Inday TrendingInday Trending
Pinagtatawanan Niya ang Bungal na Babaeng Bumibili sa Tindahang Pinagtatrabahuhan Niya, May Nakakahanga Palang Kwento sa Likod ng mga Ngiti Nito

Pinagtatawanan Niya ang Bungal na Babaeng Bumibili sa Tindahang Pinagtatrabahuhan Niya, May Nakakahanga Palang Kwento sa Likod ng mga Ngiti Nito

Tikom sa pera ang dalagang si Yolly. Kahit nanay o tatay na niya ang nanghihingi sa kaniya ng pera upang makabili ng pagkain ng kaniyang mga nakababatang kapatid, palagi niyang sinasabing, “Wala na nga akong pera, eh!” kahit pa ang totoo, marami-rami na siyang naiipon dahil sa pagtatrabaho niya sa isang grocery bilang isang tagapamahala.

Halos araw-araw man niyang naririnig na nagsisidaingan ng sakit ng tiyan dahil sa gutom ang kaniyang mga kapatid, patuloy pa rin siyang nagbibingi-bingihan dahil lang ayaw niyang mabawasan ang kaniyang ipong pera.

Palagi niya pang katwiran, hindi niya naman responsibilidad na tugunan ang pagkalam ng sikmura ng mga ito dahil hindi naman siya ang magulang.

May pinagkakakitaan naman talaga ang kaniyang mga magulang at kung tutuusin, kayang-kaya ng mga ito na pakainin ang kaniyang mga kapatid, kabilang na siya. Kaya lang, dahil sa laki ng perang kailangan ng mga ito noon para lang siya’y mapagamot nang magkaroon siya ng dengue, nabaon ang mga ito sa utang.

Sa kabila ng dahilang iyon, nagmamatigas pa rin siya at palagi niyang sinasabi na obligasyon naman ‘yon ng kaniyang mga magulang at wala siyang dapat bayaran o tugunang utang na loob.

Bukod sa ugali niyang tikom sa pera, halos lahat ng mga mamimili sa binabantayan niyang grocery store ay talaga nga namang hinuhusgahan niya mula ulo hanggang paa. May pagkakataon pang titigil siya sa trabaho para lang mapagtawanan niya kasama ang ibang mga empleyado ang isang mamimili.

Palagi niyang biktima ang isang dalagang araw-araw bumibili ng diaper na pangmatanda. Bukod kasi sa kulay tsokolate ang balat nito, wala pa itong ngipin sa harapang bahagi ng bibig dahilan para tawagin niya itong “bungal”.

Isang araw, habang nag-aayos siya ng mga produktong paninda, nahagip na naman ng kaniyang mata ang naturang dalaga. Katulad ng inaasahan niya, diaper na pangmatanda na naman ang binili nito at dahil nga gustong-gusto niyang may napagtatawanan, nilapitan niya ito upang kausapin at para makita nang malapitan ang bungal nitong ngipin.

“Para sa’yo ba ‘yang diaper na ‘yan?” pang-uusisa niya habang pinagmamasdan ang mukha nito.

“Naku, hindi, para ito sa biyenan ko,” sagot nito habang kumukuha ng pera sa pitaka.

“Biyenan mo? Bakit ikaw ang araw-araw na namimili para sa kaniya? Wala na ba siyang ibang anak?” tanong niya pa.

“Wala, eh, ang asawa ko naman na anak niya, nasa langit na kaya ako na lang ang nag-aalaga sa kaniya,” tugon nito saka agad nang pumila sa cashier.

“Ah, kaya ka ba nabungi?” tawang-tawa niyang tanong saka tinuro pa ang bungal na ngipin ng dalaga.

“Nakakatawa mang pakinggan, pero, oo. May sakit na kasi siya sa pag-iisip at nang minsan siyang makalabas sa bahay namin, kamuntikan na siyang mabangga. Mabuti na lang, naitulak ko siya at ako ang nasaktan,” kwento nito na lalo niyang ikinatawa, labis niyang tinatandaan ang bawat kwentong sinasabi nito upang maitsismis niya sa mga katrabaho niyang palinga-linga na sa kaniya.

“Bayani ka ba? Bakit mo pinagtitiyagaang alagaan ang taong hindi mo naman kaanak kung tutuusin? Ako nga, eh, kahit mga magulang ko, hindi ko nagagawang tulungan!” singhal niya.

“Kung gan’yan ang ginagawa mo sa mga magulang mo, may mali sa prinsipyo mo sa buhay,” pangaral nito habang nakangiti.

“Anong ibig mong sabihin? Sinasabi mo bang mali ako? Gusto ko lang namang makapag-ipon para sa sarili ko, ha!” katwiran niya.

“Aanuhin mo ang taba ng bulsa mo kung naghihirap naman ang mga mahal mo sa buhay? Hindi ba’t masarap sa pakiramdam na sabay-sabay kayong umaangat pataas? Hindi ‘yong ikaw lang ang may magaan na buhay?” sabi pa nito saka tuluyan nang nagbayad sa cashier, “O, sige na, alis na ako, hinihintay na ako ng biyenan ko,” paalam pa nito, gusto man niya sana itong barahin dahil nakatingin sa kaniya ang mga katrabaho niya, hindi niya magawa dahil tila siya’y nasampal nito ng isang magandang pangaral.

Buong araw na tumakbo sa isip niya ang kabaitang mayroon ang babaeng iyon. Hindi niya maiwasang hindi maikumpara ang sariling ugali roon lalo na’t alam niya, kailangan niyang tulungan ang kaniyang mga magulang sa mga gastusin sa kanilang bahay.

Sa kabutihang palad, kaniya nang naituwid ang kaniyang pag-iisip nang araw ding iyon. Ginamit na niya ang kaniyang ipong pera upang maibili ng pagkain ang kaniyang pamilya at handa na siyang ibigay ang kaniyang ipon sa kaniyang mga magulang para lang makaahon na ang mga ito sa utang.

Nang gawin niya iyon, kitang-kita niya ang saya sa mata ng kaniyang mga magulang na talagang nagbigay ng hindi matatawarang saya sa puso niya.

Dahil doon, pinangako niya sa sarili na kahit kailan, hindi na siya muling magdadamot sa sariling pamilya. Kung ang ibang tao nga ay handang magsakripisyo para sa taong hindi nila kaano-ano, siya pa kayang panganay na anak na may maayos na trabaho?

Simula rin noon, hindi na niya pinagtawanan ang bungal na babae. Bagkus, araw-araw na niya itong binabati, kinakausap nang maayos at hinahangaan.

Advertisement