Inday TrendingInday Trending
Malaking Parte ng Mana ang Nakuha ng Kapatid ng Babae Dahil Mas Mahal Nito ang Kanilang Lola; Isang Malaking Kasinungalingan Pala ang Lahat

Malaking Parte ng Mana ang Nakuha ng Kapatid ng Babae Dahil Mas Mahal Nito ang Kanilang Lola; Isang Malaking Kasinungalingan Pala ang Lahat

“Kumusta na po ang pakiramdam niyo, lola?” tanong ni Mirabel.

“Mahina pa rin. Alam ko, hindi na ako gagaling sa sakit kong ito,” mahinang sagot ng matanda.

“Huwag po niyong iisipin ‘yan. Gagaling pa kayo, maging masunurin at makipagtulungan lang kayo sa doktor,” sagot ng dalaga.

Nang makatulog ang matanda ay bumalik sa gunita ni Mirabel ang nakaraan.

“Paanong mapapalapit sa kalooban ko ang ang isang tao na ngayon ko lang nakasama? Bata pa lamang kami nang maulila ni Manilyn sa mga magulang ngunit tumanggi siyang kami’y kupkupin sapagkat ayaw ng kaniyang pangalawang asawa. Pero ano ang ginawa ng kaniyang batang asawa? Kinaliwa siya at saka lang niya kami pinatira sa bahay na ito nang layasan siya ng lalaking iyon, ” sambit niya sa isip.

Dalawa silang magkapatid, siya ang panganay at si Manilyn naman ang bunso. Pumanaw ang mga magulang nila sa isang aksidente ilang taon na ang nakakalipas. Wala silang mapuntahan noon dahil ayaw silang patirahin ng kanilang lola na si Carmencita sa bahay nito dahil kontra ang batang-bata nitong pangalawang asawa. Dahil mahal na mahal ng matanda ang mister ay sinusunod nito ang lahat ng gustuhin ng lalaki, pero hindi rin naman nagtagal ang kaligayahan ng kanilang lola dahil nakahanap ng mas bata at mas mayaman ang g*gong lalaki at iniwan ito. Saka lamang napagtanto ng matanda na sana ay sila na lang ang pinili kaysa sa manlolokong mister. Ang matanda ang ina ng kanilang yumaong ina.

Kaya ngayon ay nakatira na sila sa poder nito. Pero kahit kailan ay hindi maramdaman ni Mirabel na mahal niya ang kaniyang lola, marahil ay ngayon lang nila ito nakasama kaya nangangapa pa siya. Kahit naman napakalaki ng pagkukulang nito sa kanilang magkapatid ay hindi niya ito kailanman kinamuhian.

Dahil na rin sa katandaan ay kung anu-ano na ang nararamdaman ng matanda, palagi na lang itong nakahiga sa kama. Si Mirabel ang nag-aalaga rito sa maghapon. Siya ang nagpapakain, nagpapaligo at nagpapainom ng gamot pero kahit ginagawa ito ng dalaga’y parang may kulang. Mabigat sa loob niya ang ginagawang pag-aalaga sa matanda na kabaligtaran naman ng kapatid niyang si Manilyn.

Isang araw, dumating sa bahay ang kaniyang nakababatang kapatid na isang linggong hindi umuwi dahil nagbakasyon ito sa Amerika. Dinalaw nito ang kanilang lola sa kwarto.

“Kumusta ang lola kong mahal? Kumain ka na?” masayang bati nito.

“Hindi pa hija,” tanging sagot ng matanda.

“Marami akong pasalubong sa iyo, lola. Pero teka, kukuha muna ako ng pagkain mo, susubuan kita ha?” malambing na sabi ni Manilyn.

Iba ang pakikitungo ni Manilyn sa kanilang lola. Kahit sino ang makakita’y magsasabing mas mahal na mahal nito ang matanda, sa kabila ng naging pagkukulang nito noon. Kung si Mirabel ay may pag-aalinlangan na alagaan ang lola nila, si Manilyn naman ay gustung-gustong alagaan ito.

“Hi, naririyan ka pala, ate!” bati sa kaniya ng kapatid.

“O, dumating ka na pala! Mabuti naman, hinahanap ka na ni lola, eh,” tugon ni Mirabel.

“Hayaan mo, ate. Babawi ako kay lola. Ako ang mag-aasikaso sa kaniya,” nakangiting sagot ng dalaga.

Dahil sa pag-uugaling iyon ng kaniyang kapatid kaya ito ang palaging hinahanap ng kanilang lola kapag inaatake ito ng hika. Palaging si Manilyn ang tinatawag, palaging si Manilyn ang bukambibig.

“Manilyn, apo!”

“Nariyan na ako, lola!”

“Hagurin mo ang dibdib ko, hija. Nagsisikip! Ah!” sambit ng matanda.

“Sige po lola, ako po bahala,” sagot ng apo.

Maya maya ay seryosong nagsalita ang matandang babae.

“P-palagay ko, hija, hindi na ako magtatagal,” nahihirapang sabi nito.

“Lola naman! Huwag kayong magsalita ng ganyan,” tugon ni Manilyn na ‘di na napigilang umiyak dahil sa sinasabi ng kanilang lola.

Ilang sandali pa’y mas lalong lumubha ang lagay ng matanda at nawalan na ng malay. Nag-panic na si Manilyn.

“Tawagan mo ang doktor, ate! Bilisan mo!” utos nito kay Mirabel.

