Inday TrendingInday Trending
Ipinagtabuyan ng Ina ang Buntis na Anak; Isang Butihing Guro ang Sumagip sa Kaniya

Ipinagtabuyan ng Ina ang Buntis na Anak; Isang Butihing Guro ang Sumagip sa Kaniya

“Lumayas ka rito! Lumayas ka rito at wala akong anak na disgrasyada!” pagtataboy ni Edith sa kaniyang dalagang anak na si Lovely.

“Ang kapal ng pagmumukha mo at sa iba ko pa talaga nalaman, Lovely? Alam mo ba ang balita sa akin? Inakit mo raw ‘yung lalaki para may mangyari sa inyo! Ganyan ka na ba ka desperado sa lalaki? Ubod ka nang landi!” sigaw pa nito.

“‘Ma, makinig ka naman sa akin. Hindi ko naman pong ginusto na mabuntis ako! Makinig muna po kayo sa akin, parang awa n’yo na po,” pagtangis naman ng dalaga.

“Akala mo siguro’y hindi ko malalaman ang lahat, ano? Hirap na hirap ako sa trabaho para lang makapag-aral ka sa magandang paaralan tapos ay ito ang gagawin mo? Lumayas ka! Simula ngayon ay hindi na kita anak! Layas! Lumayas ka sa harap ko!” patuloy sa pagsigaw ang ginang habang kinakaladkad palabas ng bahay ng anak.

“‘Ma, pakinggan n’yo muna ako! Hindi ko ginusto ang bagay na ‘to! Hindi ko alam kung saan ako pupunta, ‘ma! Parang awa n’yo na po!” pagmamakaawa ni Lovely.

Ngunit kahit anong pakiusap niya’y hindi na siya pinakinggan ng ina.

“Ito na ang lahat ng gamit mo! Wala ka nang babalikan pa rito. Sumama ka sa lalaking nakabuntis sa iyo, wala na akong pakialam. Sana pala ay nakinig na lang ako sa sinabi nila sa akin dati na ipalagl*g na lang kita noon! Wala sanang magdadala sa akin ng kahihiyan ngayon!” wika pa ng ina.

Pinagtitinginan si Lovely ng mga kapitbahay habang pinupulot niya isa-isa ang kaniyang mga damit. Ngayon ay hindi niya alam kung saan siya pupunta. Tiyak kasi siyang hindi rin siya tatanggapin sa bahay ng kaniyang lola dahil noon pa man ay mabigat na ang loob nito sa kaniya.

Pumunta si Lovely sa kaniyang tiyahin, ngunit hindi rin siya nito pinaunlakan.

“Pasensya ka na, hija, tumawag kasi dito ang mama mo at binilin na huwag kang tanggapin kung hindi ay sisingilin daw kami sa utang namin sa kaniya. Wala pa kaming pambayad. Isa pa, ayaw rin ng asawa ko na masangkot sa gulo ninyo. Sa iba ka na lang pumunta,” saad ng ginang.

Tumawag din sa ilang kaibigan ang dalaga ngunit walang gustong magpatuloy sa kaniya. Ayaw ng mga magulang ng mga ito dahil buntis siya.

Patuloy ang pag-iyak ni Lovely habang nasa kalsada. Hindi siya makapaniwala na kaya siyang ipagtabuyan ng sariling ina.

Bigla na lang nakaramdam ng pananakit ng puson ang dalaga kaya naupo muna siya saglit sa bangketa. Mabuti na lang at nakita siya ng kaniyang gurong si Mercy.

“Lovely, ikaw ba ‘yan? Anong ginagawa mo rito sa daan? Ayos ka lang ba?” tanong ng guro.

“Ma’am, pinalayas po ako ng mama ko. Wala na po akong matutuluyan. Ayaw rin po akong tanggapin ng mga kamag-anak ko dahil pinagsabihan po sila ni mama. Gulong-gulo na po ako sa buhay ko, ma’am!” umiiyak na wika ni Lovely.

“Tara at sumama ka na muna sa akin sa bahay. Hindi ligtas para sa isang dalagang tulad mo ang pakalat-kalat sa lansangan!” pag-aalala ng guro.

Nang makarating sa bahay ay agad na pinakain ni Mercy ang estudyante. Nang mahimasmasan si Lovely ay saka lang niya ito kinausap.

