Inday TrendingInday Trending
Iniwan Sila ng Ina sa Kalagitnaan ng Kahirapan; Ngayong Umasenso Silaʼy Gusto Silang Balikan!

Iniwan Sila ng Ina sa Kalagitnaan ng Kahirapan; Ngayong Umasenso Silaʼy Gusto Silang Balikan!

“Papa, may ipakikita po ako sa inyo,” isang tanghaliʼy anang panganay na anak ni Gabriel sa kaniya, pagkauwi niya noon galing trabaho.

“Ano ʼyon, anak?” agad namang tanong niya.

“Iniwan na tayo ni mama, ʼpa… may iba na siya,” ang lumuluha nang pagsisiwalat ng panganay niyang si Ezra, na agad namang nakapagpalingon sa ama.

Napakunot ang noo ni Gabriel. “Anak, paano mo nasabi ʼyan? Huwag mong paratangan ng ganiyan ang iyong ina. Mahirap maging OFW!” tanong pa niya sa kaniyang panganay.

“Hindi, papa, iniwan na tayo ni mama. May iba na siya!” ngunit giit pa rin nito.

“Anak, ano ka ba? Huwag ka nang magsalita nang ganiyan. Magagalit na ako sa iyo!”

“May iba na nga si mama, ʼpa! Nabuksan ko po ang account ni mama at may nakita po ako roon…” sagot pa rin ng anak niya sabay abot nito sa kaniya ng cellphone upang ipakita sa kaniya ang mga conversation ng ina at ng kalaguyo nito. Maging ang ilang malalaswang litrato nito ay naroon din, habang silang pamilya nitoʼy naka-block sa naturang account.

Iyon pala ang dahilan kung bakit buhat nang maglimang buwan ito bilang OFW sa Saudi ay hindi na muli pang kumontak sa kaniya ang misis na si Lyka.

Halos gumuho ang mundo ng buong pamilya ni Gabriel sa kanilang nalaman. Nang mga sandaling iyon ay pinilit nilang magpakatatag. Nangako ang padre de pamilyang pagsisikapan niyang buhayin ang kaniyang mga anak nang maayos, kahit siya na lang mag-isa.

Sa kabila ng kawalan ng suporta mula sa ilaw ng tahanan ay hindi rin naman naging ganoon kahirap ang buhay ng mag-anak. Naging mabuting ama naman si Gabriel. Kung anu-anong mga trabaho ang pinasok nito, basta legal. Construction worker sa umaga, habang nagtitinda naman ito ng balut, penoy, sitsaron at mani sa gabi. Kapag sabadoʼt linggo ay nakikipasada rin ito ng tricycle sa isang kakilala, pandagdag kita.

Talagang napakasipag nito kayaʼt ganoon na lamang din ang pagsisikap ng kaniyang mga anak sa pag-aaral, lalong-lalo na ang kaniyang panganay na kahit nagwo-working student ay nananatiling masipag at matayog ang pangarap.

Ang naging resultaʼy nakapagtapos ito ng kolehiyo at nagkamit ng pinakamataas na karangalan, bilang isang Arkitekto!

Hanggang sa nagsunod-sunod nang nagsipagtapos ng kolehiyo ang tatlong anak ni Gabriel.

Dahil doon ay unti-unting naging maayos ang kanilang buhay. Sinigurado ng magkakapatid na magiging maganda at magaan na lamang ang buhay ng kanilang ulirang ama sa pamamagitan ng kanilang pagsisikap.

Ngunit tila, kahit anong gawin ng magkakapatid ay hindi pa rin nila mapalis ang lungkot na nadarama ng kanilang ama, dahil sa pangungulila sa nag-iisang babaeng minahal nito… ang kanilang ina, na nagawa silang iwan sa kasagsagan noon ng kanilang paghihirap.

“Alam nʼyo bang nakakausap ko si mama?” minsan ay pagsisiwalat ng bunso sa magkakapatid na anak ni Gabriel. “Humihingi siya ng tawad sa atin at gusto niya tayong balikan,” dagdag pa nito.

“Para saan pa?!” Nahampas ni Ezra ang mesa. “Ngayong nakikita niyang umaasenso na tayo, saka siya babalik? Bakit? Dahil gusto niyang mamasasa sa mga naipupundar natin?!” sigaw pa ng babae.

Napabuntong-hininga na lang ang magkakapatid sa naisip na dahilan ng kanilang ina… nang maalala nila ang pangungulila ng ama nila rito.

“Pero para kay papa, handa akong magbigay ng ikalawang paglakataon…” ani Ezra sa mga kapatid.

“Ako rin, basta patunayan ni mama na hindi na niya muli pang-iiwan ang papa,” malambing na saad naman ng pumapangalawa sa kaniya.

Dahil doon ay nagplano ang magkakapatid. Nakipag-usap sila sa kanilang ina. Hindi naiwasang magkaroon ng sumbatan at paglalabas ng sama ng loob, ngunit ang lahat ng iyon ay tinanggap ng kanilang ina at inamin ang kaniyang pagkalamali.

Binuksan ng magkakapatid ang kanilang mga puso para sa ina at sa kaarawan ng kanilang ama ay inihanda nila ang pinakainaasam nitong regalo…

Lubos ang naging paghingi ng tawad ni Lyka sa asawang si Gabriel nang sila ay muling magkita, ngunit imbes na galit at sumbat ang ipakita nitoʼy isang mahigpit na yakap ang isinalubong nito sa kaniya.

Ipinakita ni Lyka ang kaniyang labis na pagsisisi. Bumawi siya ng pag-aasikaso sa kaniyang asawaʼt mga anak na noon ay nagawa niyang iwanan dahil sa tukso. Ngunit kailan man ay hindi naman niya sila nakalimutan. Dalawang taon matapos niyang makipagrelasyon sa iba ay iniwan niya rin ang kalaguyo dahil gusto na niyang makasama ang kaniyang pamilya. Kaya lang ay inunahan siya ng takot at hiya sa kaniyang sarili. Mabuti na lamang, pinalaki ni Gabriel na hindi mapagtanim ng galit ang mga anak at nagawa nila siyang patawarin.

Advertisement