Inday TrendingInday Trending
Inilayo Noon ng mga Magulang ang Babae sa Binatang Mahirap; Makalipas ang Ilang Taon ay Muli Silang Pagtatagpuin ng ‘Kapilas na Puso’

Inilayo Noon ng mga Magulang ang Babae sa Binatang Mahirap; Makalipas ang Ilang Taon ay Muli Silang Pagtatagpuin ng ‘Kapilas na Puso’

Isang umaga, napansin ni Agnes na may kausap sa gate ang kaniyang kasambahay nang dumungaw siya sa bintana.

“Sino kaya ‘yung kausap ni Manang Yolly?” tanong niya sa isip.

Pagkatapos makipag-usap ang matanda ay agad na itong pumasok sa loob.

“Bakit hindi mo man lang pinapasok dito ‘yung kausap mo, manang?” usisa niya.

“Nagmamadali kasi, ma’am, eh. Pero ipinabibigay niya ito sa inyo,” sagot ng kasambahay saka iniabot sa kaniya ang ibinigay ng kausap nito.

Nang makita ito ni Agnes ay kilala na niya agad kung sino ang nagbigay…

“Huh! Kapilas ng puso? Kung ganoon, siya si Albert?” sambit niya sa sarili.

Magkahalong lungkot at kaligayahan ang nadama ni Agnes sa mga sandaling iyon.

“Pero bakit niya isinauli? Hindi na kaya siya malaya, o ito’y tanda ng kaniyang pag-ibig? Ah, parang kailan lang,” aniya.

At muling nagbalik sa alaala niya ang nakaraan.

Magkaklase sila noon ni Albert sa hayskul. Pareho sila ng pinapasukang eskwelahan. Araw noon ng mga puso at may aktibidad sila sa klase.

“Class, ang unang makakita ng kaniyang kapareha ay siyang tatanghaling Mister and Miss Valentine at magkakamit ng gantimpala,” sabi ng kanilang guro.

Sabik ang mga mag-aaral sa anunsyong iyon ng kanilang guro. Unahan sa paghahanap ng kani-kanilang kapareha ang bawat isang estudyante.

“Dali, baka siya na ang aking kapareha!” masaya niyang sabi nang makita ang kalahating puso na hawak noon ng binatilyong si Albert.

At ‘di nga siya nagkamali, hawak nito ang kalahating puso at walang anu-ano’y…

“Ma’am, here it is!” sabi ng binatilyo saka ipinagdikit ang kanilang mga hawak na puso. “Lalagyan ko ito ng dedication, tanda ng ating pagkakaibigan, Agnes,” saad pa nito.

Natuwa naman ni Agnes sa sinabi ni Albert. Noon pa man ay may pagtingin na siya rito. Napaka-kyut kasi nito, mukhang Koreano sa sobrang singkit ng mga mata at mamula-mula pa ang kutis. Sa madaling salita, napaka-guwapo!

“Ako rin, at pakakaingatan natin ang mga ito, ha?” kinikilig naman niyang sagot.

Sa gulang nila noon ay hindi pa nila alam ang pag-ibig, ngunit sa kanilang puso’y naroroon ang pag-aalala at pagbibigayan.

“Hati na tayo sa baon ko,” sabi niya isang araw na wala itong baon.

“Nakakahiya na sa iyo. Palagi mo na lang akong binibigyan ng iyong baon. Kailan kaya ako makakabayad sa iyo?” tanong ni Albert.

Sa kanilang dalawa ay siya ang mas nakakaangat sa buhay, kaya naaawa siya rito kapag nakikitang walang dalang baon. Mahirap lang ang mga magulang ni Albert, labandera lang ang nanay nito at construction worker naman ang tatay. Ang totoo’y nagtitipid ang binatilyo, imbes na gastusin ang pera sa baon ay iniipon na lang nito para pang-matrikula.

“Hindi naman kita sinisingil, a!”

“Singilin mo man ako’y wala naman akong ibabayad sa iyo, eh,” natatawang sabi nito.

Maya maya ay biglang nakaramdam ng lungkot si Albert.

“Sana mayaman rin kaming tulad niyo, para ‘di na maglalabada ang nanay, para hindi na nagkakandakuba sa pagko-construction si tatay, at ako nama”y hindi na kailangang maging katulong sa karinderya ng aking amo para mabuhay at makapag-aral,” anito.

“Masuwerte ka pa nga at nakakapag-aral ka pa… at saka ang tali-talino mo pa!” tugon niya.

“Talagang nagsisikap ako, iyon lang kasi ang paraan upang mahango kami sa kahirapan,” sabi ni Albert.