“Ano ba talaga ang dahilan kung bakit pinalayas ka ng mama mo? Ano ba ang naging hidwaan ninyong dalawa? May nagawa ka bang mali na dapat niyang ikagalit?” tanong ng guro.

“Kinahihiya po ako ni mama dahil disgrasyada daw po ako. Buntis po kasi ako, ma’am! Nabuntis po ako!” naiyak na naman ang dalaga.

“Nabuntis ka ng nobyo mo? Nasaan ba siya? Nasaan ang tatay ng batang iyan nang makausap natin ang magulang niya. Kilala ko ba siya? Estudyante rin ba siya sa paaralan natin?” sunud-sunod na tanong ni Mercy dahil sa pagkabigla.

“Kilala n’yo po siya, ma’am. Pero hindi ko po siya nobyo. Nasa isang party po kami dahil pilit po akong niyaya ng isa kong kaklase. Tapos naroon sila ng barkada niya. May pinainom po sila sa akin at nanghina ako. Pero alam kong ginawan niya ako ng masama. Kitang-kita ko siya pero hindi ako makalaban! Sinalbahe po niya ako!” hagulgol ni Lovely.

“Alam ba ito ng mama mo? Aba’y kailangan natin itong isuplong sa pulis!” dagdag pa ng guro.

“Sino po ang maniniwala sa akin? Pinagkakalat po nilang inakit ko raw po ang binatang iyon kaya ako nabuntis. Ako na nga po ang na-agrabyado pero ako pa ang nadidiin. Paano na po ang buhay ko ngayon, ma’am? Ni sarili kong ina ay ayaw na sa akin!”

“Huwag kang mag-alala, Lovely, at narito ako. Hindi kita pababayaan. Ako na ang bahalang kumausap sa nanay mo. Dito ka muna habang wala kang mapupuntahan,” dagdag pa nito.

Dahil sa kahihiyan ay hindi na pumasok ng paaralan si Lovely. Si Mercy naman ay pilit na nakipag-usap kay Edith tungkol sa anak nito.

“At sa iyo pala tumutuloy ang walanghiyang babaeng iyon! Mawalang galang na po sa inyo pero wala na akong anak. Pinutol na niya ang ugnayan namin nang magpabuntis siya sa nobyo niya!” sambit ni Edith.

“Sandali lang, misis. Kailangan ko lang naman kayong kausapin tungkol sa tunay niyang kalagayan. Alamin n’yo po muna ang totoo. Kawawa naman si Lovely,” wika ni Mercy.

“Wala na akong pakialam sa kaniya dahil magdadala lang siya ng kahihiyan sa buhay ko! Tutal, hindi ko naman talaga ginusto ang batang iyan! Responsibilidad mo na siya ngayon dahil pakialamera ka!” bulyaw pa ng ginang.

Napagtanto ni Mercy na lalong kawawa nga si Lovely sa piling ng kaniyang ina. Ni ayaw nitong pakinggan ang panig ng kaniyang anak. Ang mahalaga lang dito ay ang kaniyang sarili at tingin ng ibang tao.

Simula nang araw na iyon ay inako na nga ni Mercy ang responsibilidad kay Lovely. Tutal ay matandang dalaga siya at nag-iisa ay parang nagkaroon siya ng anak sa katauhan ng dalaga.

“Kailangan mong magpasuri sa doktor para makita ang kalagayan ng ipinagbubuntis mo. Bukas ay pupunta naman tayo sa pulisya para isuplong ang nangyari sa iyo. Huwag kang matakot, Lovely. Nasa likod mo ako! Hindi kita iiwan,” wika ng guro.

“Maraming salamat po, ma’am. Pero natatakot po ako na baka hindi nila ako paniwalaan. Maimpluwensya ang pamilya ni Richard. Baka lalo pa po akong magkaroon ng kahihiyan,” pangamba ng dalaga.

“Nasa tama ka, hija, kaya papanig sa iyo ang batas. Kailangan niyang managot sa ginawa niya sa iyo. Kailangan niyang pagdusahan ang pananalbaheng ginawa niya,” wika muli ni Mercy.

