Inday TrendingInday Trending
Pinagtatawanan ang Dalaga sa Pangarap Niyang Makaharap ang Iniidolong Mang-Aawit; Hindi Akalain ng Lahat na Matutupad Ito

Pinagtatawanan ang Dalaga sa Pangarap Niyang Makaharap ang Iniidolong Mang-Aawit; Hindi Akalain ng Lahat na Matutupad Ito

Ubod nang ganda ang boses ng dalagang si Thalia ngunit hindi raw ito nababagay sa kaniyang hitsura. Madalas tuloy siyang maging tampulan ng tukso at gawing katatawanan ng mga tao. Lagi ay nasasaktan siya sa mga sinasabi nito kaya naman naisipan na niyang tumigil sa pagkanta.

Ang tanging pangarap niya ay ang makaharap ang iniidolong mang-aawit na si Mylene Alcantara. Nais niyang iparinig ang kaniyang tinig dahil palaging sinasabi ng kaniyang inang si Ditas na kaboses niya raw ito.

Isang araw ay nabalitaan ni Thalia na darating sa kanilang lugar si Mylene para mag-promote ng kaniyang album. Tuwang-tuwa naman ang dalaga na ibinalita ito sa kaniyang ina.

“P’wede ba tayong pumunta sa bayan, ‘nay? Gusto ko lang talagang makita ang idolo nating si Mylene Alcantara. Parang awa mo na, ‘nay! Pangako ko sa iyo na ilang araw akong hindi hihingi ng baon basta pumayag lang kayo,” pakiusap ng dalaga.

“Alam mong may tanggap ako ng labada sa kabilang baranggay sa araw na ‘yan. Kapag hindi ako sumipot ay baka hindi na ako ang gawin nilang labandera. Panoorin mo na lang siya sa telebisyon, anak. Baka hindi mo rin siya makita sa dami ng tao,” wika naman ni Ditas.

“Sige naman na, ‘nay! Minsan lang naman humiling sa iyo itong anak mo! Gusto ko lang talagang makita si Mylene. Gumagaan talaga ang loob ko at nawawala ang lahat ng mabigat na dinadala ko dahil sa kaniya. Siya ang inspirasyon ko para hindi humintong umawit,” dagdag pa ng dalaga.

“O, siya, sige na nga at magpapaalam na lang ako sa amo ko. Pero hindi na ito mauulit, Thalia. Isang beses lang ito, a! Saka tuparin mo ‘yung pangako mong hindi ka na hihingi muna ng baon,” wala nang nagawa pa ang ina.

Sumapit ang araw ng pagtatanghal ng paboritong mang-aawit. Maaga pa lang ay nakapila na sa mall ang mag-ina upang tiyak silang makakuha ng magandang pwesto, pero marami na ring tao ang naroon.

Pagsapit ng tanghali ay dumating na nga ang mang-aawit. Kahit na nauna sa pila ang mag-ina ay marami ang nakisingit sa kanila.

“Pasensyahan tayo, bumili kami ng album niya. Wala naman kayong dala kaya do’n na kayo sa likod,” saad ng isang babae.

Hindi na nakipagtalo pa ang mag-ina. Ang tanging nais lang nila ay masilayan ang mang-aawit.

Maya-maya ay nakita si Thalia ng ilang kamag-aral. Nilapitan siya nito hindi para batiin kung hindi para lait-laitin.

“Ang lakas ng loob mong magpunta rito. Akala mo naman ay may pambili ng plaka ni Mylene Alcantara. Gusto mo lang makiusyoso, dito ka pa pumila sa mga nakabili ng album niya!” wika ng isang kaklase.

“Marami daw ata kasing nagsasabi na kaboses niya itong si Mylene. Grabe, narinig n’yo na ba siyang kumanta? Napakalayo ng boses niya kay Mylene. Lakas ng apog para magmalaki. Mukhang palaka naman! Baka mamaya ay matakot pa sa iyo si Mylene, Thalia! Kung ako sa iyo’y uuwi na ako,” dagdag pa ng isang dalaga.

