Inday TrendingInday Trending
Instant Milyonaryo ang Isang Drayber ng Dyip nang Tumama sa Lotto; Ito Lang pala ang Kaniyang Kahahantungan

Instant Milyonaryo ang Isang Drayber ng Dyip nang Tumama sa Lotto; Ito Lang pala ang Kaniyang Kahahantungan

“Edong, paano ko na naman pagkakasyahin itong bigay mong pera? Kulang na kulang na naman! Matumal ba ang byahe kanina?” tanong ni Marieta sa kaniyang mister.

“E, nasira na naman kasi ang dyip kaya pinagawa ko muna. Pasensya na at iyan lang ang nauwi ko. Hayaan mo at kapag tumama ako sa lotto ay hihiga ka sa pera,” tugon naman ni Edong.

“Tumaya ka na naman ba sa lotto, Edong? Ilang beses na nating pinag-usapan ito, ‘di ba? Sayang lang ang paisa-isandaang taya mo sa lotto. Kung inipon na lang sana natin ay nakabayad pa tayo sa ilan nating pagkakautang!” galit na wika ng misis nito.

“Alam mo rin namang may inaalagaan akong numero. Paano kapag huminto akong tumaya tapos tumama? Magsisisihan pa tayo! Hayaan mo na ako, Marieta, malakas ang kutob ko na malapit na talaga tayong yumaman!” muling sambit ni Edong.

“Ilang taon ko nang naririnig ‘yan, Edong. Pero ano ba ang naipon mo? Mga talunang tiket sa lotto! Pagtatapon mo na nga ang mga yan at naiinis lang akong makita! Mahirap na nga ang buhay natin, ipinangsusugal mo pa!” sambit muli ni Marieta.

Sa loob ng ilang taon ay walang mintis si Edong kung tumaya sa lotto. Kung noon ay napagbigyan pa siya ni Marieta dahil sa paisa-isang taya niya’y ngayon ay namomroblema na ito dahil bukod sa marami silang pinagkakagastusan ay lumalaki rin ang inilalang pera ng mister para sa lotto. Kahit kailan ay hindi pa naman ito tumama.

“Huwag ka nang magalit sa akin, Marieta, ginagawa ko naman ang lahat para makatawid tayo sa pang-araw-araw. Hayaan mo at liliitan ko na lang ang taya. Sayang kasi ang tatlumpung milyong mapapanalunan ko!” paliwanag ng mister.

“Ano ba ang gagawin mo sa ganyang kalaking pera, Edong? Kung magsisikap lang naman tayo sa buhay ay makakaraos din tayo. Nakikihati pa ‘yang pagtaya mo sa lotto sa badyet natin araw-araw. Kung inilalaan mo na lang ‘yan sa pagpapaayos ng dyip ay hindi sana tirik nang tirik ‘yang sasakyan!”

“Ngayon nagagalit ka dahil hindi pa ako nananalo sa lotto. Pero kapag nanalo ako, Marieta, sinisigurado ko sa iyo na ikaw ang pinakamasayang babae sa balat ng lupa. Ibibigay kong lahat sa iyo ang napanalunan ko! Tandaan mo ‘yan!” wika naman ni Edong.

“Kahit hindi mo na ako bigyan ng ganyang kalaking pera, Edong. Ipakita mo lang sa akin na nagsusumikap ka at hindi mo inilalagay sa kapalaran mo sa pagtaya sa lotto ang buhay natin! Tandaan mo ang perang hindi pinaghirapan ay madaling mawawala!” dagdag pa ng ginang.

Sa loob-loob ni Edong ay naiinis na siya sa asawa dahil hindi man lang siya nito sinusuportahan.

“Hindi naman madaling mawawala ang tatlumpung milyon! Sinong siraulo ang makakaubos ng ganong kalaking pera? Saka paano kaya nasabi nitong asawa ko na hindi ko pinaghirapan kapag nanalo ako, e ang tagal ko nang tumataya! Ang hirap dito kay Marieta, palagi na lang binubwisit ang taya ko!” wika ni Edong sa kaniyang sarili.

Pinakatitigan ni Edong ang kaniyang tiket nang hapon na iyon. Binubulungan niya ito at mataimtim siyang nananalangin na manalo na sana siya sa lotto nang sa gayon ay maipamukha niya sa asawa ang sinasabi nito laban sa kaniyang pagtaya.

