Inday TrendingInday Trending
Pinasok ng Lalaki ang Masamang Gawain Para Mapagtapos sa Pag-Aaral ang Anak; ‘Di Niya Akalaing Ito ang Magbabayad sa mga Kasalanan Niya

Pinasok ng Lalaki ang Masamang Gawain Para Mapagtapos sa Pag-Aaral ang Anak; ‘Di Niya Akalaing Ito ang Magbabayad sa mga Kasalanan Niya

Isang gabi, nakaparada sa parke ang isang kotse. Sa loob noon ay buong tamis na naglalampungan ang magkasintahan. Parehong mapusok ang dalawa, at habang nagpapakalunod sila sa kaligayahan ay may grupo ng mga lalaki na lumapit sa sasakyan. May mga dalang baril ang mga ito at tinutukan sila.

“Psst…labas muna kayo riyan, mga love birds,” natatawang sabi ng isang lalaki nang gulatin sila nito sa bintana ng kotse.

Napatigil sa ginagawa ang magkasintahan at takot na takot na nakiusap sa armadong grupo.

“Diyos ko, maawa kayo sa amin!” pagmamakaawa ng lalaki.

Halos magsumiksik naman ang babae sa nobyo nang makitang nakatutok sa kanila ang baril ng lalaki. Nanginginig na ito sa takot.

“Huwag niyo po kaming sasaktan, please!” umiiyak na sabi nito.

Muling nagsalita ang lalaki.

“A-anong kailangan ninyo sa amin?”

“Kahit ano ay ibibigay namin, anong gusto ninyo? Pera ba? Kunin na ninyo itong wallet namin,” sabi ng babae.

Napangisi ang balbas-saradong lalaki na siyang lider ng grupo.

“Godo, igapos ang mga iyan!” utos nito.

“Areglado, boss!” natatawa namang sagot ng kasama.

Nanlaki ang mga mata ng dalawa sa sinabi ng boss.

“Ano ba talaga ang gusto ninyo sa amin?” ulit na tanong ng lalaki.

Matapos na maigapos ang magkasintahan ay pakaladkad silang dinala ng mga buhong sa van ng mga ito at isinakay.

“Saan ninyo kami dadalhin?” tanong ng babae na hindi pa rin humihinto sa pag-iyak.

Napansin ng dalawa na inilayo lang sila ng mga armadong lalaki sa parke at dinala sa isang abandonadong gusali. Kinuha rin ng mga ito ang sasakyan nila pati na ang kanilang selpon.

Ipinasok sila ng grupo sa tagong kwarto at doon sila ikinulong.

“Diyan kayo ha! Huwag na huwag kayong magkakamaling kumilos ng masama! Ang kotse lang ninyo ang kailangan namin!” banta ng lider ng grupo.

At napagtanto ng lalaki kung ano ang mga ito.

“Mga karnaper pala sila,” bulong niya sa nobya.

Pagkatapos na makuha ng grupo ang kailangan ay mabilis na nagsialisan ang mga ito at matuling lumayo sa lugar na iyon.

Habang nasa biyahe…

“Boss, sayang naman ‘yung bebot na iyon! Tsampiyon! Sana kinuha na lang natin,” wika ng isa sa mga karnaper.

“Ito talagang si Godo, hindi naalis sa ulo ang babae. Huwag kang mag-alala, marami kang makukuhang babae kapag nakuha na natin ang datung,” natatawang tugon ng lider ng grupo na si Simon. “Maiba ako, nakontak mo na ba si Mr. Romulo, Godo?” saad nito.

“Oo, boss. Hinihintay na nga niya itong dala natin,” sagot ng lalaki.

“Good! Kuwartang maliwanag na naman, mga bata!” aniya.

“Hapi-hapi na naman tayo nito, boss,” sabad ng isa nilang kasama.

At makaraan ang ilang sandali, sa isang lugar sa labas ng Maynila…

“Hustong dalawang milyon iyan! Ibang sasakyan naman ang dalhin ninyo’t may order sa akin,” utos ng matandang lalaki na ka-transaksyon nila.

“Areglado, Mr. Romulo! Tayo na mga bata!” sagot ni Simon.

Pagkatapos partehin sa mga kasama ang kanilang kinita ay nagpaalam na si Simon sa mga ito para umuwi na sa bahay niya.

“Si Paula, Digna…narito na ba?” tanong niya sa kasambahay.

“Nasa kaniyang kwarto na po at natutulog na, sir” sagot nito.

Panatag na pumasok si Simon sa kaniyang kwarto at pabagsak na nahiga sa kama.

“Isang taon na lang at matutupad ko na ang kahilingan ng asawa kong si Pacita, magiging doktora na ang anak naming si Paula,” bulong niya sa isip.

At saglit na sumagi sa kaniyang gunita ang nakaraan.

“S-Simon, ipangako mong hindi mo pababayaan ang ating anak. Ang kaisa-isang anak natin. Ipangako mong pagtatapusin mo siya sa kolehiyo upang maging mahusay na doktor,” hiling ng kaniyang asawa habang nag-aagaw buhay ito noon sa ospital.

