Inday TrendingInday Trending
Malakas ang Kutob ng Magkapatid na Ito na may Nobyo na ang Kanilang Ina, Nakakaiyak pala ang Matutuklasan Nila

Malakas ang Kutob ng Magkapatid na Ito na may Nobyo na ang Kanilang Ina, Nakakaiyak pala ang Matutuklasan Nila

“Wala ka bang napapansin sa nanay natin? Parang ang saya-saya niya ngayon,” wika ni Erah, panganay na anak ni Aling Terry.

“Naku, dahil ‘yan sa internet. Simula nung nagkaroon ng wifi at telepono sa bahay ay naging masigla na ulit si mama. Baka nawiwili na sa pagpi-Facebook,” sagot naman ni Tanya, bunsong kapatid ng babae.

“Hindi, iba ang sigla niya ngayon. Saka napapansin mo bang lagi siyang may kausap sa telepono?” saad muli ni Erah.

“Napapansin ko nga ‘yun, pero hindi ba mas mabuti na ‘yun para sa kaniya? Hayaan na natin si mama, hindi na ‘yan bata, alam na niyan ang tama at mali,” sagot ni Tanya at sinuot na ang kaniyang sapatos papasok sa trabaho.

Simula nang mawala ang kanilang ama isang taon na ang nakakaraan ay naging malungkutin at tahimik ang kanilang nanay na si Aling Terry. Halos anim na taon nilang ipinaglaban ang karamdaman noon ng kanilang ama ngunit binawian pa rin talaga ito ng buhay. Kaya naman masaya sila na muling bumabalik ang sigla ng kanilang nanay. Lalo na nga at napapabayaan na nila ito dahil sa kanilang mga trabaho at personal ding relasyon sa mga nobyo.

“Mga anak, pwede niyo ba akong bigyan ng pera. Mga limang libo?” tanong ni Aling Terry sa dalawa bago ito umalis sa trabaho.

“Ma, oo naman, pero pwede ko bang matanong kung para saan?” mabilis na sagot ni Erah.

“Ano kasi, may pagbibigyan lang sana ako, pautang ba,” nahihiyang wika nito sa anak.

“Kanino naman? Hindi ba at ayaw niyo ng nagpapautang?” tanong kaagad ni Tanya sa ina.

“Sa kaibigan ko,” maiksing sabi ni Aling Terry.

“Ma, may hindi ka sinasabi sa amin,” wika ni Erah.

“May boyfriend ka ba?” diretsong tanong nito muli.

“Naku, tigilan niyo nga akong magkapatid. Matanda na ako para sa mga ganyan. Hayaan mo na ‘yung limang libo. Kalimutan niyo na,” sagot muli nito at tinalikuran na sila. Sa tinagal-tagal ng panahon ay ngayon lamang nanghingi ng pera ang kanilang nanay kaya naman nagtataka silang dalawa.

“Erah, pasabi naman sa nanay mo na pwede na siyang magpa-Smart padala kamo,” sabi ni Aling Bebe,kapitbahay nila.

Dali-dali na lumapit ang magkapatid upang tanungin ang ale.

“Kailan pa ho nagpapa-Smart padala ‘yung nanay namin?” tanong ni Tanya.

“Naku, madalas siya ngayon magpadala. Bakit, hindi niyo ba alam?” sagot ni Aling Bebe.

“Pwede ba namin makuha ‘yung pangalan ng pinagpapadalhan niya?” singit kaagad ni Erah at hinananp kaagad nila ang lalaki sa Facebook. Nakita nilang maraming tao ang lumabas at kaagad silang kinutuban kaya naman binalikan ang kanilang ina na nasa bahay.

“Pasensiya ka na, hindi ko pa mapapadala ngayon ang limang libo na kailangan mo. Baka sa susundo na lang siguro,” wika ni Aling Terry sa telepono.

“Ma, sino ‘yang kausap niyo?” pasigaw na tanong ni Erah sa ale at nagulat naman kaya kagaad na ibinaba ito.

“May boyfriend ka? Bakit hindi mo na lang sabihin sa amin? Hindi naman kami magagalit, saan mo ‘yan nakilala? Sa Facebook? Mamaya naman pine-perahan ka lang niya at usong-uso pa naman ‘yun ngayon,” baling pang muli nito sa kaniyang ina.

“Ma, ‘wag mo sanang masamain ‘to pero marami talaga kasing scam at mga pekeng account ang meron sa Facebook,” sabi rin ni Terry.

“Ano ba ‘yang pinagsasabi niyo?” baling din ng ale sa dalawa.

