Inday TrendingInday Trending
Tagpi-Tagping Tolda ang Nagsilbing Tahanan ng Matanda Buhat nang Siya’y Pabayaan ng Kaniyang mga Kaanak; Isang Binata ang Magsisilbi Niyang Pag-asa

Tagpi-Tagping Tolda ang Nagsilbing Tahanan ng Matanda Buhat nang Siya’y Pabayaan ng Kaniyang mga Kaanak; Isang Binata ang Magsisilbi Niyang Pag-asa

Tirik na tirik ang araw nang tanghaling ’yon, kaya naman lumabas muna si Mang Goryo ng kaniyang bahay upang sumilong sa ilalim ng punong iyon ng niyog, na malapit lang sa kaniyang nagsisilbing tahanan. Mainit kasi sa loob niyon, lalo pa’t ang bahay niya ay gawa lamang sa pinagtagpi-tagping tolda na itinayo sa posturang ‘tent’ upang kaniya iyong matirahan.

Ganoon na ang naging araw-araw na buhay ni Mang Goryo, buhat nang talikuran siya ng kaniyang mga kaanak na noon ay binuhay niya sa pamamagitan ng pagnenegosyo, buhat nang wala na silang mahita sa kaniya dahil nagkasakit siya at naubos ang lahat ng kaniyang ari-arian. Maaga kasing nabyudo si Mang Goryo kaya naman ibinuhos niya na lang ang sarili sa pagtulong sa kaniyang mga kaanak, na sa huli ay hindi rin naman pala siya tutulungan.

Habang nakaupo at nagpapahinga sa isang tuyong palapa ng niyog na siyang nagsisilbi niyang sapin ay kumakain na rin si Mang Goryo ng kaniyang pananghalian—kanin na ang ulam ay asin, dahil mahina ang naging kitaan kahapon sa junkshop, bilang ang hanapbuhay ni Mang Goryo ay ang pagiging isang basurero.

Sa totoo lang ay sawang-sawa na si Mang Goryo sa pag-uulam ng ganito, ngunit wala naman siyang magagawa pa kundi ang magtiis. Kung minsan tuloy ay hindi niya mapigilang hindi maawa sa kaniyang sarili, dahil sa kabila ng ginawa niyang pagtulong sa iba noon, ay ganito pa rin ang sinapit niyang kapalaran. Nawala na sa kaniya ang lahat, pagkatapos ay wala na ring nagmamahal sa kaniya, ayon sa kaniyang pagkakaalam.

Ang hindi alam ni Mang Goryo ay may isang surpresang naghihintay sa kaniya ngayong araw, na magmumula sa isang taong nanggaling sa kaniyang nakaraan—ang binatang si Piolo.

Matagal nang hinahanap ni Piolo ang asawa ng kaniyang yumaong tiyahin, na noong bata pa siya ay nagawa siyang pag-aralin hanggang sa siya ay matuto nang mag-isa. Bigla na lang kasing nawala si ‘Tito Goryo’ buhat nang yumao ang asawa nito, at hindi na niya ito nakita pa. Mabuti na lamang at may isang taong nag-post ng picture ni Mang Goryo sa Facebook, dahil sa awa, kaya naman nagawang tuntunin sa wakas ni Piolo ang kaniyang tiyuhin!

Isa na ngayong matagumpay na enhinyero si Piolo, ’tulad ng pangarap na madalas niyang banggitin noon kay Mang Goryo at sa kaniyang tiyahing asawa nito. Kaya naman may sapat siyang pera upang pagaanin ang buhay ng taong noon ay walang pagdadalawang isip na tumulong sa kaniya. Isang magandang surpresa ang inihanda ni Piolo para sa nasabing matanda. Isang surpresang tiyak na magbibigay dito ng panibagong pag-asa.

“Mang Goryo, may naghahanap ho sa inyo,” tawag ng isang lalaking nakatira malapit sa ‘tahanan’ ni Mang Goryo, kaya naman napahinto sa pagkain ang matanda. Napalingon siya sa likuran niya kung nasaan ang nagsalita.

“Sino raw ’yon?” takang tanong ni Mang Goryo. Nanliit ang kaniyang nanlalabong mata sa pagsipat sa makisig na binatang naglalakad papalapit sa kaniyang kinaroonan. Hindi niya ito makilala, dahil bukod sa malabo ang kaniyang mga mata ay malaki talaga ang ipinag-iba ng hitsura ni Piolo kumpara sa trese anyos na batang pinaaaral niya noon.

“Tito Goryo, hindi n’yo na po ba ako nakikilala? Ako po ito, si Piolo…’yong pamangkin ng asawa n’yong si Tita Rafaela,” pagpapakilala naman ni Piolo sa kaniyang sarili nang ilang saglit na’y hindi pa rin siya nakikilala ng matanda.

Nag-isip pa si Mang Goryo at pilit na inalala kung sino nga ba ang binatang ito…at nanlaki ang kaniyang mga mata nang bigla ay maalala niya sa wakas ang nakaraan tungkol sa batang noon ay pinag-aral niya!

“Piolo, hijo? Ang laki mo na!” Halos maiyak si Mang Goryo nang sa wakas ay muli niyang nayakap ang batang itinuring na rin niyang anak noon. Nawalan kasi sila ng komunikasyon nang bumalik siya sa kaniyang probinsya nang mawala ang kaniyang asawa.

Hindi na nag-aksaya pa ng pagkakataon si Piolo at sinabi niya na kay Mang Goryo ang kaniyang pakay… “Balak ko po kayong kunin, upang tumira kasama namin ng pamilya ko. Para ko na rin po kayong ama, tito…sa totoo lang ay mas naging ama pa kayo kaysa sa tunay kong tatay, kaya sana ay hayaan n’yong ako naman ang magpakaanak sa inyo.”

Hindi na nakasagot pa si Mang Goryo dahil sa labis na tuwa. Naiyak na lamang siya hanggang sa dalhin siya ni Piolo sa tahanan nito, kung saan agad naman siyang sinalubong ng mapagmahal din nitong pamilya. Pakiramdam ni Mang Goryo ay naibsan ang lahat ng kalungkutan niya dahil doon. Salamat kay Piolo, na alam ang salitang ‘utang na loob’ na siyang nagbigay sa kaniya ng panibagong pag-asang mabuhay.

Advertisement