Nag-init naman ang ulo ni Ditas dahil sa panghahamak ng mga kaklase sa kaniyang anak.

“Aba’y sobrang talim ng tabas ng dila ninyo, a! Ganyan siguro kayong pinalaki ng mga magulang n’yo. Kay gaganda nga ng mga mukha ninyo pero kay iitim naman ng budhi ninyo. Sino ang nagsabing walang pambili ng album itong anak ko? Kaya kayo ang pumila sa likod. Mga boses palaka!” sambit naman ng ginang.

Umismid lang ang mga kaklase ni Thalia. Habang ang siya naman ay nasaktan sa lahat ng sinabi ng mga ito. Nahihiya rin siya sa kaniyang ina dahil kailangan pa nitong mapaaway dahil sa pagtatanggol sa kaniya.

“Hindi n’yo na po kailangan pang bumili ng album, ‘nay. Sapat na po sa akin na mapakinggan ko ang boses ng idolo ko. Huwag n’yo na pong intindihin ‘yung mga kaklase ko dahil sanay na po ako sa kanila. Talagang masasama po ang ugali ng mga ‘yun at lagi akong pinagtitripan,” dagdag pa ng dalaga.

“Anak, huwag kang maniwala sa mga sinasabi nila, a. Maraming tao talaga ang nasisilaw sa panlabas na anyo. Pero maganda ka, anak. Hindi lang sa pisikal kung hindi sa ugali rin. Kaya naman ipinagmamalaki kita. Saka talaga namang kaboses mo si Mylene! Darating din ang panahon na titingalain ka nila,” sambit pa ng ina.

Ilang sandali pa ay naghiyawan na ang mga tao hudyat na naroon na ang mang-aawit. Hindi magkamayaw sa dami ng tao. Habang tuwang-tuwa si Thalia ay napansin na lang niyang biglang nawala ang kaniyang ina.

“Ngayon pa nagpunta ng CR itong si nanay kung kailan palabas na sa entablado si Mylene. Sana ay makabalik na siya kaagad bago pa magsimula ang palabas,” saad ni Thalia sa sarili.

Ilang minuto ring nawala si Ditas. Pagbalik niya ay abot tenga ang kaniyang ngiti sa anak.

“Anak, kung dumating ang panahon at nagkaroon ka ng pagkakataon na umawit ay ibigay mo ang lahat ng galing mo, ha. Gusto ko mapahanga mo pati ‘yung mga taong hindi naniniwala sa iyo. Alam mo kung bakit? Kasi tunay kang magaling!” saad ni Ditas sa anak.

Nakatapos ng isang awit si Mylene Alcantara. Tuwang-tuwa si Thalia dahil hindi siya makapaniwala na kasama pa niya ang ina na nanonood ng libreng pa-concert ng idolo.

Maya-maya ay nagsalita na si Mylene upang simulan ang ibang programa. Laking gulat na lang ni Thalia nang biglang tawagin nito ang pangalan niya.

“Ako po? Ako po ba talaga ang tinatawag niya, ‘nay?” laking pagtataka ng dalaga.

“Ano pa ang ginagawa mo rito, anak? Pumunta ka na agad doon sa stage at kumanta ka na kasama niya! Ito na ang pagkakataon mo! Galingan mo, anak!” wika ni Ditas sabay tulak sa anak upang umalis na ito.

Nangangatog ang mga tuhod ni Thalia habang katabi niya sa entabladong iyon ang kaniyang idolo. Hindi pa rin siya makapaniwala sa nangyayari. Tila panaginip lang ang lahat ng ito.

“May nakapagsabi sa akin na idolo mo raw ako at magaling ka ring umawit. Kaya naman gusto ko ‘yang pakinggan! Inaanyayahan kita na kantahin ang pinakasikat kong kanta, Thalia,” wika ni Mylene.

“Galingan mo, Thalia. Sabi sa akin ng nanay mo na matagal mo nang pangarap ang maging singer. Ito na ang pagkakataong iyon. Huwag mo na itong palampasin pa,” bulong pa ng mang-aawit.

