Inday TrendingInday Trending
Tinangka ng Dalaga na Tapusin na ang Sariling Buhay Dahil Naging Biktima Siya ng Karahasan; Hindi Papayagan ng Kaniyang Nobyo ang Balak Niya

Tinangka ng Dalaga na Tapusin na ang Sariling Buhay Dahil Naging Biktima Siya ng Karahasan; Hindi Papayagan ng Kaniyang Nobyo ang Balak Niya

Tuwing bakasyon ay umuuwi si Natasha sa bahay ng mga magulang niya sa probinsya. Kasalukuyang nag-aaral ang dalaga sa isang Catholic school sa Maynila at kumukuha ng kursong Banking and Finance.

Tuwang-tuwa siya na sa wakas ay makakalanghap na uli siya ng sariwang hangin. Na-miss din niya ang mga magagandang tanawin na nakapalibot sa kanilang malawak na lupain. Nagmula siya sa mayamang pamilya, isang haciendero ang kaniyang ama na si Don Mauricio at maimpluwensiyang negosyante naman ang ina niyang si Donya Nicetas.

Masaya ang lahat sa kaniyang pagdating lalo na ang kaibigan niyang kasambahay na si Sonya.

“Lalo kang gumanda, Senyorita Natasha!” gulat na gulat na sabi ng babae nang makita siya.

“Hindi ka pa rin nagbabago, Sonya. Bolera ka pa rin,” natatawa niyang sagot.

Pagpasok pa lang sa kaniyang kwarto ay sabik nang inusisa ni Natasha ang kaibigan.

“Ano, Sonya? Narito na ba siya sa Santa Quiteria?” tanong niya.

“Kahapon pa siya dumating, senyorita, at ang guwapo-guwapo pa rin!” tugon nito.

Mas lalong lumapad ang ngiti ng dalaga. Lumakas ang tibok ng kaniyang puso.

“Nandyan na pala siya. Tinupad niya ang ang pangakong taun-taon ay magkikita kami. Siya talaga ang lalaking nakalaan sa akin. Ang saya-saya ko!”

“Hep…huwag kayong maingay, senyorita. ‘Di pa kayo pwedeng pakasal ni Lirio. Baka marinig kayo ng inyong papa, hala!” sambit ng kasambahay.

Pero balewala para kay Natasha ang sinabi ng babae. Bigla niya itong hinila sa braso.

“Tena, samahan mo ako…dali!”

“Aba! t-teka naman, senyorita…teka!”

Binagtas nila ang tulay na bato sa likuran ng mansyon upang walang makakita sa kanilang pag-alis.

Nang marating nila ang pakay…

“O, dito ka na lang magbantay ha? Sumipol ka pag may dumating o kapag kailangan na nating bumalik,” utos niya kay Sonya.

“Ang senyorita naman, ke babae kong tao pasisipulin mo ako. Ano ako, ibon?” tugon ng kasambahay.

Nagmamadaling pumunta si Natasha sa paanan ng burol at…

“Natasha!”

“Lirio!”

Doon ang tagpuan nila ng kasintahan niyang si Lirio, isa lamang itong simpleng binata. Anak ito ng mag-asawang magsasaka. Hindi gaya niyang nagmula sa marangyang buhay ang nobyo pero ito ang lalaking nagpatibok sa kaniyang puso. Mahal na mahal niya ito. Nag-aaral din ang binata sa kabilang bayan. Kursong Agrikultura naman ang kinukuha nito.

“O, aking mahal, salamat at nagkita uli tayo,” wika nito sabay yakap sa kaniya nang mahigpit.

“Sobra kitang namiss. Kung alam mo lang na sa araw-araw ay ikaw ang palagi kong naiisip,” sagot ni Natasha.

Habang ninanamnam ng dalawa ang halik at yakap sa isa’t isa ay bigla nilang narinig ang sipol ni Sonya. Ibig sabihin ay kailangan nang bumalik ni Natasha sa mansyon.

Bago magpaalam ay muling pinabaunan ng matamis na halik ng dalaga ang binata at nangako na muli silang magkikita sa lugar na iyon kapag nakakuha uli ng tiyempo.

Pagbalik sa bahay ay sinalubong siya ng kaniyang ina.

“Aba, Natasha, hija, kadarating mo pa lang eh, naggagagala ka na? ‘Di mo ba alam na naglipana ngayon ang mga tulisan,” nag-aalala nitong sabi. Nagkalat kasi sa lugar nila ang mga tulisan na minsan ay bumababa ng bundok para kumuha ng ibang makakain sa kapatagan. Pinangingilagan ang iba rito dahil mararahas daw pero ang ilan naman ay mababait at hindi namemerhuswisyo sa kapwa. Pero buti na rin ang nag-iingat.

