Hindi Alam ng Babae Kung Paano Bubuhayin Mag-Isa ang mga Anak nang Matanggal sa Trabaho, Isang Biyaya Pala ang Di Inaasahang Darating sa Kanya
Malungkot na isinara ni Ligaya ang pinto ng opisina ng kanilang amo. Panahon na siguro para magligpit siya ng gamit, kasasabi lang kasi nito na isa siya sa mga natanggal dahil sobra na ang trabahador dito sa pabrika ng tela. Paano na kami ngayon?Problemadong sabi niya sa sarili. Tatlo ang anak niya at iniwan na siya ng kanyang asawa, ang naipon niyang limang libong piso ay kulang pa sa mga utang niya. Mahirap ding maghanap muli ng trabaho lalo na sa high school lang ang natapos. “Nay! Ang aga mo po!” tuwang-tuwang sabi ni Jenjen nang makitang alas kuwatro palang ng hapon ay nakauwi na ang ina. “Oo eh, walang masyadong gawa sa pabrika,” pinilit ni Ligaya na takpan ng ngiti ang problema, hindi dapat makahalata ang mga bata. Buti nga ay naaasahan niya na si Jenjen na asikasuhin ang mga kapatid nito, kahit papano ay malaking tulong iyon sa kanya. Dumiretso siya sa munting kusina ng barung-barong upang tignan kung may mailuluto ba, tiyak naman kasing hindi na sila pauutangin sa tindahan. Wala nang de lata doon, ang natira na lang, malagkit na bigas at ilang asukal na dala ng tiyahin niya mula Bicol na bumisita noong isang Linggo. “Jen, gusto ninyo bang kalamay?” tanong niya sa mga bata, nagdadasal na sana pumayag ang mga ito dahil wala siyang ipangbibili ng hapunan. “Sige nay,” sabi naman ng bata. Dahil wala nang gas ay nagningas na lang ng kahoy si Ligaya sa tapat ng kanilang barung-barong at doon nagsimulang haluin ang malagkit na kanin. Dahil dikit dikit ang kabahayan doon ay agad na naamoy ng mga kapitbahay ang kanyang niluluto, si Ligaya naman ay tulala at nagdarasal. Diyos ko, gabayan mo sana kami ng mga anak ko. Hindi ko alam paano na bukas.. “Ligaya, ibebenta mo yan? Pabili ako mamaya ha,” sabi ng matandang kapitbahay. “Ako rin Ligaya, pagbili,” sabi pa ng isa. Halos lahat ng mga kapitbahay ay gustong matikman ang kalamay, nagtira lang ng kaunti si Ligaya para sa mga anak niya. Doon nagsimula ang kanyang negosyo na bumuhay sa kanyang pamilya. Dahil sa pagpupursige niya at pagiging masinop sa pera ay nakapagpa-tayo si Ligaya ng maliit na pwesto sa tapat ng bahay niya. Hindi na niya kailangang maglako dahil siya na ang pinupuntahan ng tao dahil sa sarap ng mga kakanin niya. Image courtesy of www.visitpinas.com Hindi nagtagal at nakapagrenta na ng malaking pwesto sa palengke sa bayan si Ligaya. Nag-su-supply na rin siya sa mga canteen ng mga kalapit nilang eskwelahan. Naging suki narin niya ang Mayor ng kanilang lugar at sa tuwing may salo-salo ay siya ang takbuhan nito para sa ihahandang mga kakanin. Sa ngayon ay may branches na si Ligaya sa buong lalawigan. Marami narin siyang tauhan kung kaya hindi na ganoon kabigat ang trabaho niya. At higit sa lahat, nakapagpundar na siya ng sariling pabrika ng kakanin. Hindi man pinalad si Ligaya na manatili sa pabrika ng telang pinapasukan noon pero dininig ng Panginoon ang panalangin niyang bigyan ng panibagong pag-asa. Tila nagmistulan pang biyaya ang pagkakatalsik niya sa trabaho dahil kung hindi nangyari yun, marahil ay baon parin siya sa utang at marahil hanggang ngayon wala parin silang makain mag-iina. Sabi nga nila lahat ng bagay ay may dahilan, kapag may bintanang nagsasara ay may isa namang bubukas para magbigay ng panibagong pag-asa. Napakamakapangyarihan talaga ng panalangin.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!