Inday TrendingInday Trending
Ayaw Ibalik ng Kaniyang Hipag ang Kaniyang Anak; Pera nga ba ang Dahilan Kaya Ginigipit Siya ng mga Ito?

Ayaw Ibalik ng Kaniyang Hipag ang Kaniyang Anak; Pera nga ba ang Dahilan Kaya Ginigipit Siya ng mga Ito?

“Umalis ka na Julia, kahit anong gawin mo’y hinding-hindi namin ibabalik ang anak mo!” Matigas na wika ni Nelly, ang kaniyang hipag.

“Ano bang naging kasalanan ko sa inyo’t ginaganito niyo ako? Maayos kong ipinahiram si Zyril sa inyo kasi nangako kayong ibabalik niyo siya sa’kin. Pero bakit niyo ako pinapahirapan nang ganito?” Pasigaw na wika ni Julia, nahihirapan at nais nang humagulhol ng iyak.

Isang Linggo na siyang nakikiusap na ibalik na ng mga ito ang kaniyang anak na hiniram lang ng mga ito.

“Ayaw na ni Zyril sumama sa’yo dahil hindi mo naman siya naaalagaan nang maayos,” wika ni Nelly.

“Hindi totoo iyan! Maayos ang pamumuhay namin ng anak ko kahit kaming dalawa lang. Mula noong namayapa si Ben, lagi niyo na lang kaming ginugulo. Kailan niyo ba ako tatantanan?!” galit na wika ni Julia. “Alam kong pera ni Ben ang nais niyong makuha. Ibalik niyo sa’kin ang anak ko kung hindi’y aabot tayo sa husgado. Para malaman ninyo kung sino sa’tin ang may mas karapatan sa perang naiwan ni Ben.”

“Alam naming may mas karapatan ka, Julia. Dahil kasal kayo ni Kuya Ben. Hindi pera ang gusto namin. Tanggap naming sa’yo mapupunta ang lahat ng naiwan ni kuya. Ang sa’min lang ay asikasuhin mong maigi si Zyril.

Kahit kausapin mo pa ang anak mo’y ayaw na niyang sumama sa’yo. Palagi mo lang daw siyang iniiwan sa kapitbahay niyo at kung saan-saan ka nagpupunta, uuwi ka’y umaga na. Si Zyril mismo ang tumawag sa’min at nakiusap na kunin namin siya. Handa kaming harapin ang sumbong mo. Kaya huwag mo kaming tinatakot!” Gigil na wika ni Nelly.

“Bini-brain wash niyo ang anak ko kaya nagkakaganiyan siya!”

Agad namang umismid si Nelly sa sinabi ng hipag. “Wala kaming sinabing masama sa anak mo, Julia. Siya mismo ang saksi sa mga pinaggagawa mo. Kaya huwag mo kaming pagbibintangan ng ganyan.”

“Nasaan ang anak ko?!” nagwawalang wika ni Julia.

Nang sumungaw ang batang si Zyril at pilit na pinapakalma ang nanggagalaiting ina. “Tama na po mama,” mahinahong wika ng batang si Zyril.

“Zyril, anak. Umuwi na tayo. Miss na miss ka na ni mama,” mangiyak-ngiyak na wika ni Julia.

“Ayoko pong sumama sa inyo mama,” umiiling na wika ni Zyril.

“B-bakit naman?”

“Dito na lang po muna ako kila Tita Nelly, mas naaalagaan nila ako rito at hindi ako iniiwan kung kani-kanino lang. Bisitahin niyo na lang po ako mama kapag may oras ka. Pero sa ngayon ay dito na muna po ako,” ani Zyril. “Mula kasi noong nam@tay si papa ay palagi kitang nakikitang naglalasing. Palaging wala sa bahay.

Kapag uuwi ka naman ay may kasama kang mga taong hindi ko kilala. Doon na sila natutulog sa bahay. Tapos minsan kapag aalis ka, iniiwan mo ako sa bahay, minsan naman ay sa kapitbahay. Kaya po noong minsang dinalaw ako ni Tita Nelly ay nakiusap ako sa kaniyang isama niya ako pauwi sa bahay nila,” paliwanag ni Zyril, saka mahigpit na hinawakan ang kamay ng tiyahin na animo’y ayaw pumayag na bitawan siya.

“Kaya dito na lang po muna ako mama. Mas ligtas kasi ang pakiramdam ko rito, kaysa sa sarili nating bahay,” malungkot na wika ni Zyril.

Agad na napaluhod si Julia at humagulhol ng iyak. “Patawarin mo ako anak,” tumatangis na wika nito. “Hindi ko napansing masyado ko palang dinamdam ang pagkawala ng papa mo kaya hindi ko napansing napapabayaan na kita.”

“Hindi po ako galit sa’yo mama. Pinapaintindi po sa’kin ni Tita Nelly na nagluluksa ka sa pagkawala ni papa kaya ka nagkakagano’n. Saka mo na lang po ako kunin mama, kapag tapos ka nang magluksa sa pagkam@tay ni papa. Pansamantala po’y dito na muna ako,” nakikiusap na wika ni Zyril sa ina.

“Patawarin mo ako, Zyril,” ani Julia, saka niyakap ng mahigpit ang anak. “Pangako magbabago na si mama.”

“Ayusin mo muna ang sarili mo, Julia. Hindi ko naman ipinagdadamot ang anak mo. Mas may karapatan ka sa kaniya, sapagkat ikaw ang ina ni Zyril. Pero sa sitwasyon mo ngayon ay mas maiging dito na muna siya sa’kin,” ani Nelly.

“Sorry din, Nelly. Sorry sa lahat ng nasabi ko. Pangako, magbabago na ako. Hindi ko alam na sa ginagawa kong pagpaparusa sa sarili ko’y si Zyril na pala ang mas naaapektuhan,” ani Julia.

Agad naman siyang niyakap ni Nelly na mas nauunawaan ang kaniyang sitwasyon. “Magiging maayos din ang lahat, Julia.”

Sa pangungulila at pagluluksa natin ay hindi natin napapansin na napapalayo na pala tayo sa mga taong mahal natin sa buhay. Gaya ni Julia na akala niya’y pera lang ang habol ng kaniyang hipag. Iyon pala’y higit pa roon ang naging dahilan ng pagkuha nito sa kaniyang anak.

Advertisement