Mahirap lang ang buhay nila noon. Isa lamang siyang clerk sa maliit na kumpanya at ang misis naman niya ay mananahi. Gusto ng asawa niya na maging doktora ang anak nilang si Paula na hindi nito natupad dahil sa kawalan ng pera. Sakit sa baga ang ikinawala ni Pacita at bilang pagtupad sa habilin nito’y nakaisip na gumawa ng masama si Simon upang magkamal ng limpak-limpak na salapi. Nag-resign siya sa trabaho at pinasok ang karnaping. Dahil sa trabahong iyon ay naka-ipon nga siya ng maraming pera, kaya nga unti-unti ring guminhawa ang kanilang buhay na mag-ama.

“Isang taon na lang at titigil na ako sa masamang gawaing ito. Isang taon na lang. Diyos ko, patawarin mo ako,” saad pa niya sa sarili.

Kinabukasan, tanghali na nang magising si Simon.

“Pagdating ni Paula ay ibigay mo sa kaniya ang perang ito ha, Digna? Pambili niya kamo ng sapatos,” bilin niya sa kasambahay.

“Aba’y hindi po siya uuwi ngayong tanghali, sir. Sinundo po siya ni Michael at dadalo raw sa birthday party ang dalawa,” sagot nito.

“Sinong Michael iyon?” tanong niya.

“Hindi pa po ba nasasabi sa inyo ni Paula na may nobyo na siya? Si Michael po ang nobyo niya at anak mayaman din po ang binatang iyon.”

Nag-init ang ulo ni Simon nang malamang may nobyo na ang kaniyang unica hija. Hindi iyon maaari, kailangan ay magtapos muna ito ng pag-aaral bago makipagrelasyon.

“Hindi maaari ito! Kailangang makilala ko ang lalaking iyon. Hihintayin ko ang kanilang pag-uwi.”

“Pero, sir, ang bilin po ni Paula ay gagabihin daw po sila,” sabi ng matanda.

Dahil doon ay kinontak ni Simon ang kaniyang mga tauhan at sinabing hindi siya makakasama sa kanilang lakad. Matiyaga niyang hinintay sa pag-uwi ang anak.

“Alas onse na’y wala pa rin siya,” bulong niya sa sarili.

Nang biglang tumunog ang telepono. Sinagot niya iyon at nagimbal siya sa tawag.

“Ano? Si Paula, nasa ospital? Oo, pupunta ako riyan, ngayon din!” sabi niya sa kabilang linya.

Hangos na nagtungo si Simon sa ospital. Nadatnan niya ang anak na si Paula na nakahiga sa kama, umiiyak at takot na takot.

“Papa!” humahagulgol na tawag nito sa kaniya.

“Paula, anak ko! Anong nangyari sa iyo?” nag-aalala niyang tanong saka niyakap ang dalaga.

“Namamasyal po kami ng nobyo kong si Michael sa parke. Sandali niyang ipinarada ang kaniyang kotse ngunit biglang dumating ang limang armadong lalaki na may mga dalang baril. Pilit nilang kinuha ang sasakyan ni Michael. Nang tumanggi siya’y pinalo siya ng tubo sa ulo ng isa sa mga lalaki at nawalan siya ng malay. Bago umalis ang mga hay*p ay halinhinan nila akong pinagsamant*lahan, papa…si Michael naman po ay comatose sa kabilang kwarto dahil malala ang tama sa ulo,” hayag ng kaniyang anak habang patuloy sa pag-iyak. “I-isa lang po ang natatandaan kong pangalan nung isa sa mga bum*boy sa akin, Godo, Godo, papa.” saad pa ng dalaga.

Halos madurog ang puso ni Simon sa sinapit ng nag-iisang anak. Nanginig din ang laman niya nang malaman kung sinu-sino ang nanamantala rito.

“Sina Godo! Ang mga hay*p na iyon ang lumapastangan kay Paula ko! Diyos ko, ito na ba ang parusa sa lahat ng kasalanan ko?” sambit niya na hindi na rin napigilang mapahagulgol.

Ang anak niya at ang nobyo nito ang nab*ktima ng karnaping ng mga kasama niya. Laking pagsisisi niya, kung sumama sana siya sa lakad ng mga kasama ay nailigtas niya sana sa kapahamakan ang kaniyang anak. Napakawalang kwenta niyang ama.

Sa nangyari ay kailangan na niyang ituwid lahat ng mali niya. Sumuko siya sa mga awtoridad, isinuplong din niya si Godo at ang iba pa niyang mga kasama sa karnaping para mapanagot ang mga ito sa mga ginawa nila lalo na sa pagsasamant*la kay Paula. Gaya ng inasahan ay hinatulan sila ng pagkakakulong.

Sa pagkakataong iyon ay nakahanda na niyang pagdusahan ang mga kasalanan niya. Napagtanto niya na dahil sa ilegal niyang gawain ay ang anak niya tuloy ang naging ‘bayad-utang’.

Humingi siya ng tawad kay Paula dahil kundi dahil sa kaniya’y hindi sana masisira ang buhay nito, pero imbes na sumbatan ay pinatawad siya ng kaniyang anak. Nagpapasalamat pa rin ito sa lahat ng ginawa niya para rito. Para sa anak niya, ginawa lang naman niya iyon dahil sa pagmamahal ng isang ama sa anak kaya sa huli ay nagkaayos din silang mag-ama.

Sa kabila ng pinagdaanan ay ipinagpatuloy pa rin ni Paula ang pag-aaral ng medisina, ‘di nagtagal ay nakatapos siya at nakapasa sa board exam. Inialay niya sa ama ang kaniyang diploma. Umaasa siya na balang-araw ay magkakasama ulit sila at mabubuo ang kanilang pamilya.

Advertisement