Inday TrendingInday Trending
Iniwan Niya ang Pagiging Doktor para Maging Alalay ng Hinahangaan Niyang Binata; Ito pala ang Magiging Susi sa Kanilang Matamis na Pagmamahalan

Iniwan Niya ang Pagiging Doktor para Maging Alalay ng Hinahangaan Niyang Binata; Ito pala ang Magiging Susi sa Kanilang Matamis na Pagmamahalan

Bata palang si Osang, mayroon na siyang nararamdamang paghanga sa gwapo niyang kababatang si Oliver. Masungit man ito, madamot sa pagkain at ayaw magpahiram ng bisikleta, hindi niya mawari kung bakit gustong-gusto niya ang mapadikit dito kahit palagi naman siyang nitong tinataboy.

Tandang-tanda niya pa kung paano siya binabatuk-batukan nito noon at kung saan saan siya nito iniligaw para lang huwag na silang magkalaro pa. Kahit pa ganoon, tandang-tanda niya rin kung paano niya paulit-ulit na sinisiksik ang sarili rito dahil lang sa kagustuhan niyang mapagmasdan ang gwapo nitong mukha.

Lalo pa niyang ginawa ang lahat upang mapalapit dito nang malaman niyang nagsimula itong mag-artista sa murang edad pero kahit ano talagang gawin niya, siya’y palagi nitong tinataboy at sinasabihan pang “pangit at mabaho” na talagang nagbigay sa kaniya ng sama ng loob.

Sa kabila ng mga salitang iyon, patuloy niya pa rin itong hinahangaan. Sinumpa niya pang balang araw, ito’y iibig din sa kaniya.

Habang pumapayagpag ang pangalan ito sa mundo ng pag-aartista, pinag-igihan niya naman ang kaniyang pag-aaral. Nag-aral siya kung paano maging isang dermatologist o doktor na bihasa sa pag-aalaga ng balat at ginawa niya ang lahat upang gumanda ang itsura niya.

Nang maging matagumpay na nga siyang doktor, sakto namang nabalitaan niyang naghahanap ng personal assistant si Oliver dahil nagtaksil ang dati nitong pinagkakatiwalaang empleyado!

Ni katiting na pag-aalinlangan ay wala siyang naramdaman at siya’y dali-daling nagsumite ng aplikasyon sa manager nito na talagang ikinagalit ng kaniyang ina.

“Sasayangin mo ang pagiging doktor mo para lang mapalapit sa lalaking ‘yon? Kailan ka ba magigising na ayaw niya sa’yo, ha!” sermon nito sa kaniya nang ibalita niya rito ang kaniyang plano.

“Mama, hayaan mo akong matupad ‘tong pangarap kong mapalapit sa kaniya. Tiyak naman akong hindi ako tatagal doon dahil sa ugali ng lalaking iyon! Gusto ko lang talagang mapalapit sa kaniya kahit saglit tapos babalik na ulit ako sa pagiging doktor ko,” sabi niya na talagang ikinailing na lamang nito.

Labis naman ang tuwang naramdaman niya dahil sa walong aplikante, siya ang napili ni Oliver. Hindi man siya nito natatandaan, dahil nga iba na ang kaniyang itsura, hindi matahimik ang kabog ng dibdib niya sa saya!

Sa araw-araw nilang pagsasama ng binata, lalo siyang napaibig sa kagwapuhan nito. Siya ang naghahanda ng mga susuotin nitong damit at sapatos.

Siya rin ang nag-aayos ng make-up nito lalo na nang malaman nitong isa siyang dermatologist. Madalas man siya nitong sigawan dahil sa mga kapalpakang nagagawa niya minsan, hindi niya pa rin maiwasang kiligin sa tuwing nahuhuli niya itong nakatingin sa kaniya.

Isang araw, habang hinahanda niya ang mga damit na gagamitin nito para sa isang photoshoot, nagulat siya nang bigla siya nitong hawakan sa kamay at hilahin patungo sa rooftop. Lalo pa siyang nagulantang nang sabihin nitong, “Bakit hindi mo sinabing ikaw ang kababata kong palagi kong inaaway? Matagal na kitang hinahanap.”

“Ah, eh, anong ibig mong sabihin? Bakit mo ako hinahanap? Palagi mo nga akong pinagtatabuyan, eh!” sigaw niya rito.

“Ewan ko rin, basta nang mawala ka, nalungkot ako. Nagtrabaho na nga ako sa murang edad, nawala pa ang kalaro kong nagtitiyaga sa akin. Ngayon namang nalaman kong sinakripisyo mo pa ang propesyon mo para mapalapit sa akin, humanga na talaga ako sa’yo. Bukod pa roon, naramdaman ko ulit ang saya ko noong naglalaro pa tayo,” sagot nito na ikinatulala niya na lamang, “Pwede bang huwag ka na ulit lumayo sa akin?” tanong pa nito na talagang ikinaikot ng kaniyang sikmura.

Sasagot palang sana siya nang siya’y bigla na nitong halikan at doon na nga niya napatunayang totoo ang lahat ng sinasabi nito.

At dahil nga parehas naman sila ng nararamdaman, agad na niya itong sinagot nang magtangka itong manligaw. Halos mabunot man ng kaniyang ina ang lahat ng buhok niya dahil sa desisyon niyang ito, agad naman itong nakampante nang makilala ang lalaking kaniyang iniirog na ngayon ay isa nang responsable at mabait na binata.

Hinayaan din siya nitong ipagpatuloy ang propesyon niyang pagdodoktor habang itinuloy din nito ang pag-aartista upang sila’y makaipon at makapaghanda para sa hinaharap na kanilang pinaplano.

Hindi naman siya binigo nito dahil paglipas lang ng dalawang taon, pinakasalan na siya nito.

“Hindi ko akalaing ang batang madamot at pangit ang ugali ay ang lalaking makakasama ko habambuhay. Ganoon man ang pakikitungo mo sa akin dati, bumawi ka naman nang triple ngayong nasa tamang edad na tayo,” mangiyakngiyak niyang sabi rito na ikinakilig ng lahat ng taong nakasaksi ng kanilang kasal.

Tunay ngang mapaglaro ang pag-ibig at ang masayang pagmamahalan ay talagang ipinagkakaloob lamang sa mga marunong maghintay, magtiis, at magsakripisyo.

Advertisement