Nakaisip agad siya ng idadahilan.

“Ang mama naman! Nagpahangin lamang naman kami ni Sonya sa likod-bahay, eh.”

Nang nasa kwarto na siya ay agad siyang inusisa ni Sonya.

“Ang tagal mo kanina, senyorita, muntik na tayong mahuli ng dating sa mansyon. O, ano? Ni hindi siguro ngayon makausap sa sobrang tuwa si Lirio, ano?” anito.

“Ang init niyang humalik, Sonya! Hay…ang papa naman, eh gusto pang makatapos kami ng pag-aaral bago kami pakasal,” kinikilig na sabi ng dalaga.

Ang totoo, kahit galing sa mahirap na pamilya si Lirio ay boto ang kaniyang mga magulang sa binata dahil matalino ito, masipag at madiskarte. Kaso, kailangan muna nilang makapagtapos sa kolehiyo bago sila maikasal. Iyon ang kondisyon ng kaniyang papa.

“Bukas ay balak kong magkita uli kami. Huwag mo na akong samahan para hindi makahalata sina mama,” sabi ni Natasha.

“Pero senyorita, binalaan na po kayo ni senyora na may mga gumagalang tulisan. Huwag niyo po munang ituloy ‘yan,” tugon ng kaibigan.

“Huwag kang mag-alala, walang mangyayari sa akin dahil kasama ko naman si Lirio.”

Mapilit si Natasha, kinabukasan ay nakipagkita siya sa nobyo at doon nila itinuloy ang nabitin nilang pananabik sa isa’t isa. Hindi na nila natiis ang init ng kanilang katawan at nangyari ang hindi pa dapat na mangyari. Pero sa kalagitnaan ng kanilang lambingan ay may narinig silang mga yabag sa paligid ng burol.

“Ano iyon?” gulat na sabi ni Natasha.

“A, huwag mong intindihin iyon. O, Natasha..ang ganda ng mukha mo sa liwanag ng buwan,” tugon ni Lirio.

Saglit na nalimutan ng dalaga ang narinig.

“L-Lirio, saglit lang…huwag kang masyadong mapusok. Baka nakakalimutan mo na hindi pa tayo kasal?” sambit niya.

“Paano ba naman, minsan lang sa isang taon tayo magkita kaya itodo na natin ito, mahal ko!” paglalambing ng nobyo.

Lingid sa kanila ay hindi lamang sila ang naroon. May mga matang nakamasid.

Mula noon ay palagi nang nagkikita ang magkasintahan sa ibaba ng burol sa tuwing sasapit ang dapithapon at patuloy din ang kanilang palihim na pagkikita. Pero nang minsang nakatakda silang magtagpo…

“Aba, wala pa si Lirio. Mabuti pa yata’t manguha muna ako ng mga bulaklak dito,” wika ni Natasha sa isip.

Nakatagpo siya ng maraming bulaklak sa ‘di kalayuan ngunit ‘di niya inasahan na may makakatagpo siya roon.

“S-sino ka?” tanong niya sa ‘di kilalang lalaki na humarang sa daraanan niya.

Hindi ito sumagot sa halip ay buong gahaman itong umatake sa kaniya. Niyakap siya ng lalaki at pinaghahalikan siya.

“O, Diyos ko pooo!”

Nagtagumpay ang lalaki sa pagsira nito sa kaniyang puri. Wala siyang nagawa sa lakas nito kaya madali nitong nakuha ang gusto sa kaniya. Nilubayan lang siya nito nang makitang lupaypay na siya sa lupa. Pagkatapos nitong nakawin ang kaniyang pagkababae ay kumaripas na ito ng takbo. Lumuluhang bumangon si Natasha at sa kaniyang mukhang dati’y simputi’t sindalisay ay naroon ang dungis ng kamunduhan.

Maya maya ay may nakita siyang dumarating… si Lirio.

“N-Natasha? A-ano’ng nangyari sa iyo, Natasha?” nag-aalalang sabi nito nang makitang ganoon ang anyo niya.

Ngunit hindi nilingon ng dalaga ang binata. Nagpatuloy siya sa pagtakbo palayo, hindi alintana ang gulanit na damit at tila wala na siya sa sarili.

At pagdating sa kaniyang kwarto ay doon niya inilabas ang lahat ng kaniyang luha.

“Wala na akong mukhang maihaharap pa kay Lirio. Marumi na ako, marumi na,” hagulgol niya.

Mula noon ay palagi nang walang kibo, matamlay at malulungkutin si Natasha. Mas gusto niyang nagkukulong lang sa kwarto. Isang araw ay kinausap siya ni Sonya.

