Inday TrendingInday Trending
Kinupkop ng Dalaga ang Isang Batang Babaeng Namalimos sa Kaniya; Siya na Kaya ang Kikilalanin Nitong Ina?

Kinupkop ng Dalaga ang Isang Batang Babaeng Namalimos sa Kaniya; Siya na Kaya ang Kikilalanin Nitong Ina?

“Ate, ate… penge po ng barya, pambili lang po ng tinapay…”

Iiwas sana si Jerelie, 34 na taong gulang, sa kaniyang nakasalubong na batang babae, sa entrada ng isang mall sa Bulacan. Sa totoo lang, hindi talaga siya nagbibigay ng kahit ano sa mga taong namamalimos dahil nagtanda na siya nang minsang gawin niya ito, at mahipnotismo siya’t ibigay niya sa nanlimos pati ang buong bag, hanggang sa wala siyang maalala.

Kakaiba ang mga mata ng batang iyon, gayundin ang ngiti. Tila kinurot ang kaniyang puso kung hindi man lamang niya ito aabutan ng pera. Hindi na niya iniisip kung para saan niya ito gagamitin: ang mahalaga, makakain ang bata na mukhang gutom na gutom na.

Mabuti na lamang at may 70 piso pa siyang sukli mula sa pinamasahe niya sa tricycle para lamang makapunta sa mall. Iniabot niya ang 50 piso.

“O heto, kumain ka ha,” nahahabag na sabi ni Jerelie. Iniabot niya ang kulay-pulang pera sa bata. Buong puso naman itong kinuha ng bata at tila mangiyak-ngiyak na tumitig sa kaniyang mga mata.

“Thank you po, ate. Thank you po!”

Tumango lamang si Jerelie at nag-umpisa nang lumakad papasok sa mall. Subalit tila may kung anong puwersa ang nagtulak sa kaniya upang muling lingunin ang bata, at nasumpungan na lamang niya ang sariling bumabalik sa kinaroroonan ng batang namalimos.

“Bata, bata… halika nga rito. Taga-saan ka ba? Nasaan ang mga magulang mo?” tanong ni Jerelie. Saka lamang niya napagmasdan na hindi ito basta pulubi o matagal nang naninirahan sa lansangan. Bagama’t kayumanggi ang kulay nito at halatang hindi pa naliligo, kapansin-pasin na malinis-linis pa ito kung tutuusin, kung ihahambing sa iba pang mga pakalat-kalat na bata.

“W-Wala na po sila eh,” matipid at nahihiyang tugon ng bata.

“Paanong wala na? Umalis? Nawala na? Nasa langit na?” tanong ni Jerelie. Hindi tumugon ang bata. Tumango lamang ito.

Hindi alam ni Jerelie kung paano siya nagkalakas-loob na sabihin sa bata na sumama sa kaniya sa loob ng mall at pakakainin niya ito. Ang totoo kasi, wala siyang kahilig-hilig sa mga bata. Pinalaki siyang mag-isa at kayang-kayang tumayo sa kaniyang sariling mga paa. Wala rin siyang kasintahan, at walang balak mag-asawa.

Masayang-masaya ang pakiramdam ni Jerelie nang makitang sarap na sarap ang batang babae sa pagkain nito ng fried chicken at spaghetti sa kilalang fast food chain, na sikat na sikat sa mga batang gaya nito. Habang kumakain, ipinagpatuloy niya ang pag-uusisa.

“Anong pangalan mo at ilang taon ka na?” tanong ni Jereli.

“Ako po si Nikay, 6 na taong gulang na po ako,” sagot ni Nikay habang nginangasab ang pritong manok na kay lutong ng balat.

“Saan ka natutulog tuwing gabi o umuulan?”

“Wala po. Kung saan lang po may bubong saka tuyo yung lugar.”