“Ma, nakuha namin ang pangalan nung pinapadalhan niyo kay Aling Bebe tapos narinig pa namin kayo na may kausap sa telepono kanina at humihingi kayo ng tawad sa hindi niyo pagpapadala. Ano ‘yun?” naiinis na sabi ni Erah.

“Kung makapagsalita naman kayong dalawa parang hindi niyo ako nanay!” naiiyak na sabi ng ale.

“Ma, hindi ka namin inaaway. Gusto lang namin na magsabi ka ng totoo, may boyfriend ka ba? M.U? Jowa? Nobyo? Ano bang tawag niyo?” ani Erah.

“Wala, wala kong ganun,” sagot kaagad ni Aling Terry.

“Phone pal lang? Akala ko pa naman ay ayos na kayo ngayong nagdaang mga araw. Maaliwalas na ang mga mukha niyo at hindi na kayo nakatulala sa bintana. Akala ko pa naman magandang desisyon na magpakabit kami ng wifi rito pero mukhang hindi kasi nagtitiwala kayo kaagad sa mga taong hindi niyo naman kilala,” galit na tono ni Erah sa kaniyang ina.

“Kilala niyo ba ‘yung pinadadalhan niyo? Nakita niyo na sa personal? Halos tatlong libo na rin ang nabibigay niyo at kung hindi ko pa naka-usap si Aling Bebe ay baka nakapagpadala pa kayo ng limang libo,” dagdag pa nito.

Biglang naiiyak na natatawa si Aling Terry saka tumingin sa dalawa.

“Hindi ko alam kung saan kayo nagagalit? Na may jowa ako o dahil naglabas ako ng pera? Alin ba roon?” natatawa nitong wika.

“Ma naman, malaking pera ‘yun kaya sorry kung nagkakaganito ako,” saka lumambot si Erah at napahawak na lamang sa kaniyang mukha.

“Mukhang hindi ko na matatago pa. Sige na aamin na ako, nagpapadala ako ng pera at totoo ‘yung mga nalaman niyo sa napakachismosang si Aling Bebe,” irap ng ale sa dalawa nyang anak.

“Sa FB ko siya nakilala pero dahil nahihilo ako sa mga FB, FB na ‘yan ay mas pinili kong sa telepono na lang kami mag-usap kasi ito naman talaga ang nakasanayan ko. Mainit ang cellphone kapag tinatawagan kaya naman mas sumaya ako nung nagkalandline tayo,” paliwanag pang muli nito.

“Kailan pa? Bakit daw kayo nagpapadala ng pera?” gulat na tanong ni Tanya.

“Kasi, kasi, para naman kasi talaga ‘yun sa inyo,” buntong hininga ng ale.

Napakunot naman ng noo ang dalawang dalaga. “Sabi niya para sa amin? Sabi ko na scam ‘yan!” sigaw ni Erah at napatayo ito.

“Para sa inyo ‘yung inaasikaso niya. Nakita ko kasi sa FB mo, Erah, na gusto niyong magpunta ng Coron Palawan at nakita ko rin na gusto mo ‘yun, Terry. Pero wala pa kayong pera kaya ako na ang unti-unting nag-ipon mula na rin sa mga perang ibinibigay niyo sa akin. Nakilala ko ‘yang lalaki na ‘yan na nagtratrabaho sa isang travel agency at siya na raw ang bahala na mag-ayos ng lahat ng kailangan niyo, kailangan niya ng limang libo para sana sa seat sale sa eroplano pero sabi ko nga hindi ko mabibigay ‘yun kaya sa susunod na raw,” bunyag niya.

“Ma!” napaiyak na sabi ni Terry at niyakap ang kaniyang nanay. Napailing naman si Erah at saka lumapit at umiyak sa kaniyang ina.

“Wala naman kasi akong sariling pera mga anak kaya hindi ko kayo masorpresa, pasensiya na kayo,” naluluha-luha ring sagot ni Aling Terry at hinalikan sa ulo ang dalawa.

“Sorry, ma, akala ko kasi magiging isa ka sa biktima ng mga scam sa FB, akala ko sa sobrang lungkot mo na wala si papa ay papatol ka sa mga ganun. Sorry talaga,” iyak ni Erah.

Nag-iyak at nagtawanan ang tatlo sa kapilyahan ng kanilang ina. Inayos din nila ang kanilang bakasyon at siniguradong isasama nila ang kanilang nanay. Ngayon ay mas naintindihan ng magkapatid na hindi wifi o bagong tatay ang kailangan ng kanilang ina kung ‘di sila mismo dahil nang magkaroon sila muli ng oras sa isa’t isa ay nakita nila ang ngiti at saya na bumalik sa ale.

Advertisement