“May dinaramdam ka ba, senyorita? Napapansin kong palagi ka na lamang nagmumukmok rito,” tanong nito.

“Wala, Sonya. Gusto ko lang na mapag-isa,” sagot niya.

Pero kapag na-iisa na siya’y patuloy ang kaniyang pagdadalamhati.

“Diyos ko, patawarin mo ako ngunit ibig ko nang mawala kaysa ako’y pandirihan ng mga tao,” sambit niya.

Kaya isang pasya ang napagdesisyunan niya. Isang hapon sa may bangin.

“Patawarin mo ako, Lirio. Ito na lamang ang nalalabing paraan upang makaiwas ako sa kahihiyan,” aniya.

Ngunit…

“Ayos! Naririto ka na naman! Hindi ka siguro nasiyahan nung una, ano? Huwag kang mag-alala mas gaganahan ka ngayon,” wika ng lalaking lumapastangan sa kaniya. Niyakap na naman siya nito nang mahigpit, puno ng pagnanasa. Naroroon na naman ito at gumagala, naghahanap na naman ng mabibiktima. Ang lalaking iyon ang siya ring umaaligid nang magkita sila noon ni Lirio sa ibaba ng burol. Natipuhan siya nito kaya nang bumalik ang dalaga sa tagpuan nila ng nobyo ay inabangan siya nito.

“Bitiwan mo ako! Talagang wala kang kasing sama!” matapang na sagot ni Natasha na pilit nakipagbuno sa lalaki.

Pero ano ang laban ng lakas ng isang babae sa lakas ng isang lalaking gahaman sa kamunduhan? Ilang saglit lang ay kinubabawan na siya nito.

“Yari ka sa akin ngayon!” naglalaway na sabi ng lalaki. Nang biglang…

“Bitiwan mo siya!”

Dumating si Lirio, mabilis nitong pinatikim ng matinding suntok ang lalaki. Hindi pumayag ang kaniyang nobyo na makabangon pa ito. Hindi tinantanan hanggang sa sumadsad sa lupa, pero bumangon pa rin ito at nagbunot ito ng baril. Mabuti na lang at nahawakan ng binata ang kamay nito na may tangan niyon. Isa pang tuwid na suntok ang pinakawalan ni Lirio sa mukha ng lalaki hanggang sa tuluyan itong nahulog sa bangin.

Nang lingunin ng binata ang dalaga, nakita nitong akmang tatalon din ito sa bangin. Mabilis na napigilan ni Lirio ang balak ni Natasha.

“Bakit mo ‘yan gagawin, mahal ko?” tanong nito.

“Dahil hindi na ako karapat-dapat sa iyo. Hindi na ako malinis. Nilapastagan ako ng lalaking iyon noong nakita mo akong tumatakbo pauwi sa amin. Ngayon ay muntik na naman niya akong angkinin, mabuti na lang…mabuti na lang…” napahagulgol na ang dalaga. “At ngayon ay gusto ko nang tapusin ang buhay ko para hindi na ako maging kahihiyan sa aking pamilya at sa iyo.”

Imbes na pandirihan ay niyakap siya nang mahigpit ng kasintahan.

“Nagkakamali ka, mahal ko. Ang iyong katawan lamang ang dinungisan, ngunit ang iyong kapurihan ay lalo pang tumingkad para sa akin…hindi ang bagay na iyan ang buong kapurihan ng isang babae. Ang idudumi ng kapurihan ng isang babae ay kung ibinibigay niya iyon para sa sarili niyang kasiyahan…ikaw ay naging biktima lang ng isang halimaw,” paliwanag ni Lirio saka masuyo siyang hinalikan sa noo. “At walang nagbago, mahal na mahal pa rin kita.”

Napasubsob si Natasha sa dibdib ng binata matapos niyang mapagtanto na tama ang mga sinabi nito.

“O, Lirio…salamat sa iyong pagmamahal,” sambit ng dalaga na sinuklian din ng yakap na puno ng pagmamahal ang kasintahan.

Napag-alaman nila na ang lalaking lumapastangan kay Natasha ay ang isa sa mga gumagalang tulisan sa kanilang lugar. Nakaligtas ito nang mahulog sa bangin ngunit hindi ito nakaligtas sa batas ng tao. Nadakip ito at kasalukuyang naghihimas ng malamig na rehas sa kulungan para pagbayaran ang kasamaang ginawa. Pagkatapos na makamtan ni Natasha ang hustisya ay ipinagpatuloy niya ang buhay, nagtapos siya ng pag-aaral at ‘di nagtagal ay nagpakasal na rin sila ni Lirio at namuhay na masaya at mapayapa sa probinsya.

Advertisement