‘Di nagtagal ay nagpaalam na siya rito.

“Ay, naku! Tiyak na hinihintay na ako ni mommy,” aniya nang makita ang orasan sa kaniyang bisig.

“Sige na, baka kagalitan ka naman sa inyo.”

Pag-uwi nga sa bahay nila…

“Bakit ngayon ka lang?” tanong ng mommy niya.

“Kasi po’y nagkaroon pa kami ng Valentine party sa school kaya hindi po ako naka-uwi agad.”

“Akala ko’y nakipagkuwentuhan ka na naman sa anak mahirap na iyon,” sagot ng kaniyang ina.

“N-Naku, hindi po,” pagsisinungaling niya.

Ayaw kasi ng mommy niya na nakikipagkaibigan siya sa mga mahihirap, mga ‘di nila ka-uri. Alam nitong galing sa mahirap na pamilya ang binatilyo kaya pilit siya nitong pinapaiwas rito.

Kaya nga kapag nagkukuwentuhan sila sa eskwela’y ping-uusapan nila ang tungkol doon.

“Ewan ko nga ba kay mommy…ang bait-bait mo nga, kung bakit pinagbabawalan niya akong makipagkaibigan sa iyo,” sabi niya.

“Talagang ganoon, ‘di ba? Ang prinsesa’y pinagbabawalan na makisalamuha sa mga alipin,” sagot naman ni Albert. “Kaya ako’y magsisikap, ayokong maging mahirap habang buhay. Ipapakita ko na ang isang mahirap na tulad ko’y maaaring makaahon sa pagkabusabos,” saad pa nito.

Maya maya ay…

“Magaling! Sinasabi ko na nga ba!” galit na sabi ng mommy niya nang makita silang magkasama. Palihim itong pumunta sa eskwelahan para masiguro na sinusunod nga niya ito.

Mariin siya nitong kinurot sa tagiliran niya.

“Aray ko po!”

Pag-uwi sa bahay nila…

“Tamang-tama, magtatapos ka na sa hayskul at kami naman ng mommy mo’y madedestino na sa Amerika kaya doon na tayo maninirahan,” wika ng kaniyang ama.

“Mabuti naman…dahil ngayon pa lang ay kinakabahan na ako sa anak mong iyan. Labis na malapit sa dukhang iyon,” sabad ng mommy niya.

At nang makagradweyt siya sa hayskul ay tuluyan na siyang dinala ng kaniyang mga magulang sa Amerika, malayo kay Albert.

Muling nagbalik ang kaniyang gunita sa kasalukuyan. Dalawampung taon na pala ang nakakalipas, bumalik lamang siya sa Pilipinas matapos sumakabilang buhay ang kaniyang mga magulang sa aksidente.

“Kaya ako’y ‘di natutong umibig sa ibang lalaki ay dahil sa iyo, Albert,” bulong niya sa isip.

Kinaumagahan ay araw muli ng mga puso. ‘Di niya inasahan ang bisitang dumalaw sa kaniya – si Albert.

“Napakahirap limutin ng unang pag-ibig, Agnes. Ikaw ang inspirasyon ko sa lahat ng aking pagsisikap,” pagtatapat nito.

Napagtanto ni Agnes na may pagtingin din pala sa kaniya ang binata. Pareho pala sila ng nararamdaman sa isa’t isa.

“Ako rin, Albert. Kay tagal kong inasam ang pagkakataong ito,” tugon niya.

Bukod sa bulaklak ay may dala pa itong kapilas ng puso. Ang isa pang kapilas na ibinigay nito nung isang araw ay muli nilang pinagtambal. Pinagdikit nila ang magkapilas na puso.

“Talagang tayo ang magkapalad, mahal ko. At ito’y pinatunayan ng magkapilas na pusong ito,” sambit pa ng binata.

“At iyan ay nangangahulugan na tayo’y hindi na magkakahiwalay pa kahit na kailan,” sagot niya.

Matiyaga palang naghintay si Albert sa muli niyang pagbabalik. Habang ipinagpatuloy niya ang pag-aaral sa Amerika ay itinuloy din nito ang pag-aaral sa kolehiyo hanggang sa nakapagtapos din at nagkaroon ng magandang trabaho. Si Albert ay isa nang matagumpay na negosyante gaya niya. Naiahon na rin nito sa hirap ang mga magulang at mayaman na rin ito ngayon.

Dahil wala nang hahadlang pa sa kanilang pag-iibigan ay maligayang-maligaya na ang kanilang mga puso. Makalipas ang ilang buwan ay nagpasiya na silang magpakasal upang bumuo ng sarili nilang pamilya na matagal na nilang pinangarap.

Advertisement