Inday TrendingInday Trending
Ang Pagsasama ng Mag-asawang Senior Citizen ay Mauuwi pa Yata sa Hiwalayan; Magbalik pa Kaya ang Ningas ng Kanilang Pagmamahalan?

Ang Pagsasama ng Mag-asawang Senior Citizen ay Mauuwi pa Yata sa Hiwalayan; Magbalik pa Kaya ang Ningas ng Kanilang Pagmamahalan?

“Ngayon po magsalita kayong dalawa, Mama at Papa. Bakit ninyo ako pinatawag ngayon dito? Anong mahalagang bagay ang dapat ninyong sabihin sa akin?”

Lumiban sa kaniyang trabaho si Lilet, 34 na taong gulang, pamilyado, dahil na rin sa tawag ng kaniyang mga magulang na kapwa na senior citizens, sa bahay ng mga ito, dahil sa mahalagang anunsyo. Naroon din ang bunso niyang kapatid na si Lance, 28 taong gulang naman, na bagama’t single ay matagumpay naman din sa kaniyang showbiz career bilang recording artist.

“Oo nga eh. Ako nga po, dapat may taping ako ngayon sa isang morning show, pero nagpa-reschedule na lang ako para hindi makompromiso itong pagpapatawag ninyo. Ano po bang problema?”

Nagkatinginan sina Aling Esmeralda at Mang Nestor na kapwa nasa 68 taong gulang na.

“Ipinatawag ko kayong dalawa para sabihin sa inyong hahatiin na namin ang mga properties at kayamanan namin para ipamana sa inyong dalawa,” sabi ni Mang Nestor.

“Ha? Mana? Bakit parang aga naman? Anong problema?” takang tanong ni Lilet.

“Balak na naming maghiwalay ng Mama ninyo,” walang kagatol-gatol na pagtatapat ni Mang Nestor.

Sabay na napasambit ng “Ano?!” ang magkapatid na sina Lilet at Lance.

“Ano po bang pakulo ito, Mama at Papa? Naririnig po ba ninyo ang mga sarili ninyo? Matapos ang golden wedding anniversary ninyo, saka ninyo naisipang maghiwalay? Ano iyan, biro?” tanong ni Lance.

“Saka bakit ngayon pa po? Kung kailan nagsitanda na kayo, at may sarili na rin akong pamilya. Si Lance naman okay ang career at for sure may balak ding bumuo ng sarili niyang pamilya. Huwag mong sabihin sa akin Mama na may babae pa ang Papa?” untag naman ni Lilet.

“Maghulos-dili kayo. Wala akong ibang babae. Wala akong ibang minahal kundi ang Mama ninyo. Pero dumating na kami sa punto ng buhay namin ngayon, na nawala na ang pagmamahalan namin sa isa’t isa. Ngayon ko napagtanto na hindi na kami masaya sa isa’t isa,” paliwanag ni Mang Nestor.

“Dumating lamang sa punto na gumising kaming pareho na hindi na namin mahal ang isa’t isa. Patawarin ninyo kami mga anak. Siguro naman hindi pa huli ang lahat para sa annulment,” saad naman ni Aling Esmeralda.

Hindi pa rin makapaniwala sina Lilet at Lance.

“Hindi kayo makapaniwala ‘no? Palibhasa, hindi ninyo nakikita dahil lagi naman kayong wala. Minsanan na lamang kayong dumalaw rito sa amin. Lalo na ikaw, Lance. Hindi mo man lamang kami madalaw. Masyado ka nang ginumon ng kasikatan mo,” tila nagtatampong sabi ni Mang Nestor.

“Pasensiya na kayo Ma, Pa. Alam naman ninyo na wala namang permanente sa showbiz kaya kailangang samantalahin ang mga oportunidad gaya nito,” sagot naman ni Lance.

“At ako naman, alam naman ninyong may sarili na rin akong pamilya. Ano na lamang ang sasabihin ng mga apo ninyo kapag nabalitaan nilang may balak pang maghiwalay ang mga lolo at lola nila?” saad naman ni Lilet.

Kaya naman, umisip nang paraan ang magkapatid na Lilet at Lance kung paano mapipigilan ang paghihiwalay ng kanilang mga magulang. Minabuti nilang dalas-dalasan ang paglabas kasama nila. Hanggang sa makalipas ang ilang buwan, naratay sa ospital si Mang Nestor. May malala na pala itong karamdaman.

“Bakit hindi ninyo sinabi ang hinggil dito? Bakit inilihim ninyo?” tanong ni Lance.

“Ayaw niyang ipaalam sa inyo na may prostate c@ncer siya. Ayaw niyang mag-alala kayo,” sagot naman ni Aling Esmeralda.

Magmula noon ay inalagaan ni Aling Esmeralda si Mang Nestor, gayundin ang kaniyang mga anak na sina Lilet at Lance. Araw-araw ay inaasikaso ni Aling Esmeralda ang mister; at tila bumalik ang kanilang mga alaala noon sila ay mga binata at dalaga pa. Mga panahong sila ay magkasintahan pa lamang.

“Ma, itutuloy mo pa ba ang pakikipaghiwalay kay Papa?” minsan ay natanong ni Lilet sa ina.

“Hindi na. Alam mo… pilit kong tinitingnan ang kagandahan ng mga nangyari. Muling nagbalik ang pagmamahal ko sa Papa mo. Sana ganoon din siya sa akin,” sagot ni Aling Esmeralda.

Ngunit hindi man sila naghiwalay sa proseso ng batas, naghiwalay sila dahil sa batas ng kalikasan. Binawian ng buhay si Mang Nestor. Bago ito mawala, nakapagsulat pa ito ng isang liham.

Mahal kong Esmeralda, Kung babalik akong muli sa mundo at muling iibig ang puso ko, ikaw pa rin ang hahanapin ko. Mahal na mahal kita, at hindi iyan mababago.

Sising-sisi si Aling Esmeralda dahil sa huling sandali, hindi man lamang niya naiparamdam ang kaniyang pagmamahal sa mister. Sa harap ng puntod nito, ipinangako niyang pakamamahalin ang mga anak, at mamahalin niya ang mister na alam niyang nakasubaybay sa langit.

Advertisement