Hirap na ang Ginang sa Pag-aalaga sa Inang May Sakit; Sa Kabila ng Lahat ay Ito ang Kaniyang Ginawa
“Myrna! Myrna! Nasaan ka ba, Myrna?”
Nasa pinto pa lang ako ng bahay ay dinig ko na ang tawag sa akin ng Nanay Anita ko. Pitumpu’t tatlong taong gulang na rin siya. Ang dating malakas niyang pangangatawan ay nilamon na ng kaniyang sakit. Limang taon na ring simula nang maratay si nanay at simula noon ay naging alagain na siya.
Bilang ako ang bunso ng pamilya ay sa akin inatang ng mga kapatid ko ang pag-aalaga sa aking nanay. Hindi rin naman kasi maganda ang buhay nila. Iisa lang ang anak ko at hiwalay din ako sa asawa pero kahit paano’y nakakaraos naman sa pamamagitan ng pananahi ko ng mga kurtina. Pero aaminin ko minsan ay masama talaga ang loob ko sa kanila dahil ang hirap na ngang kumita ng panustos sa mga gamot ni nanay ay mahirap pang mag-alaga.
Agad kong pinuntahan ang papag ni nanay kung saan siya nakaratay. Natagpuan ko siyang iritable. Tiyak kong puno na ang diaper niya at gutom na rin siya. Iniwan ko kasi siya saglit nang i-deliber ko ang mga kurtina kay Aling Nelia. Hindi na ako nakipagkwentuhan pa dahil lumilipad na ang isip ko at naiwang mag-isa si nanay.
Tama nga ako, puno na ang diaper niya. Kahit na hirap na hirap ako sa pag-aasikaso sa kaniya’y natutuwa pa rin ako dahil naalala niya ngayon ang pangalan ko.
Ilang sandali lang ay nawala na naman ang memorya ni nanay. Inaaway na naman niya ako. Ayaw pasubo ng pagkain. Natapon pa nga ang sabaw. Napabuntong hininga na lang ako dahil lilinisan ko na naman siya pati ang kaniyang higaan.
Kakapalit ko lang sa kaniya ng diaper nang biglang madumi siya. Napatingin tuloy ako sa tukador niya. Paubos na rin pala ang diaper na binili ko. Ang kita kong isang libo mula sa ilang araw na pananahi ng kurtina ay mauubos lang sa gamot at diaper ni nanay.
Matapos ko siyang hugasan at palitan ng damit ay inihiga ko ulit siya. Itinaas nang bahagya ang unan nang sa gayon ay komportable naman siya. Kahit na marahan lang naman ang hawak ko sa kaniya’y pinagbibintangan niya akong sinasaktan ko siya. Walang patid ang pagsigaw niya sa akin. Kahit na hirap na siyang kumilos ay malakas pa rin ang kaniyang boses.
Naalala ko tuloy noong bata pa ako. Takot na takot ako kay nanay dahil ayaw kong masigawan. Masakit din kasi siyang mangurot. Hindi ko siya mabiro noon dahil may pagkamasungit siya. Pero habang tumatanda kami, unti-unti ko na siyang nakakausap tungkol sa mga bagay-bagay. Siya pa nga ang nagpalakas ng loob ko nang humiwalay ako sa sugarol kong asawa.
“Bakit ka ba nandito? Hindi ka naman taga rito, a! Umalis ka nga rito! Myrna! Myrna! Paalisin mo nga ‘tong bruha na ‘to rito! Sinasaktan ako kanina pa!” muling sigaw ni nanay. Kahit na ako naman talaga ang nasa harap niya.
“Nay, ako po ito, si Myrna. Inumin n’yo na po ang gamot n’yo dahil mailipasan na ng oras. Parang awa n’yo na po!” pakiusap ko sa kaniya.
“Akala mo ba’y hindi ko alam na nilalason mo ako! Gusto mo na akong mam*tay, ano? Sunugin sana ang kaluluwa mo sa impyerno!” galit na galit na wika pa ni nanay.
Nasasaktan ako sa tuwing pinagsasabihan niya ako ng kung anu-ano pero inuunawa ko na lang na hindi na si nanay ang taong iyon. Kailan kaya ako didinggin ng Panginoon? Napudpod na ang mga tuhod ko kakadasal ngunit hindi pa rin magaling si nanay.
Sa wakas ay kumalma na rin si nanay at napainom ko na siya ng gamot. Kailangan ko nang bumalik sa pananahi dahil bukas ay may kailangan akong ideliber muli kay Aling Nelia. Mamaya ay kailangan ko pang sunduin sa eskwela ang aking anak.