Kinabukasan ay nagtungo sa pulisya ang dalawa. Agad namang pinatawag sa pulisya si Richard upang magpaliwanag. At dahil may mga lumutang na saksi ay napatunayang nagkasala nga ito.

Kahit paano ay parang nabunutan na rin ng tinik si Lovely. Ngunit ayaw talagang pumayag ng pamilya ng lalaki sa nangyari. Nagkalat ito ng mga maling balita tungkol sa dalaga.

Dahil sa labis na istres ay nakunan si Lovely. Kahit na hindi niya inaasahan ang kaniyang pagbubuntis nang maaga ay nalungkot pa rin siya sa pagkawala ng kaniyang anak.

“Isipin mo na lang na inadya na rin ito ng pagkakataon para makapagsimula kang muli. Mapapatunayan na talagang nagkasala ang lalaking iyon. Bumalik ka na sa pag-aaral at huwag mong sayangin ang buhay mo, Lovely. Huwag mong isipin ang sasabihin sa iyo ng ibang tao,” saad ng guro.

Sa patnubay ni Mercy ay muling ibinangon ni Lovely ang kaniyang buhay. Marami man siyang naririnig sa paligid ay binalewala lang niya ito. Alam niyang darating din ang araw na mapapatunayan niyang siya ang totoong b*ktima.

Sa kabilang banda, wala na siyang narinig pa mula sa kaniyang ina. Kahit na kalat na ang balita dahil sa patuloy na pagdinig ng kaso ay hindi pa rin siya nito kinakausap. Talagang wala na itong pakialam sa kaniya.

Lumipas ang mga taon at naparusahan na nga ang nagkasala. Samantala, nakatapos naman ng pag-aaral si Lovely sa tulong ng kaniyang gurong si Mercy. Naging isang ganap na siyang abogado.

Isang araw ay muli siyang binalikan ng kaniyang ina. Naghihirap na ito at nais na humingi ng tulong sa kaniya.

“Umuwi ka na sa atin, anak. Pasensya ka na sa lahat ng nagawa ko sa iyo. Hindi totoong kinakahiya kita. Tingnan mo nga at isa ka nang mahusay na abogado. Paanong hindi kita ipagmamalaki?” wika ni Edith.

Sa puntong iyon ay alam ni Mercy na tuluyan na siyang iiwan ng dalaga.

“Magpapadala po ako ng pera sa inyo para makatulong, pero pasensya na po dahil dito na po ang bahay ko. Hindi ko naman maiaalis na kayo pa rin ang tunay kong ina, ngunit si Nanay Mercy po ang nagpaka-ina para sa akin. Ipinaglaban niya ang karapatan ko kahit na hindi naman niya ako kaano-ano. Hindi niya ako pinabayaan at tinalikuran lalo na sa mga panahong kailangan ko ng magulang. Kaya pasensya na po, nandito na po ako sa bahay ko. Makakauwi na po kayo sa inyo,” sambit ni Lovely.

Bigo nang umalis si Edith ng mga sandaling iyon. Nauunawaan naman niya ang anak dahil sa kaniyang nagawang kasalanan.

“Masaya ako sa pananatili mo rito, Lovely, pero siya pa rin ang tunay mong ina. May kalayaan ka nang magdesisyon para sa iyong sarili. Maaari mo na siyang makasama ngayon. Hinding-hindi kita pipigilan. Masaya na ako dahil nagampanan ko na ang dapat kong gampanan. Maayos na ang buhay mo ngayon, sapat na iyon para sa akin,” wika ni Mercy.

“Hindi ko po kayo iiwan dahil hindi ninyo ako iniwan noong mga panahong walang gustong tumulong sa akin. Kayo po ang naging ina sa akin, Nanay Mercy. Kaya dito lang po ako sa tabi ninyo. Hayaan n’yong bumawi ako sa lahat ng nagawa ninyo para sa akin,” wika pa ng dalaga.

Hindi man naging maganda ang naging kapalaran ni Lovely mula sa kamay ng lalaking nanalbahe sa kaniya pati na rin sa sariling inang tinalikuran siya ay nakahanap naman siya ng pamilya sa kaniyang gurong si Mercy. Ngayong retirado na ang tinuturing na ina’y siya naman ang tumitingin at nag-aalaga rito. Pasasalamat niya ito sa mga panahong hindi siya nito iniwan.

Advertisement