Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Simpleng Pagtulong ng Lalaking Ito sa Matandang Babae ay Nakalibre ng Gastos sa Panganganak ang Misis Niya

Dahil sa Simpleng Pagtulong ng Lalaking Ito sa Matandang Babae ay Nakalibre ng Gastos sa Panganganak ang Misis Niya

Pabalik na sa taxi station si Sid upang i-garahe ang minamanehong taxi nang mapansin niya ang isang matandang babaeng nakapayong at nakatayo sa gilid ng kalsada. Hindi niya matiis na iwan doon ang matanda kahit pa nakikita niyang may cellphone naman ito at tila may tinatawagan. “Ma’am, san po kayo?” tanong niya rito pagtigil sa tapat nito. “Sa Makati Med lang toy, kahit magkano, please lang.” siguro ay nasa 60 taong gulang na ang ginang, makikita na maayos ang buhay nito dahil sa maputing kutis at sa magandang kasuotan. Agad pinaandar ni Sid ang taxi kahit pa out of the way iyon at gagarahe na sana siya, kitang kita naman kasi na nagmamadali ang ale. Bago bumaba ang ale ay nag-aabot ito sa kanya ng isang libong piso. “Hindi na po Ma’am, pa-garahe na rin naman po ako,” sabi niya. “Huy! Ano kaba ? Anong hindi? Sayang ang gasolina mo sa akin!” nabibiglang sabi nito. “Hindi na po, tulong ko na yan. Ibalik nyo na lang po sa iba kapag may nangailangan,” sabi niya rito sabay ngiti. Napangiti din naman ang matanda at bumaba na ng sasakyan. Kinabukasan ay maagang gumising ang lalaki para sa panibago nanamang pakikibaka. Kailangan niyang dumoble kayod dahil manganganak na ang kanyang asawa, si Lara. Ito ang kanilang panganay at kahit pa sapat ang naipon ay maigi na iyong may sobra kung sakaling may kailangan pang gastusin. Nasa kalagitnaan siya ng pamamasada nang tumawag ang kanyang byenan. “Sid, ang asawa mo isinugod na namin sa ospital! Pumutok na ang panubigan,” natatarantang sabi nito. Buti na lang at kabababa lang ng pasahero ni Sid. Agad niyang iniliko ang minamanehong taxi papunta sa ospital na sinabi ng byenan, sa Makati Medical Center. Medyo kinakabahan ang lalaki, hindi kasi nila doon pinlanong manganak dahil mahal ang bayad, sa totoo lang ay sa lying in dapat si Lara. Pero hindi niya na inalala iyon, ang mahalaga ay ligtas ang mag ina niya. Pagdating sa ospital ay inabutan niya ang byenan na nakaupo sa waiting area. “Nay, si Lara ho?” tanong niya agad dito. “Sid, kailangan daw i-cesarean si Lara. Malaki masyado ang bata, hindi pwedeng i-normal.” sabi nito. Napatango na lang ang lalaki, saka na lang niya iisipin ang gastos. Ang mahalaga ngayon ay ang makabubuti sa kanyang mag ina. Pagkatapos ng operasyon ay agad pinuntahan ni Sid ang asawa, nakasalubong niya pa ang doktor na nag opera dito. Tinignan siya nitong mabuti, nakatakip pa nga ng medical mask ito. Tinanguan niya lang ang doktor, masyadong okupado ang isip niya. Maya-maya pa ay may dumating na nurse, nakangiti nitong kinumusta ang misis niya na natutulog pa rin sanhi ng gamot na itinurok rito. “Sir, oo nga po pala. Waived na po lahat ng gastos nyo rito sa ospital,” sabi nito. “H-ha? Paanong waived?” alam naman niya na ibig sabihin niyon ay wala na siyang babayaran pero hindi niya lang lubos maintindihan. Alam niya namang mamahaling ospital ito at hindi charity institution. “Sabi po ni doktora, ibinalik niya lang daw sa misis mong nangangailangan ang tulong na ibinigay mo sa kanya kahapon,” sabi nito at umalis na. Doktora? Biglang naalala ni Sid ang matandang babaeng nagpahatid dito sa ospital kahapon, at napangiti siya. Iba din talaga ang nagagawa ng kabutihan. Hindi mo na kakailanganing humingi ng kapalit dahil basta’t bukal sa puso ang pagtulong, ang kapalaran na mismo ang magbabalik nito sa iyo.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement