Laging Ginagabi sa Pag-Uwi mula sa Trabaho ang Mister Kaya Naghinala ang Misis na May Ginagawa Itong Kalokohan; Ito Kaya ay Kaniyang Mapatutunayan?
Naalimpungatan si Maring nang marinig ang tunog na nilikha ng motorsiklo ng mister na si Orland. Sinulyapan niya ang orasan. 9:00 ng gabi. Dati, 7:00 ng gabi pa lamang kung umuuwi ang mister mula sa trabaho nito bilang mensahero sa munisipyo.
“Bakit parang ginagabi ka lagi ng uwi?” untag ni Maring sa mister.
“Ah kuwan, marami lang talaga akong inihahatid na sulat. Gutom na ako, ipaghainan mo na ako,” sagot ni Orland.
Habang nakatalikod ang mister, napansin ni Maring na panay tunog ang cellphone ng mister, hudyat na marami itong mensaheng dumarating, subalit hindi naman binabasa ng asawa. Palihim pa itong sumusulyap sa kaniya, na para bang binabantayan siya.
“Dami mo yatang mensahe, bakit hindi mo binabasa?” usisa ni Maring.
“Ah wala naman. Mamaya na lang siguro. Gutom na gutom na kasi ako saka nasasabik na akong matikman ang luto mo eh. Tapos ikaw naman ang titikman ko mamaya…” pilyong sabi ni Orland.
Tumitibay ang paniniwala ni Maring na may ibang dahilan kung bakit laging umuuwi ng gabi ang kaniyang mister. Naniniwala siya sa kutob. Agad niya itong isinalaysay sa kaniyang kapitbahay na si Jossa, na nahuli ang asawa na may ibang babae, at ngayon ay hiwalay na.
“Hay naku, ganiyang-ganiyan din ang mga senyales noon sa walanghiya kong asawa na ngayon ay sumakabilang-bahay na. Lagi ring umuuwi ng gabi. Tapos, laging parang may itinatago. Lalo na sa kaniyang mga katext. Bantayan mo ang mister mo, may hitsura pa naman.”
“Huwag mo nga akong tinatakot, Jossa. Hindi naman ganoon si Orland ko. Alam kong mahal na mahal niya ako,” pagtatanggol naman ni Maring sa kaniyang mister.
“Hindi kita tinatakot, Maring. Naku, ikaw rin… ganiyang-ganiyan din kasi ang asawa ko dati, oh hayan tuloy ang nangyari, niloko lang din ako. Ang mga lalaking iyan, hindi talaga nakukuntento sa iisang putahe iyan, titikim at titikim din talaga sila kahit na gaano katino, lalo na kapag palay na ang lumalapit.”
Tinandaan ni Maring ang mga sinabi sa kaniya ni Jossa. Sa tuwing naglalaba siya, inaamoy niya ang mga hinubad na polo ng mister; inaamoy kung may ibang kumapit na pabango. Sa awa ng Diyos, wala pa naman. Sinusuri din niya kung may bahid ng lipstick. Wala rin. Ang gusto na lamang niyang makita ay ang cellphone nito, subalit wala naman siyang lakas ng loob upang alamin at basahin ang mga pribadong mensahe nito.
“Wala. Walang babae ang asawa ko. Mahal ako ni Orland,” tiniyak ni Maring sa kaniyang sarili.
Isang araw, habang sinusuri ang mga damit na labahan ni Orland, may napansin si Maring sa bandang balikat nang hinubad na polo shirt ng mister. May hibla ng mahabang buhok. Hindi mahaba ang buhok niya, at lalong hindi mahaba ang buhok ni Orland.
“O kita mo na… sabi ko sa iyo, friend. Kung ako sa iyo bantayan mo na iyang asawa mo mukhang may ginagawang kabalbalan eh. Paano naman mapupunta ang hibla ng buhok sa damit niya? Ibig sabihin, baka sa kerida niya iyan na umaangkas sa kaniya!”
Isang araw, ipinasya ni Maring na subaybayan ang kaniyang mister sa trabaho nito. Nakamanman siya. Alam niyang 5:00 ang labas nito sa trabaho. Nag-arkila siya ng isang pribadong kotse upang masubaybayan at masundan ang asawa sa motor nito.
Maya-maya, nakita niyang lumabas na si Orland. Nagtungo ito sa motorsiklo. Kitang-kita ni Maring na bago ito tuluyang umalis, may katext muna ito sa cellphone. Nang umalis na ito, sinabi niya sa driver na sundan ang motorsiklo ng asawa. Maya-maya, huminto ito sa tapat ng mall.
“Anong gagawin nitong hinayupak na ito?” usal ni Maring.
“Naku Ma’am, ganiyang-ganiyan ang galawan ko noon…” natatawa naman ang driver.
“Kuya puwede ba huwag kang magsalita riyan, gawin mo lang ang pinagagawa ko sa iyo,” napikon naman si Maring sa driver.
Maya-maya, isang babae ang dumating. May helmet ito. Sasakay ito sa motorsiklo ni Orland.
“Naku Ma’am hayan na nga…”
Hindi na nag-isip pa si Maring. Hindi niya hahayaang makaalis ang asawa at ang kabit nito. Bumaba siya sa kotse. Agad niyang sinugod ang dalawa. Tinanggal niya ang helmet ng babae at hinila ang buhok nito. Kinaladkad niya ito, at huminto ang lahat sa kanilang paligid.
“Hayop ka! Hayop kang malandi ka! Hindi mo ba alam na may misis na ang kinakalantari mo?! Mahilig kang umangkas sa motorsiklo ng iba!” galit na galit na sabi ni Maring habang sabunot niya ang buhok ng babae.
Gulat na gulat naman si Orland at pilit na inawat ang asawa.
“Maring, ano ka ba?! Bitiwan mo siya! Bitiwan mo siya! Ano bang ginagawa mo?’
Isang malakas na sampal ang pinakawalan niya para sa mister. Wala siyang pakialam kung gumawa siya ng eksena at sa ngayon ay nakapalibot na sa kanila ang mga tao.
“Manloloko ka! Huwag ka nang magpaliwanag! Huling-huli ka na animal ka!”
“Ano bang sinasabi mo? Ano bang nangyayari sa iyo, Maribella!” galit na tanong ni Orland. kapag binabanggit na nito ang buong pangalan ng misis, galit na ito.
“Ako pa talaga ang tinanong mo, ha? Ipaliwanag mo sa akin ngayon kung sino ang babaeng ito na inaangkas mo sa motorsiklo! Sino siya? Siya ba ang kabit mo?”
“Kabit? Saan mo nakuha ang ideyang may kabit ako. Maring, customer ko iyan. Ihahatid ko siya,” saad ni Orland.
Napamaang si Maring. At ipinagtapat na ni Orland ang totoo. Tuwing hapon, pagkatapos ng maghapong pagtatrabaho sa kompanya, suma-sideline siya bilang rider ng isang sikat na app pantransportasyon na ginagamitan ng motorsiklo, para makaipon daw sila pampagawa ng bahay.
Pahiyang-pahiya si Maring. Abot-abot hanggang langit ang paghingi niya ng tawad sa babaeng napagkamalan niyang kabit ng mister. Mabuti na lamang at mabait ang babae at hindi na itutuloy ang pagsasampa ng reklamo laban kay Maring, dahil sa kaniyang pananakit at pamamahiya.
Napagtanto ni Maring na bago husgahan at gumawa ng aksyon, huwag padadala sa emosyon at kinakailangang mag-imbestigang mabuti upang hindi mapahamak sa bandang huli.