Kinagabihan ay nanood na ng telebisyon ang ginoo upang malaman ang mga numerong mabubunot sa lotto. Kakaiba ang kanyang kaba nang mga sandaling iyon. Malakas talaga ang kutob niyang tatama na siya. Hindi man ng buong jackpot, pero alam niyang mananalo siya.

Natapos na ang pagbunot sa numero at nakatitig lamang si Edong sa kaniyang tiket. Nanlalaki ang mga mata niya at nanginginig ang kaniyang mga kamay.

“Talo na naman, ano? Bakit nagugulat ka pa riyan? Hindi ka pa ba nasanay?” saad ni Marieta sa mister.

“Marieta, ihanda mo ang sarili mo dahil milyonarya ka na! Nabunot ang lahat ng numero ko! Mayaman na tayo! Mayaman na tayo!” nagsisisigaw si Edong.

“Anong pinagsasabi mo riyan na mayaman na tayo! Akin na nga iyang tiket at titingnan ko!” naiinis na wika naman ng ginang.

Nang isa-isahin ni Marieta ang numero ay hindi rin siya makapaniwala! Talaga ngang nanalo ng jackpot prize ang kaniyang mister. Ang pinakanakakalula pa ay mag-isa lang itong nanalo!

“Sinabi ko na sa iyo, Marieta, at magbubuhay mayaman na tayo! Hindi ko na kailangan pang maghirap sa pamamasada ng dyip dahil marami na tayong pera! Marami na tayong pera!” patuloy sa pagsigaw si Edong.

Dahil hindi nailihim ni Edong ang lahat sa kaniyang mga kapitbahay ay nagsihingi ang mga ito ng balato. Naging mabait naman siya sa mga ito at palagi niyang binibigyan.

“Edong, panay ang bigay mo sa mga kapitbahay. Dapat yata ay tipirin mo pa rin ang pera. Bumili na tayo muna ng bahay at lupa siguro,” suhestiyon ng ginang.

“Marami pa itong pera, Marieta, hindi ito basta mauubos. Ano ba naman ‘yung ibahagi natin sa mga kapitbahay natin ang biyayang ito,” wika ni Edong.

“Hindi ko naman sinasabing magdamot ka. Ang sinasabi ko lang naman ay magtipid ka pa rin. Isipin mo ang kapakanan ng mga anak mo. Ipagtabi mo na sila ng pangmatrikula nila hanggang kolehiyo para sigurado nang makakapag-aral sila. Magpundar tayo ng sarili nating bahay at lupa at sasakyan at mga negosyo nang sa gayon ay umiikot pa rin ang pera. Huwag kang basta mamigay lang. Tingnan mo si Ka Jun, ilang beses na bang bumabalik iyon ng hingi sa iyo, binibigyan mo naman!” pahayag ni Marieta.

“Darating din tayo d’yan, mahal, huwag kang mag-alala. Sa ngayon ay gusto ko munang i-enjoy mo ang pera natin. Magbihis kayo ng mga bata at lalabas tayo,” masayang sambit ni Edong.

Sa unang pagkakataon ay nai-date ni Edong ang kaniyang pamilya sa mall. Dahil nga marami na siyang pera ay sa mamahaling restawran na sila kumain. Pinapili rin niya ng mga damit at sapatos pati na laruan ang kaniyang mga anak.

Ngunit tutol dito si Marieta. Ang nais niya ay huwag masunod ang luho ng mga anak upang lumaki ang mga ito nang tama.

Nang araw ding iyon ay bumili ng sasakyan si Edong. Punong-puno ang kotse sa mga pinamili nila nang sila ay makauwi. Kahit paano ay nakakaramdam na rin ng tuwa si Marieta dahil sa ligaya ng mga anak.

“Edong, pag-usapan na natin ang pagbili ng bahay at lupa. Sayang naman kung palagi rin tayong mangungupahan dito. Bukas na bukas ay humanap na tayo,” saad ng asawa.

“Naku, may lakad kami ni Pareng Obet. Nakapangako na ako sa kaniya, e. Siguro ay sa susunod na araw na lang. Marami pa namang araw,” saad naman ni Edong.

Nang mga sumunod na araw ay halos hindi na mahagilap ni Marieta ang kaniyang asawa. Nag-aalala siyang baka kung ano na ang nangyari dito dahil alam ng marami na marami itong dalang pera.

Hatinggabi na lagi kung nakakauwi si Edong dahil laging nakikipag-inuman sa kaniyang mga kumpare. Naging suki na nga sila sa mga bar kung saan-saan. Siyempre siya ang taya mapainumin man o babae na naka-table sa kanila.

