Inday TrendingInday Trending
Tila sa Bunsong Anak na Babae na Inaasa ang Lahat ng Pinansyal na Pangangailangan ng Kanilang Pamilya; Habambuhay na ba ang Obligasyon Niya sa Kanila?

Tila sa Bunsong Anak na Babae na Inaasa ang Lahat ng Pinansyal na Pangangailangan ng Kanilang Pamilya; Habambuhay na ba ang Obligasyon Niya sa Kanila?

“Coring, wala pa akong suweldo. baka puwede namang ikaw muna ang sumagot ng gatas ni Baby Dylan? Babayaran ko na lang sa iyo kapag nakaluwag-luwag na.”

Iyan ang bungad ng kuya ni Corina nang umuwi siya mula sa trabaho. Ni hindi pa nga niya nailalapag ang kaniyang bag.

“Ganoon ba? Bakit, wala bang pera si Ate Maybeline?” tanong ni Corina. Si Maybeline ang misis ng kaniyang Kuya Anselmo, na kahit may sarili nang pamilya, ay sa kanila pa rin nakapisan.

“Naku, wala rin eh. Hindi pa raw sila napapasuweldo ng kompanya nila. Saka marami kaming binabayarang utang dahil nga sa magarbong kasalan namin. Pasensiya ka na ha,” paghingi ng paumanhin ni Kuya Anselmo.

Tumango lamang si Corina. Ngumiti ito.

“Okay lang. Kahit huwag ninyo na bayaran, para naman kay Dylan eh,” pilit na ngumiti si Corina. Si Dylan ang kaniyang pamangkin.

“The best kapatid ka talaga bunso eh! Salamat ha?” pasasalamat ni Kuya Anselmo.

Maya-maya, nariyan na ang kanilang inang si Aling Magda.

“Coring, heto na pala ang bills natin. Dalawang buwan na itong sa kuryente, tapos itong sa tubig, dalawang buwan na rin. Hindi pa naman tayo mapuputulan sa kuryente kasi wala pang disconnection notice, pero itong tubig ang kailangan mong abatan kasi mabilis sila mamutol,” saad ni Aling Magda.

“Ako? Bakit ako, Ma? Hindi ba si Kuya Darwin ang magbabayad niyan?” nagtatakang tanong ni Corina. Si Kuya Darwin ang pangalawang anak.

“Naku, bumili raw kasi siya ng sapatos para sa trabaho niya. Saka na lang daw siya babawi kapag natanggap siya roon sa bago niyang inaplayan. Hayaan mo na. O, ipaghahain na ba kita? Kain ka na, kumain na kami eh…”

“Maliligo po muna ako,” sabi ni Corina.

“Sige, ipag-iinit kita ng tubig.”

Subalit nang pihitin ni Aling Magda ang kanilang kalan, wala nang lumabas na apoy. Inulit niya ulit, subalit wala na talaga.

“Anak, Coring… wala na yata tayong LPG. Mabuti na lang at nakasaing na ako at nakaluto ng ulam,” nahihiyang sabi ni Aling Magda.

“Sige ho, kontakin na po ninyo sila Mang Gusting at magpadeliver na ho kayo,” sabi ni Aling Corina habang inihahanda ang kaniyang mga damit-pambahay.

Bantulot na lumapit sa kaniya ang ina.

“Eh, kuwan… kasi anak… medyo kapos na tayo sa budget. Ang mahal kasi ng mga bilihin ngayon. Hindi pa kasi nagbibigay ang mga kuya mo dahil kapos sila. Baka may extra ka riyan…”

Napatingin na lamang si Corina sa kaniyang ina. Gusto niyang itanong dito kung kailan ba nagbigay ng panggastos sa bahay ang kaniyang mga kapatid na lalaki subalit baka magdamdam ito. Kinuha na lamang niya ang kaniyang pitaka mula sa loob ng bag. Mabuti na lamang at may naitatabi pa siyang 1000 piso. Iniabot ito sa kaniyang ina.

“Salamat Coring… pasensiya ka na talaga.”

Gaya ng dati, isang tango lamang ang itinugon ni Corina. Pumasok siya sa loob ng kuwarto at pabagsak na nahiga sa kaniyang kama.

Gusto niyang isumbat sa kaniyang pamilya, lalo na sa kaniyang mga kapatid, na sana naman ay tulungan siya ng mga ito sa mga gastusin sa bahay. Nang mag-asawa kasi ang kaniyang Kuya Anselmo, wala na itong bukambibig kundi ang pagbabayad nito ng utang sa magarbo nitong kasal. Hindi na natapos-tapos. Ang Kuya Darwin naman niya, naghahanap lagi ng trabaho, pero may panahong magbulakbol at magsaya kasama ang barkada.

Siya, na naturingang bunso at pinakaresponsable sa kanilang magkakapatid, ang maituturing na breadwinner ngayon, dahil nga naman single siya at malaki-laki ang kaniyang suweldo sa kompanyang pinagtatrabahuhan. Subalit may hanggahan din ang lahat. Gusto niyang isumbat sa pamilya na may sarili din naman siyang buhay na kailangang asikasuhin at intindihin. Gusto na niyang magpakasal sa kasintahan subalit lagi niyang binabanggit ang obligasyon niya sa pamilya, na ipinangako niya sa kanilang ama, bago ito mawala sa mundo.

Pagkapaligo, nag-video call sina Corina at ang kasintahang si Edwin. Inaaya na siya nitong magsama na sila bago magpakasal.

“Hihintayin ko ang sagot mo ha?” sabi sa kaniya nito.

Nang sila ay kumakain na, nagpaalam siya sa kaniyang pamilya sa balak niya kasama ang kasintahan. Unang-unang nagalit ang kaniyang Kuya Anselmo.

“Naririnig mo ba ang sinasabi mo, Corina? Papayag ka na ibahay ng lalaking iyon? Paano kung hindi ka pala pakasalan sa dulo? Ano iyon, lalaspagin ka muna?” saad ni Kuya Anselmo.

“Hindi ganoon si Edwin, Kuya. Saka nasa tamang edad na naman na ako. May karapatan akong gawin kung ano ang gusto kong gawin sa buhay ko,” sagot ni Corina.

“At paano ang obligasyon mo sa pamilya? Kay Mama?”

“Kuya, may obligasyon ako kay Mama, pero sa inyo… wala na akong obligasyon. Kung tutuusin nga, dapat nakabukod ka na eh dapat may sarili ka nang pamilya. Hindi mo na dapat inaasa sa akin ang gastusin ninyong mag-asawa. Sana naman mahiya kayo sa akin. Hindi naman porket bubukod na ako eh matatapos na ang obligasyon sa pamilyang ito. Para sa ikatatahimik ninyo, sige magbibigay pa rin ako ng panggastos dito.”

Tumayo si Corina at pumasok sa kaniyang silid. Sinundan naman siya ni Aling Magda na umiiyak.

“Anak, patawarin mo kami kung sa pakiramdam mo, naiasa na namin sa iyo ang lahat. Gawin mo ang gusto mong gawin sa buhay mo. Malaya ka,” nakangiting sabi ni Aling Magda. Niyakap naman siya ni Corina.

Pagkaraan, lumapit din si Kuya Anselmo.

“Patawarin mo ako Corina. Mali ang mga nasabi ko. Tama ka. Hindi mo na kami obligasyon. Nakalimutan naming may sarili ka ring buhay.”

Bumukod na rin si Corina at sumama na kay Edwin; pagkaraan lamang ng ilang buwan, sila ay ikinasal din sa huwes. Saka na lamang daw ang kasalan sa simbahan kapag nakaipon na sila. Sina Kuya Anselmo at Kuya Darwin naman ay nagkaroon na rin ng kani-kanilang mga trabaho at sila naman ang gumastos sa bahay.

Napagtanto ni Corina na wala namang masama kung uunahin mo rin ang iyong sarili; hindi naman ibig sabihin noon na tatalikuran mo na ang iyong pamilya. Gayundin, kailangang maging bukas sa iyong tunay na nararamdaman at iniisip upang masolusyunan ang isang hindi napag-uusapang isyu o usapin.

Advertisement