Hindi pa man ako nakakaupo sa tapat ng makinang panahi ko ay biglang gumising si nanay. Nagsisisigaw sa sakit ng tiyan. Sa tingin ko ay kinakabag na naman siya. Agad akong kumuha ng langis at pinahiran ang kaniyang tiyan hanggang sa muli siyang makatulog. Hindi na ako nakapanahi. Kailangan ko na naman siyang iwan saglit para sunduin naman ang anak ko sa eskwelahan. Tiyak akong aabutin na naman ako ng magdamag nito sa paggawa ng kurtina.
“‘Nay, sandali lang po at susunduin ko lang si Junjun. Matulog lang po kayo rito. Sandaling sandali lang po ako.”
Ni hindi na ako tinignan pa ni nanay at parang nakakunot pa ang kaniyang mga kilay. Siguro ay hindi na naman niya ako nakikilala.
Pagsundo ko kay Junjun ay sinama ko muna siya sa palengke para kunin ang inorder kong mga tela. Nakalimutan ko kasing kunin kanina sa pagmamadaling makauwi. Nagpapabili pa nga ng laruan si Junjun pero hindi ko na siya napagbigyan.
“Pasensya ka na anak at sapat lang ang pera ko para sa mga kailangan ng lola mo. Sa susunod na lang kapag kumita ako ng malaki-laki.”
Masakit rin para sa isang inang tulad ko ang hindi mapagbigyan ang anak. Mabuti na lang at maunawain itong si Junjun. Swerte talaga ako sa kaniya.
Habang bitbit ko ang tela at mga pinamiling gamot at diaper, hindi ko maiwasang mag-isip. Hanggang kailangan kaya kami ganito ng anak ko? Hindi man lang namin ma-enjoy ang buhay dahil sa responsibilidad ko sa aking ina. Ni wala akong ipon para kay Junjun. Mapag-aaral ko pa kaya siya sa hayskul o kolehiyo? Naiinis ako habang iniisip na malaya ang ibang mga kapatid ko sa responsibilidad. Talagang pinaako na nila sa akin ang lahat.
Pag-uwi ng bahay ay nadatnan ko si nanay na natutulog pa rin. Medyo kinabahan nga ako kaya napatingin agad ako sa kaniyang dibdib. Pinagmasdan ko ang kaniyang paghinga.
Hindi ko tuloy maiwasan na pakatitigan siya. Kulubot na ang balat at ubod na siya ng payat. Sa tingin ko ay nahihirapan na rin siya sa kaniyang kalagayan. Pilit kong pinipigilan ang luha ko.
Dumilat si nanay at nakita niyang nakatingin ako sa kaniya.
“Bakit ka malungkot, anak? May nangyari ba? May masakit ba sa iyo? Lumapit ka rito nang mahilot ko,” wika ni nanay na labis ang pag-aalala.
Nilapitan ko siya at saka niya inilapat ang kaniyang mga kamay sa aking ulo.
“Sinabi ko naman sa iyo na hinay-hinay lang sa pagtatrabaho. Baka mamaya ay lumalabo na rin ang mata mo sa kakapuyat at kakatahi,” dagdag pa niya.
Sa pagkakataong iyon ay naramdaman kong muli ang Nanay Anita ko. Bigla kong napagtanto na ganito talaga ang mga ina. Kahit may nararamdaman ay inuuna pa rin ang kanilang mga anak. Hindi mahalaga kung nakaratay na sila sa banig ng karamdaman. Kapag may masakit sa kanilang mga anak ay kusang lalabas sa kanila ang pag-aalala.
Hindi ko na mapigilan ang sarili ko at naiyak na ako. Niyakap ko si nanay nang mahigpit.
“Ayos lang ako, ‘nay, basta ang gusto ko’y maayos din ang pakiramdam mo. Mamaya ay pakakainin na kita. Kumain ka nang marami ha? Mahal kita, nanay. Salamat sa pag-aalaga mo sa akin.”
Napagtanto ko na kung bakit ko ginagawa ang bagay na ito sa nanay ko. Kung bakit kahit na may mga kapatid ako’y inako ko na rin ang responsibilidad sa pag-aalaga sa kaniya. Ito ay dahil sa pagmamahal ni nanay at sa kaniyang mga sakripisyo sa amin noong araw. Hindi ko ginagawa ang bagay na ito sa pagtanaw lang ng utang na loob. Ginagawa ko ito dahil mahal ko siya.
Patuloy ko pa ring aalagaan si nanay at ilalaban ang kaniyang buhay hanggang sa huli. Tulad ng ginawa niya sa akin noong ako’y bata pa, hindi rin ako mapapagod na mahalin at alagaan siya.