapag-aral at makapag-abroad lang ito. Ngunit pinagdarasal parin niya itong magbago. Kung sana ay natuto lang magpasalamat sa tumulong sa kanya si Katarina, baka pinagpala ang kanyang buhay.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!