Nakita ng Guwardiyang Ito ang Ginagawang Pagtataksil ng Among Babae sa Asawa Nitong Baldado; Pera ang Itatapat Nito sa Kaniyang Katahimikan
Nanlaki ang mga mata ng guwardiyang si Rick nang sa hindi inaasahang pagkakataon ay nahuli niya ang kaniyang among babae, habang kahalikan nito ang assistant ng asawa nitong kagagaling lamang sa isang aksidente, kaya ngayon ay isa nang baldado. Ganoon din ang naging gulat nang mga ito nang bigla siyang makita ng mga ito.
“K-kanina ka pa ba d’yan, R-Rick?” nauutal na tanong sa kaniya ng among babaeng si Madam Lilia, kung kanilang tawagin. Dahil doon ay agad namang napayuko si Rick at hindi alam ang isasagot. “K-kung ano man ’yong nakita mo, t-tumahimik ka na lang, p’wede? Walang dapat na makaalam no’n. H-huwag kang mag-alala, hindi ba’t kaninang umaga’y bumabale ka sa akin dahil sabi mo ay nasa ospital ang anak mo? Bibigyan kita ng malaking halaga, pambayad sa ospital at pang-negosyo, basta huwag mo lang ipagsasabi ito…” mahabang pakikipag-usap pa sa kaniya ni Madam Lilia, na agad na ikinagulat ni Rick.
Kilalang kuripot ang amo niyang ito. Sa totoo lang ay sinigawan pa siya nito kaninang umaga dahil ayaw nitong magpabale, kaya nga kanina ay problemadong-problemado siya…kaya nga bago dumating ang amo niyang ito, pati na rin ang kalaguyo nito at maghalikan sa harap niya ay kinukuhanan niya ng video ang sarili upang sana’y i-post ’yon sa Facebook bilang paghingi ng tulong. Tuloy ay nakuhanan niya ng video ang lahat, nang hindi sinasadya!
Hindi sumagot si Rick nang ilang saglit sa kaniyang amo. Masiyado siyang nagugulat sa lahat ng pangyayari. Noong isang linggo lamang ay naaksidente ang amo niyang si Mr. Herrera, na siyang naging dahilan kung bakit ngayon ay naka-wheelchair ito at baldado na ang mga paa. Isang malaking palaisipan pa kung papaanong bigla na lamang sumabog ang sasakyan nito, kaya naman ngayon ay hindi napigilan ni Rick ang maghinala kung may kinalaman ba si Madam Lilia sa nangyari.
“S-sige po, madam, pumapayag na po ako,” sabi ni Rick. Hindi niya kayang tanggihan ang alok nito, lalo pa at buhay ng kaniyang anak ang nakasalalay rito.
Mabilis namang ibinigay sa kaniya ni Madam Lilia ang perang nagkakahalaga ng tumataginting na kalahating milyon, bilang pantapal sa kaniyang bibig. Nanginginig pa si Rick nang dalhin niya ’yon sa kaniyang asawang mabilis namang nagulat nang iyon ay ipakita niya! Dahil doon ay napilitan siyang sabihin na lamang dito ang totoo kung bakit siya binigyan ng ganoon kalaking halaga ng kaniyang amo!
“Galing sa masama ’yang perang ’yan, Rick! Pagkatapos ay ’yan ang gusto mong ipambuhay sa pamilya natin?! Isauli mo ’yan!” galit na turan ng asawa niya.
“Pero, malaking tulong na ’to sa anak natin, mahal. Saan tayo kukuha ng perang ipambabayad natin para maoperahan siya?” tanong naman ni Rick sa asawa.
Akmang sasagot na sana ito nang biglang pumasok sa silid ng kanilang anak ang isang doktor. Doon ay ibinalita nito sa kanila na binayaran na ni Mr. Herrera ang operasyon ng kanilang anak kaya maaari na raw nila ’yong umpisahan.
Dahil doon ay inatake ng matinding pangongonsensiya si Rick. Sa kabila ng kalagayang kinahaharap ngayon ni Mr. Herrera ay nagawa pa rin siya nitong tulungan, pagkatapos siya ay naisip pang tanggapin ang perang itinapal sa kaniya ng among si Madam Lilia upang patuloy nitong magawang pagtaksilan ang asawa.
Dahil doon, nang gabi ring ’yon ay muling bumalik si Rick sa tahanan ni Mr. Herrera at direktang kinausap ang among lalaki. Dala ang video na nakunan niya noong mahuling kahalikan ni Madam Lilia ang kalaguyo nito, pati na rin ang perang ibinigay sa kaniya ng nasabing asawa ng amo ay isiniwalat niya sa kaniyang boss ang lahat!
“Sinasabi ko na nga ba!” galit na ani Mr. Herrera na napahampas pa sa kaniyang mesa. Tumatahip ang dibdib nito at napatayo pa mula sa pagkakaupo sa kaniyang wheelchair na agad namang ikinagulat ni Rick!
Doon niya nalaman na hindi pala totoong baldado na ito, dahil isa lamang iyong patibong upang mahuli niya kung sino ang taong may masamang balak sa kaniya…at ayon sa lumabas sa imbestigasyong palihim nitong isinagawa ay ang asawa nga niya, pati na rin ang assistant niyang kalaguyo nito ang siyang may sala!
Laking pasasalamat ni Mr. Herrera kay Rick, dahil sa wakas ay may matibay nang ebidensiya laban sa kaniyang asawa. Dahil doon ay hindi na nito kinuha pa sa kaniya ang kalahating milyong pisong pantapal sana ng asawa nito para sa pananahimik niya. Dahil kasi sa ebidensiyang ibinigay niya sa kaniyang amo, ngayon ay himas rehas na ang dalawang traydor!