“Gusto mo sumama ka na lang sa akin? Ako lang kasi mag-isa sa bahay. Aalagaan na lamang kita,” buo na sasariling sabi ni Jerelie sa bata. Nakaramdam siya ng awa para sa bata, dahil lubhang mapanganib para sa mga gaya nito ang maglagalag sa mabangis na lungsod.

Pumayag naman si Nikay. Isinama niya ito sa kaniyang buhay, tutal ay siya lamang naman ang mag-isa. Nagsimulang magkaroon ng liwanag sa buhay ni Jerelie, at tila nagkaroon ng panibagong dahilan kung bakit siya bumabangon at nagtatrabaho: para kay Nikay na ngayon ay nasa pangangalaga niya.

Walang pakialam si Jerelie kung iniisip ng kaniyang mga kapitbahay na maaaring anak niya ito sa pagkadalaga at mahabang panahong itinago.

“Pag-aaralin na kita Nikay ha? Kailangan mo iyon upang bumuti ang iyong buhay,” saad ni Jerelie.

Namilog ang mga mata ni Nikay. “Talaga po? Salamat po… Nanay! Puwede ko po kayong tawaging Nanay?”

“O-Oo. Oo naman. Magmula ngayon, ako na ang iyong Nanay,” nakangiting saad naman ni Jerelie.

At magmula noon, itinuring na nga niyang anak si Nikay. Sino nga naman ba ang makakaisip na ang isang gaya niyang babae na hindi man lamang nakaranas na magkaroon ng nobyo, at ni hindi sumagi sa isip na magkaka-anak, narito’t naging isang ina siya sa isang batang napulot lamang niya sa lansangan?

Makalipas ang dalawang buwan, habang papunta sa mall, isang maluha-luhang ginang ang nakita niyang nagbibigay ng flyers sa mga nagdaraan. Nang mapatapat siya rito, inabutan din siya nito. Nanlaki ang mga mata niya sa nakita: larawan iyon ni Nikay, at hinahanap na ito ng naturang ginang, na siyang tunay nitong ina.

“Miss, baka nakita ninyo ang batang ito, naglayas kasi. Hindi ko kasi naibigay ang hinihiling niya eh,” saad ng ginang.

Gusto sana niyang sabihing nasa kaniyang pangangalaga ang bata subalit naumid ang kaniyang dila. Tinanong na lamang niya ang ginang kung bakit naglayas si Nikay, at kunwari ay wala siyang alam. Gusto muna niyang makatiyak. Baka mamaya, masama pala ang ugali ng tunay na nanay nito, at ayaw niyang ibalik sa masamang kalagayan si Nikay, na natutunan na niyang mahalin bilang anak.

“Naglayas po kasi siya. Nagpapabili po siya ng laruan pero napagalitan ko po siya, kaya nagising na lang ako na wala na siya sa bahay. Kung makikita po ninyo siya, pakitawagan na lang po ako sa numerong inilagay ko sa flyers. Maraming salamat po,” umiiyak na sabi. Nakonsensiya naman si Jerelie.

Pagdating sa bahay, tinawag niya si Nikay. Inusisa niya ang bata hinggil dito. Noong una, hindi makatingin sa kaniya ang bata.

“Nikay… ayokong nagsisinungaling ka. Sabi mo sa akin noon, wala ka nang mga magulang. Ano ba talaga ang totoo?” untag ni Jerelie.

At unti-unti na ngang nagtapat si Nikay. Nagtutugma ang salaysay niya sa sinabi ng ginang kanina. Hinaplos-haplos ni Jerelie ang buhok ni Nikay at niyakap ito.

Kinabukasan, labis-labis ang pasasalamat ng ginang, ang tunay na ina ni Nikay, kay Jerelie dahil ibinalik niya ang bata sa kaniya. Para kay Jerelie, iyon ang nararapat na gawin. Sa maiksing panahon ay nagpapasalamat siya dahil natutuhan niyang magmahal ng isang bata, at ipinaranas sa kaniya ang maging isang ina.

Advertisement