Sinasaktan at Kinakawawa ng Kinakasama Ngunit Hindi Pa rin Makaalis ang Babaeng Ito; Isang Konduktor ang Tutulong sa Kaniya
Takot na takot si Mildred tuwing tutungtong na ang alas singko ng hapon dahil ito na ang oras kung kailan iinom na ang kinakasamang si Roel. Kapag nalalasing kasi ito’y wala itong ginawa kung hindi pagbuhatan siya ng kamay. Minsan ay nakikita pa mismo ng kanilang mga anak ang pangyayari.
Hindi naman niya mahiwalayan si Roel dahil hindi niya alam kung saan sila tutungong mag-ina. Wala rin siyang sariling pera kaya hindi sila makakalayo. Kahit kanino naman sila magsumbong ay walang gustong tumulong sa kanila dahil takot na masali sa eskandalo.
Ilang beses niya nang tinangkang magsumbong sa pulis ngunit naiisip niya ang kaniyang mga anak. Ayaw niyang magkaroon ang mga ito ng ama na nasa bilangguan. Kaya wala siyang magawa kung hindi magtiis na lang.
“Roel, tama na ‘yang inom mo. Baka mamaya ay mawala ka na naman sa sarili mo at kung ano naman ang gawin mo sa akin. Hindi ba’t nangako ka na sa akin na magbabago ka na at aayusin na natin ang pamilyang ito?” pagpapaalala niya sa asawa.
“Nagyaya ‘yung kumpare ko, e. Nakakahiya naman kung tatanggihan ko, ‘di ba? Magluto ka na lang ng pulutan at pagsilbihan mo kami nang sa gayon ay hindi kita awayin. Saka hindi naman kami iinom ng marami. Gusto lang naming magkwentuhan talaga,” sagot naman ni Roel.
Hindi pa rin siya panatag sa sinasabi ng asawa. Malakas ang kutob niyang masasaktan na naman siya nito kapag nalango na sa alak.
Hindi na nga magkandaugaga sa pag-aalaga ng mga bata ay inutusan pa ni Roel ang asawa na pagsilbihan sila ng kaniyang kumpare. Kahit na nag-iiyakan na ang mga bata ay sige lang siya sa pagluluto ng pulutan. Natatakot siya kasing baka ito ang maging dahilan upang saktan siyang muli nito.
“Ano ba ‘yan, Mildred, kanina pa kami naghahanap ng pulutan! Hanggang ngayon ba ay hindi pa ‘yan luto?” bulyaw ng kinakasama.
“Sandali na lang ito, Roel. Hahanguin ko na lang at ilalabas ko na riyan,” sagot naman niya.
Ngunit hindi makapaghintay si Roel. Pumasok na ito ng bahay at saka hinarap ang asawa.
“Kapag sinabi kong dalhin mo na ang pulutan ay dapat nagmamadali ka. Ayaw kong napapahiya ako sa kaibigan ko, Mildred, alam mo ‘yan! Ilabas mo na ‘yang pulutan at ihain mo na sa amin! Saka patigilin mo ‘tong mga anak mo sa pag-iyak, nakakatulilig!” wika ni Roel.
Nangangatog na siya sa takot dahil nagsimula na ang kaniyang asawa. Nais na lang sana niyang magkulong sa kwarto kasama ang mga anak ngunit patuloy siyang tinatawag ni Roel.
Hatinggabi na rin nang matapos sa pag-inom ang magkumpare. Lasing na lasing na naman si Roel. Inalalayan niya ito papasok ng bahay.
“Gusto kong makipags*ping sa iyo ngayon! Maghub@d ka na sa harap ko!” saad ng lasing na kinakasama.
“Roel, lasing na lasing ka na. Itulog mo na ‘yan,” pakiusap ni Mildred.
“Kapag may inutos ako sa iyo ay gawin mo! Pag-aari kita kaya kapag may sinabi ako, gawin mo. Hub*d!” bulyaw pa nito.
“Ayaw mong makipags*ping sa akin ngayon dahil may gusto ka sa kumpare ko, ano? Akala mo ba hindi ko mahahalata na nagpapapansin ka sa kaniya? Hindi ka niya papatulan dahil mas maganda sa iyo ang asawa no’n! Mas kaaya-aya at mas sariwa hindi kagaya mo!” sigaw ni Roel sabay sakal sa kaniyang leeg.
“Roel, parang awa mo na, huwag mo akong saktan. Gagawin ko na ang gusto mo. Bitawan mo lang ako. Saka hindi totoo na nagpapapansin ako sa kaniya. Wala akong gusto sa kumpare mo! Ikaw lang ang mahal ko!” pagmamakaawa niya rito.
Akala niya ay katapusan na niya talaga nang mga sandaling iyon. Mabuti na lang at binitawan na siya ni Roel. Walang patid ang pag-agos ng kaniyang luha at pangangatog ng katawan sa labis na takot. Napatingin siya sa mga anak niyang natutulog at sa pagkakataong ito’y napatanong siya sa kaniyang sarili.
“Bakit ba sobrang hirap ng dinaranas ko ngayon? Ito ba ang ganti sa akin ng Diyos dahil pinili kong sumama sa lalaking ito? Kailan kaya kami tunay na magiging maligaya ng mga anak ko? Hanggang kailan ko dapat tiisin ang ganitong sitwasyon?” lumuluha niyang sambit.