Umpisa pa lang ng tugtog ay bumirit na agad itong si Thalia. Hindi lang ang mga manonood ang kaniyang napahanga kung hindi mismong si Mylene. Gulat na gulat ito sa ganda ng kaniyang boses.

Ibinigay ng dalaga ang lahat ng kaniyang galing nang mga sandaling iyon na para bang ito na ang huling pagkakataon na kakanta siya. Lahat ay napanganga sa angkin niyang galing. Maging ang mga kaklase niyang pinagtatawanan siya ay napahanga niya.

Nang matapos ang awit ay nagpalakpakan ang lahat. Niyakap ni Mylene si Thalia at nagpasalamat sa pagtatanghal na iyon.

“Hintayin n’yo ako ng nanay mo sa likod ng stage. Pagkatapos nito ay mayroon akong gustong sabihin sa iyo,” saad pa ng mang-aawit.

Tumakbo na pabalik si Thalia sa kaniyang ina. Para siyang lumulutang sa sobrang kaligayahan.

“‘Nay, paano n’yo po nagawang kausapin si Mylene? Magkakilala po ba kayo?” tanong ng dalaga.

“Anak, dati akong nagtrabaho sa nanay niya bilang kasambahay. Isang araw ay pinasok ang bahay nila at nailigtas ko siya mula sa magnanakaw. Tumanaw siya sa akin ng utang na loob noon. Pero ayaw ko. Ginawa ko lang naman ang kaya ko. Pero ang sabi niya sa akin, kung darating daw ang araw na kailanganin ko ang pabor, hindi siya magdadalawang-isip na pagbigyan ako. Kaya pilit ko siyang kinausap. Nang marinig niya ang pangalan ko ay agad niya akong hinarap. Masaya ako at napagbigyan ka niya. Sa wakas ay may alaala kang babaunin sa tuwing nalulungkot ka dahil sa mga sinasabi ng tao sa iyo. Naniniwala ka na ngayon sa akin na magaling ka talaga? Napakahusay mong umawit, anak! Ipinagmamalaki kita!” pahayag ni Ditas.

Hindi makapaniwala lalo si Thalia sa kwento ng kaniyang ina. Ni hindi man lang kasi nito nabanggit ang tungkol sa bagay na iyon.

Pagkatapos ng palabas ay nagtungo sa likod ng stage ang mag-ina upang makipag-usap kay Mylene. Lubos daw napahanga ng dalaga ang mang-aawit kaya naman nais niya itong irekomenda sa kaniyang manager.

“Ngunit hindi po ako sisikat tulad ninyo dahil hindi naman po ako kagandahan. Pagtatawanan lang ako ng marami,” wika ni Thalia.

“Sa tingin mo ba ay nagtawanan ang mga taong nakapanood sa iyo kanina? Kakaiba ang boses na mayroon ka. Bilib na bilib ang lahat sa iyong pagkanta. Ang talentong ganyan ay hindi dapat itinatago. Huwag mong intindihin ang mga sasabihin sa iyo ng tao. Ang mahalaga, gawin mo ang nagpapasaya sa puso mo basta wala kang tinatapakang sinuman,” saad naman ni Mylene.

Mula noon ay nag-iba na ang takbo ng buhay ni Thalia. Sa ganda ng kaniyang boses ay hindi na naawat pa ang kaniyang pagsikat. Marami na ang kaniyang naging tagahanga at marami na ring siyang mga ineendorsong produkto. Maraming tao ang nabigyan niya ng inspirasyon na lumaban para sa kanilang mga pangarap.

Pero ang mas kinabiliban sa kaniya ay hindi man lang nito nagawang magparetoke o magpaayos ng mukha kahit na malaki na ang kaniyang kinikita.

“Wala akong kinahihiya sa aking mukha kaya wala akong dapat ipabago. Ang dapat lang na baguhin ay ang pag-iisip at pag-uugali ng bawat isa tungkol sa panghuhusga ng panlabas na kaanyuan ng isang tao,” sambit ni Thalia sa isang interbyu.

Advertisement