Napansin ng Guwapong Doktor na Laging Nagpapakonsulta sa Kaniya ang Isang Kaakit-akit na Ginang Kahit Wala Namang Sakit; Magpatangay Kaya Siya sa Tukso?
“Dok Arnold, nariyan na naman si Mrs. Alegre. Papasukin ko ba?”
Napabuntung-hininga si Dok Arnold sa kaniyang sekretarya. Nariyan na naman ang kaniyang pasyenteng si Mrs. Alegre na halos araw-araw kung magpunta sa kanilang ospital para magpacheck up. Kahit na sinabi na niyang walang problema sa kaniya, lagi pa rin itong nagpupunta para ireklamo ang pananakit ng ulo, tiyan, likod, at marami pang iba.
Wala namang kaso sa kaniya dahil pera naman nito ang nawawaldas, at kung tutuusin, pabor ito sa kaniya para sa doctor’s fee, subalit napapansin niyang masyadong mapang-akit ang ginang: kahit nasa 40 taong gulang na ito, napakaseksi kung manamit, at talaga namang kaakit-akit, lalo na ang malalaki at mapipintog nitong dibdib. Subalit pinipigilan ni Dok Arnold ang kaniyang sarili sa tukso lalo na’t may asawa na ito, at natatakot siyang mawalan ng propesyon na matagal na panahong niyang pinaghirapan, lalo na ang kaniyang mga magulang.
Sino ba naman kasi ang hindi nakakikilala kay Dok Arnold Manzula na siyang pinakamahusay at pinakaguwapong doktor sa ospital na iyon? Crush ng bayan si Dok Arnold dahil sa simpatiko at gym fit nitong pangangatawan, matalino at mabait din kasi ito. Marami sa mga nurses ang kinikilig kapag naitatalaga kay Dok Arnold para umasiste, gayundin naman ang mga pasyente, lalo na ang mga babae.
“Sige papasukin mo siya,” sabi na lamang ni Dok Arnold.
Maya-maya, pumasok na nga si Mrs. Alegre. Napalunok na lamang si Dok Arnold. Bagama’t medyo pormal ang suot nitong puting blouse, manipis naman ito kaya bakat na bakat ang bra nito gayundin ang dibdib. Kitang-kita ang kaputian at balingkinitan nitong pangangatawan. At isa pa, nagpakulay ito ng buhok. Para itong Amerikana. Bumagay naman dahil nga sa kutis nito.
Tao lamang din si Dok Arnold, “marupok” ‘ika nga nila, subalit nangibabaw ang kaniyang pagtitimpi, kahit na alam niyang kursunada siya ng ginang, ayaw naman niyang patulan ang sitwasyon. Alam niyang maimpluwensiya ang mister nito.
“Hi Dok…” bati sa kaniya ni Mrs. Alegre. Mapang-akit ang mga mata nito, at may pagkagat pa sa pang-ibabang labi.
“H-Hello, Mrs. Alegre. N-Napadalaw ka ulit? Something wrong again?” nauutal na tanong ni Dok Arnold. Nakatingin lamang siya sa magandang mukha nito at iniiwasang mapatingin sa nagwawala nitong dibdib.
“D-Dok, hindi kasi ako makahinga. Parang may problema sa dibdib ko. Pacheck naman po…”
Iyan na nga ba ang sinasabi ni Dok Arnold. Tila parang tinutukso at inaakit siya ng ginang. Subalit kailangan niyang magpakatatag. Hindi dapat at mali ang kaniyang iniisip. Hindi niya puwedeng sunggaban ang palay na lumalapit sa manok, dahil may nagmamay-ari na nito; kahit na katakam-takam para sa manok ang maganda at masarap na palay.
“Sige po, upo po kayo at i-check natin,” utos ni Dok Arnold. Kinuha niya ang stethoscope. Walang ano-ano’y inalis na ni Mrs. Alegre ang pagkakabutones ng kaniyang dibdib.
Nanginginig ang mga palad ni Dok Arnold. Dama niya ang lambot ng dibdib ni Mrs. Alegre. Narinig niya ang malakas na pintig ng puso nito.
“Ang bilis po ng pintig ng puso ninyo,” turan ni Dok Arnold.
“Oo dok. Ganiyan iyan kabilis kapag nakikita kita.”
Sukat niyon ay tumayo si Mrs. Alegre. Hinawakan nito ang kamay ni Dok Arnold at pilit na inilalagay sa kaniyang dibdib. Napatayo rin si Dok Arnold at napaurong hanggang sa mapunta sila sa dingding. Inilagay ni Mrs. Alegre ang kaniyang kanang palad sa dibdib ng guwapong doktor.
“Dok, hindi pa ba halata? Gusto kita. Alam kong gusto mo rin naman ako. Ano pa bang hinhintay mo?”
“Mrs. Alegre, kumalma po kayo. Hindi po puwede ang gusto ninyong mangyari. May asawa na po kayo…”
“Hindi naman niya malalaman… sige na…”
Subalit naitulak at napalakas ang pagkakatulak ni Dok Arnold kay Mrs. Alegre, dahilan para mapatimbuwang ito sa sahig.
“P-Pasensiya na po kayo misis… hindi ko ho sinasadya…”
Naging mabalasik ang anyo ni Mrs. Alegre. Agad itong tumayo, pinagpag ang damit, lumabas, at nagsisisigaw sa pasilyo ng ospital.
“Tulong! Tulong! Pinagbabalakan ako nang masama ng doktor na ito! Tulong!” histerya ni Mrs. Alegre. Ipinakita pa niyang nakakalas sa pagkabutones ang kaniyang damit. Nataranta naman ang lahat, lalo na si Dok Arnold sa paratang ng ginang.
“Hindi totoo iyan. Kahit tingnan ninyo ang CCTV.”
May CCTV pala sa loob ng tanggapan ni Dok Arnold. Isinuri ito ng mga opisyal ng ospital. At kitang-kita roon ang katotohanan. Napahiya naman ang ginang dahil sa kaniyang paratang sa doktor. Hindi na siya kailanman nagpakita roon dahil wala na siyang mukhang ihaharap sa lahat.
Ipinagpapasalamat na lamang ni Dok Arnold na hindi siya nagpatangay sa tukso dahil tiyak na problema lamang ang maidudulot nito.