Kinompronta ni Marieta si Edong dahil sa maling ginagawa nito.

“Layuan mo na ang mga kumpare mo na ‘yan! Hindi mo ba nakikita na inuuto ka lang ng mga ‘yan? Isang daang libo pala ang dala mo kagabi. Nasaan na ang perang iyon, Edong?” kastigo ng ginang.

“Niyaya kasi ako ni Pareng Obet sa casino. Limang daang libo ang naipatalo namin kagabi. Pero babalik kami do’n mamaya para mabawi. Alam na namin kasi ang diskarte do’n kaya huwag kang mag-alala!” tugon ng mister.

“Limang daang libong piso, Edong? Nasisiraan ka na ba ng bait? Bakit ka nagpatalo ng ganong kalaking pera? Malayo na ang mararating ng perang iyon. Baka nga p’wede na nating pag-aralin sa kolehiyo ang mga bata gamit ang perang iyon tapos ay ipinatalo mo lang sa casino? Hindi ka na babalik sa lugar na iyon, Edong! Buksan mo ‘yang isip mo!” bulyaw pa ng ginang.

Walang pakialam si Edong sa sinasabi ng kaniyang asawa at sa unti-unting pagkaubos ng kaniyang pera. Sige pa rin ang punta niya sa mga bar at casino dahil sa masamang impluwensya ng kaniyang mga kaibigan.

Makalipas ang limang buwan ay nagulat na lamang siya na ubos na ang tatlumpung milyong perang napanalunan niya sa lotto, at ang malala pa roon ay hindi pa sila nakabili ng bahay at lupa. Ngayon ay balik na naman sila sa dati.

“Matatanggap ko pa, Edong, kung ipinuhunan mo sa negosyo at nalugi. Ayos lang sa akin ‘yun dahil alam kong gumagawa ka ng paraan para sa ikabubuti ng pamilyang ito. Pero ano ang ginawa mo? Pinatalo mo ang malaking halaga na ‘yun sa sugal! Nagpasulsol ka sa mga kaibigan mo! Ni hindi mo na kami inisip na pamilya mo! Paano na ang mga anak mo, Edong? Hindi ba’t binalaan na kita na ang perang hindi pinaghirapan ay mabilis na maubos? Bakit hindi ka nakinig sa akin?” umiiyak na wika ni Marieta.

“Patawarin mo ako, Marieta, hindi ko naman alam na hahantong sa ganito. Alam ko kasing marami ang perang iyon kaya tuloy lang ako ng tuloy sa pag-e-enjoy. Alam kong mali ako! Patawarin mo na ako! Magsimula tayong muli! Tataya ako ulit sa lotto at baka sakaling manalo. Kapag pinalad ay aayusin ko na talaga ang buhay ko, Marieta,” pagsusumamo nI Edong.

“Ibang klase kang talaga! Iyan pa rin ang nasa isip mo. Tama na, Edong! Aalis na kami ng mag-anak mo. Huwag mo na kaming gambalain pa dahil nakapagdesisyon na ako. Hindi ka na parte ng pamilya namin. Mula ngayon ay wala ka nang mag-iina. Hindi ka namin iniiwan dahil sa wala ka nang pera. Aalis na kami ng mga anak ko dahil hindi mo naman kami pinahahalagahan. Paalam na sa iyo! Nawa ay makita mo ang tunay na kaligayahan sa buhay mo,” sambit ni Marieta.

Pilit na nakikipag-ayos si Edong sa kaniyang misis ngunit ayaw na nitong papigil pa. Buo na ang loob nitong iwan siya.

Labis ang pagsisisi ni Edong. Nasa kamay na niya ang perang inaasam ngunit parang lumipad lang ito kasama ng hangin. Hindi niya ito nagamit upang bigyan ng magandang buhay ang kaniyang pamilya tulad ng kaniyang ipinangako.

Ngayon ay namumuhay na mag-isa ang ginoo. Ang dating mga kaibigan na laging nagpupunta sa bahay araw-araw upang humingi ng balato ay hindi na rin nagpapakita sa kaniya. Ramdam na ramdam niya ang pag-iisa at ang labis na kabiguan.

Kung maibabalik lang sana ni Edong ang nakaraan ay itatama na niya ang lahat. Ngunit sa ngayon ay kailangan niyang harapin ang katotohanang wala na sa kaniyang piling ang kaniyang mag-iina nang dahil sa kaniyang kagagawan.

Advertisement