Kinabukasan ay nagtataka siya dahil hindi man lang siya sinigawan ng kinakasama. Tila walang pagtatalo ang naganap ng gabing iyon. Akala niya’y maayos na ang lahat ngunit laking gulat niya nang bubuksan niya ang pinto ngunit nakakandado na pala silang mag-iina sa loob. Kahit ang mga bintana ay hindi rin mabuksan. Walang patid ang kaniyang pagsigaw upang humingi ng saklolo ngunit wala talagang gustong tumulong sa takot na baka balikan sila ni Roel.
“Hindi na ako p’wedeng mabuhay sa takot! Kailangan ko nang umalis dito at iligtas ang mga anak ko! Hindi ganitong buhay ang nais ko para sa kanila. Tatakas kami rito! Gagawin ko ang lahat para makaalis!” sambit niya sa sarili.
Sa pagnanais na makalabas ay binutas niya ang isang parte ng dingding ng kanilang bahay. Tama lang ang laki para makalabas silang mag-iina. Wala na silang dinalang gamit upang mabilis silang makatakas. Kailangan nilang bilisan ang kilos upang hindi sila abutan ni Roel.
Agad na nagtungo sa bus station ang mag-iina, ngunit hindi sila makasakay dahil wala naman silang pamasahe. Kapag nalaman ni Roel na wala sila sa bahay ay agad silang hahanapin nito at ang unang pupuntahan nito ay ang bus station na iyon.
Labis ang pagmamakaawa ni Mildred para lang makasakay sila ng bus.
“Parang awa n’yo na po. Kailangan lang naming makaalis ng anak ko sa lugar na ito. Pangako, babayaran ko kayo. Kailangan lang po naming makasakay at makaalis. Parang awa n’yo na,” pakiusap niya habang bitbit ang mga nag-iiyakang anak.
Buti na lang at nakita sila ng konduktor na si Toryo.
“Saan ba ang tungo ninyong mag-iina?” tanong nito.
“Kahit saan. Ang mahalaga ay makaalis lang kami rito. Parang awa mo na, pasakayin mo na kami. Baka mamaya ay maabutan pa kami ng tatay ng mga anak ko. Ayaw ko nang bumalik pa kami sa kaniya. Pakiusap!” pagsusumamo niya.
Ayaw sana silang pasakayin ng drayber pero nagpumilit ang konduktor.
“Ako na ang magbabayad ng pamasahe nila. Mukhang kailangan talaga nila ng tulong,” saad ni Toryo.
Nagmamadaling sumakay ng bus ang mag-iina. Sakto naman at nariyan na si Roel at hinahanap sila.
“Yumuko kayong mag-iina upang hindi kayo makita,” wika ng konduktor.
Nagpupumilit pumasok ng bus na iyon si Roel ngunit hindi na siya pinayagan ng drayber at konduktor dahil wala siyang tiket. Kailangan na rin kasing umalis ng bus dahil puno na ito.
Sa wakas ay tuluyan nang nakalayo ang mag-iina mula kay Roel. Labis ang pasasalamat niya sa konduktor dahil sa kabutihang ginawa nito.
Dahil sa awa ni Toryo sa mag-iina ay inalok niya itong kumain sa bus stop. Nang malaman niyang wala talagang patutunguhan ang mga ito at nais lang talagang makalayo ay lalo siyang naawa.
“May bahay ako sa Tarlac. Kung gusto mo ay doon muna kayong mag-iina habang nasa trabaho ako. Wala naman akong kasama sa bahay kaya solo n’yo yun habang wala ako. Hinding-hindi kayo makikita ng asawa mo doon. Ligtas kayo doon ng mga anak mo,” saad pa ni Toryo.
Hindi akalain ni Mildred na may magmamagandang loob sa kanilang mag-iina. Hindi na siya tumanggi pa sa alok ni Toryo dahil wala na talaga silang pupuntahang mag-ina. Bilang kapalit naman ay siya ang nag-aasikaso ng lahat ng kailangan ng binata. Pinapanatili niya ring malinis ang bahay nito. Siya na rin ang gumagawa ng lahat ng gawaing bahay.
Sa unang pagkakataon ay parang nakaramdam si Toryo ng tuwa sa tuwing uuwi siya sa kanilang bahay. Tila nabuhay ang kaniyang tahanan sa pagdating ni Mildred at mga anak nito. Hindi tuloy siya makapaniwala na sa pagkatao ni Mildred ay nagawa pa itong saktan ng dating kinakasama. Ginawa niya ang lahat upang makalimutan ni Mildred ang mapait na sinapit. Pinaramdam niya rito ang tunay na pagmamahal na dapat na nakukuha nito.
Hindi nga nagtagal at tuluyan nang nahulog ang loob nina Toryo at Mildred sa isa’t isa. Nagyaya na ang binata na magpakasal at hindi naman ito tinanggihan ni Mildred. Dahil sa unang pagkakataon ay nararamdaman niya na talagang may nagmamahal sa kaniya. Higit pa roon ay nagpaka-ama si Toryo sa kaniyang mga anak.
Sa kabilang banda, nabalitaan niyang sumakabilang buhay na ang dati niyang kinakasama dahil sa isang aksidente. Nabangga daw ang sinasakyan nitong motor dahil nagmaneho ng lasing. Mali man ang nararamdaman ni Mildred, ngunit kahit paano ay napanatag na siyang hindi na sila muli pang gagambalain ng malupit na dating kinakasama.
Tuluyan na ngang ikinasal sina Toryo at Mildred. Simula noon ay nabuhay na sila nang mapayapa at puno ng saya sa kanilang mga puso kasama ang mga bata. Sino ang mag-aakala na sa gitna ng pangamba ay makikilala niya ang taong tunay na magmamahal sa kaniya?