Nang dumating ang doktor…

“Kumusta ang lola ko, doktor? Gawin niyo ang lahat ng paraan, please!” hagulgol ni Manilyn.

Pero lalong nag-iiyak ang kapatid niya sa sinabi ng doktor.

“T-tumawag na kayo ng pari. Hindi na magtatagal ang lola ninyo,” anito.

“Oh, God! Nooo!” sigaw ni Manilyn.

Ilang minuto pa ay binawian na ng buhay si Carmencita. Hindi na nito kinaya pa ang halu-halong sakit sa katawan. Halos maglulupasay sa sahig si Manilyn sa kakaiyak, samantalang kahit butil ng luha’y wala man lang lumabas sa mata ni Mirabel. Malungkot ang dalaga sa pagpanaw ng kanilang lola pero hindi niya magawang umiyak. Ewan ba niya, siguro’y ganoon lang talaga siya.

Isang linggo pagkatapos ilibing si Carmencita, ipinatawag ng abogado ng matanda ang magkapatid para basahin ang nilalaman ng huling habilin nito.

“Ang bahay na ito at ang sasakyan ng lola ninyo ay ibinibigay niya sa iyo, Mirabel. Ang taniman ng pinya sa probinsya, ang construction business at ang lahat ng pera sa bangko ay mapupunta naman sa iyo Manilyn,” hayag ng matandang abogado.

Hindi na nagulat si Mirabel sa sinabi ng abogado, alam na niyang mas malaki ang ipapamana ng lola nila sa kapatid niya dahil ito ang paboritong apo. Mas naramdaman siguro ng matanda na mas mahal ito ni Manilyn kaysa sa kaniya. Wala naman siyang magagawa, iyon ang nararamdaman niya, eh..at least hindi siya pakitang-tao at matagal na naman niyang napatawad ang lola nila sa mga pagkukulang nito. Tanggap niya ang nangyari, deserve naman ng kapatid niya ang nakuha nito dahil ito naman talaga ang nagmahal nang buo sa kanilang lola.

Pero makalipas ang ilang araw, may napansin ni Mirabel…

“A-ano ito, Manilyn? Party? Kamamat*y lang ng lola, ‘di ba?” tanong niya nang madatnang maraming bisita sa bahay. Nagkakasiyahan at nag-iinuman pa.

“C’mon, ate! Don’t be conservative! Kaya nga ako magsasaya para malimot ang pagkawala ni lola,” sagot nito na inalok pa siya ng nakalalasing na inumin. “Huwag kang mag-alala, ate, hindi ko naman nakakalimutan na sa iyo ipinamana ni lola itong bahay, ngayong gabi lang please! Sa susunod na party ay doon ko na gagawin sa condo ko,” saad pa nito.

Hindi makapaniwala si Mirabel sa sinabi ng kapatid. Ipinagtataka rin niya na kahit kaunting bahid ng kalungkutan ay hindi na masisinag sa mukha nito.

Maya maya ay biglang tumunog ang telepono sa salas, dali-dali niya itong sinagot.

“Hello, si Attorney Velez ito. Ikaw ba ito, Mirabel?”

“Yes, Attorney ako nga po. Bakit po kayo napatawag?” tanong niya sa abogado ng lola niya.

“Nandiyan ba ang kapatid mong si Manilyn? Maaari ko bang makausap?” anito.

Tinawag niya ang kapatid para makausap nito ang nasa kabilang linya, pero hindi niya sinasadyang marinig ang pag-uusap ng dalawa. Nanlaki ang mga mata niya sa kaniyang natuklasan.

“Kumusta ka na Manilyn, sabi ng ate mo may party daw dyan? Iyan na ba ang paraan mo ng pagseselebra dahil nagtagumpay ka sa plano mo? Isa ka talagang mahusay na artista, Manilyn, dahil hindi ka nabigo, sa iyo iniwan ng matanda ang halos lahat ng kaniyang kayamanan at ari-arian,” sabi ng abogado sa kabilang linya.

Napahalakhak si Manilyn. “Attorney, baka nakakalimutan mo, ako ang artista sa aming dalawang magkapatid. Kamakailan lamang ay tinanghal akong pinakamahusay na aktres sa isang film festival sa Amerika.”

“Hindi ko nakakalimutan, hija. Sana’y marami kang katulad sa mundo, hindi hibang sa salapi,” napahagalpak na rin ng tawa ang abogado.

Hindi naiwasang mapaluha ni Mirabel, ang lahat pala ng pagmamahal at pag-aruga ng kapatid niya sa kanilang lola ay isa palang HUWAD. Ginamit lang nito ang pagiging ‘ARTISTA’ para makuha ang malaking parte ng kayamanan ng matanda. Sa madaling salita, PERA lang ang hangad nito sa kanilang lola. Bigla siyang nakaramdam ng awa sa lola niya dahil kahit kapatid niya’y hindi rin ito minahal ng totoo. Ang ginawa niya’y pumunta siya sa sementeryo at humingi ng tawad sa matanda.

“Patawarin po ninyo kami lola, lalo na ang aking kapatid sa lahat ng kaniyang kasinungalingan,” sambit niya sa puntod nito habang patuloy pa rin ang pagdaloy ng luha sa mga mata niya.

Ipinakita sa kwento na sadyang tuso ang tao pagdating sa pera, lahat ay gagawin para sa pansariling interes. Ang tulad ni Manilyn ay hindi dapat tularan!

Advertisement