“Grabe, asensado ka na, Miguel! Baka naman kapag tuluyan ka nang yumaman ay makalimutan mo na ako, ha?”
Napailing si Miguel sa tinuran ng tiyahin nang mapadaan ito sa ipinagagawa niyang water refilling station. Ito kasi ang naisip niyang gawing negosyo nang siyaʼy makakuha ng puhunan mula sa kaniyang separation pay sa inalisang kumpanya, kung saan inilaban niya pa sa korte dahil ilegal ang ginawang pagtatanggal ng mga ito sa kaniya.
Ang tiyahin niyang ito ang isa sa mga hiningian niya ng tulong noong mga panahong walang-wala sila ng mga kapatid niya, ngunit ni hindi man lamang ito nagpahiram ng kahit singkong duling man lamang, dahil anitoʼy wala naman daw silang ibabayad.
Hindi pinansin ni Miguel ang tiyahin. Kabastusan man kung ituring ay tiniis na lamang niya ang kaniyang konsensiya, laloʼt malaki ang galit niya rito dahil pinagmalupiyan din nito ang kaniyang mga kapatid noon sa tuwing siyaʼy wala at nasa trabaho.
Wala na kasi ang kanilang mga magulang na namayapa sa magkasunod na taon noong highschool pa lamang si Miguel, kaya naman simula noon ay siya na ang nag-alaga sa tatlo niyang kapatid na nakababata.
“Abaʼt hindi na namamansin, suplado!” anang kaniyang Tiya Franchesca nang mga sandaling iyon. “Abaʼy hindi ka pa man umaasenso, ganiyan ka na kung makaasta? Akala mo kung sino!” hiyaw pa nito.
“Wala naman ho akong sasabihing maganda sa inyo, tiyang. Kaya mas mabuting hindi na lang ako magsalita,” mahinahon at puno ng pagpipigil namang sagot na lamang ni Miguel.
“Talagang mayabang ka na nga. Isinusumpa ko, hinding-hindi aasenso ang kahit anong negosyong sisimulan mo! Hindi hamak namang mas matalino sa ʼyo ang anak ko,” pagmamayabang pang anito bago siya talikuran upang lumayo.
Hindi pinansin ni Miguel ang sinabi ng tiyahin. Bagkus ay mas pinag-igi niya ang kaniyang ginagawa. Naging mas matinding determinasyon sa kaniya ang ginagawang panlalait at pangmamata sa kanila ng tiyahin kaya naman lalo siyang nagsumikap.
Dahil doon, nang makaipong muli mula sa kita sa water refilling station at sumubok naman siyang magdagdag muli ng negosyo. Ang pagtatayo ng computer shop na noon ay mabilis ding lumago!
Hindi nagkatotoo ang sumpa ng kaniyang tiyahin. Tila bumalik pa nga sa mga ito ang kaniyang sinabi dahil unti-unting lumubog sa buhay ang pamilya ng mga ito, habang sina Miguel naman ay umaasenso.
“Para talagang gulong ang buhay. Minsan, nasa baba ka, minsan nasa itaas. Kaya dapat, huwag tayong maging kampante dahil hindi natin alam kung kailan tayo babagsak at kung kailan tayo aangat,” iyon ang palagi niyang paalala sa kaniyang mga kapatid na palagi rin naman nilang isinasapuso, kaya katulad niya ay tumanda rin silang madidiskarte at magagaling sa buhay.
Samantala, wala nang mukhang maiharap pa ang kanilang tiyahin sa tuwing daraan ito sa kanilang patuloy na lumalagong negosyo. Palagi na lamang may inggit ang mga tingin nito na ayaw man nitong ipahalata ay nakikita pa rin nang malinaw sa kaniyang mukha. Natuto ito ng leksyon, kung sana ay naging mabuti lamang siya sa kaniyang mga pamangkin, disin sanaʼy naging mabubuti rin ang pakikitungo ng mga ito sa kaniya. Palibhasa kasi, alam niyang mababait ang mga ito, akala niya ay hindi siya kayang tiisin, ngunit nagkakamali siya.
Laking pagsisisi ni Tiya Franchesca sa kaniyang mga binitiwang salita noon kina Miguel at sa kaniyang mga kapatid. Dinanas na niya ang karma ng kaniyang mga salita na tila bolang tumalbog lang muli pabalik sa kaniya. Ngayon tuloy ay siya ang naghihirap. Ang bumagsak at hindi umasenso. Ang anak niya ay isang magiting na istambay na puro hingi lamang alam. Ang asawa niya ay nalulong sa bisyo at sugal at ngayon ay nabubuhay na lamang siya sa utang. Katulad ng buhay noon ng magkakapatid na hindi man lang niya kinaawaang tulungan kaya ngayon ay hindi rin siya nagawang bahaginan ng kanilang natatamasang tagumpay.
Isang araw ay lumapit si Tiya Franchesca sa kaniyang mga pamangkin, hindi upang umutang kundi upang humingi ng sinserong patawad. Halos maglumuhod siya sa harap ng mga ito, ngunit nagulat siya nang bigla nila siyang pigilan.
“Matagal na ho namin kayong pinatawad. Napagbayaran nʼyo na ho ang kasalanang nagawa nʼyo. Ang totoo ay handa kaming tumulong sa inyo, anumang oras. Hinihintay lamang naming kayo ang lumapit.” Hinimas ni Miguel ang kaniyang likuran.
Doon ay naiyak si Tiya Franchesca. Sana, noon pa siya natutong umamin sa kaniyang pagkakamali.