Napuruhan sa Aksidente ang Mister Kaya Huminto Siya sa Pagtatrabaho at Misis Naman Niya ang Nagbanat ng Buto; May Itinatago Palang Lihim Ito
“Mahal, huwag ka na masyadong maggagalaw riyan. Kailangang pagalingin mo ang binti mo para makalakad ka na kaagad.”
Ginagap ni Ferdie ang mga kamay ng kaniyang misis na si Minda at dinala sa kaniyang mga labi. Naaksidente kasi si Ferdie dahil habang naglalakad siya pauwi, isang humaharurot na motorsiklo ang nakasanggi sa kaniyang kanang tuhod. Mabuti na lamang at agad siyang naitakbo sa ospital ng mga rumespondeng miron. Hindi naman namukhaan kung sino ang nagmamaneho ng naturang sasakyan. Nagkataon din kasing walang CCTV sa lugar na iyon.
Sinimento na ang kanang binti ni Ferdie at sinabihan ng doktor na kailangan niyang magpahinga muna sa loob ng dalawang buwan upang tuluyan itong gumaling.
“Nag-aalala ako sa trabaho ko, Minda. Paano na tayo? Mabuti na lamang at wala pa tayong anak. Salamat sa Diyos naman at hindi ako masyadong napuruhan doon. May kakaunting ipon pa naman tayo,” sabi ni Ferdie sa kaniyang misis. Nag-aalala siya dahil siya lamang ang nagtatrabaho sa kanilang dalawa ni Minda.
“Hay naku, mahal, huwag mo nga munang intindihin iyan. Huwag kang mag-alala, ako na muna ang magtatrabaho. Mga dalawang buwan lang naman. Sana payagan mo ako. Nakausap ko na si Kumareng Letty, ipapasok muna niya ako sa pabrika nila, sa pagawaan ng handicraft,” saad ni Minda.
“Ay naku, iyan naman ang hindi ako makakapayag. Ako ang padre de pamilya, ako ang haligi ng tahanan, marapat lamang na ako ang magtrabaho para sa atin. Saka, hindi ba ipinangako ko sa iyo na hindi ka makararanas ng hirap sa pagsasama natin?” suyo naman ni Ferdie sa kaniyang misis na si Minda, na tatlong taon na niyang asawa.
“Mahal, iba naman kasi ang sitwasyon ngayon. Hayaan mong ako naman ang mag-akyat ng pera dito sa bahay. Ikaw, magpagaling ka ha… Hindi naman kasi permanente. Hangga’t nagpapagaling ka lang din sa nangyari diyan sa binti mo,” amuki naman ni Minda.
“Buwisit kasi iyong nakabunggo sa akin eh. Tinakbuhan tayo. Kung namukhaan ko lang sana siya, malamang nito mapupuwersa natin siyang panagutan ang nagawa niya sa akin. Kaya lang mabilis na sumibat ang loko eh. Malaman ko lang kung sino siya, basag ang bungo niya sa akin. Malaking abala ang idinulot niya sa akin dahil sa hindi niya pag-iingat. Naka-red light na nga, umandar pa siya,” nanggagalaiting pahayag ni Ferdie.
“Kalmahin mo nga ang sarili mo. Tapos na iyan eh. Wala na tayong magagawa. Pasalamat na lang tayo at iyan lang pilay ang inabot mo. May araw din kung sinuman iyang nakasagasa sa iyo,” pagpapakalma ni Minda sa mister.
Pumayag naman si Ferdie sa mungkahi at pagpapaalam ni Minda na siya na muna ang magtatrabaho para sa kanila. Pinakiusapan muna niya ang kaniyang bunsong kapatid na si Alex, na nagkataong estudyante sa pagiging Physical Therapist, upang bantayan si Ferdie. Upang makalabas, nakasakay sa wheelchair si Ferdie.
Naging abala na nga si Minda sa kaniyang trabaho. Noong una, mga 5:00 ng hapon ay nasa bahay na siya. Subalit makalipas ang dalawang linggo, gabi na ito kung umuwi. Marami raw ginagawa sa pabrika. Kapag rush daw ang patrabaho ng gawa, maaari raw umabot hanggang madaling-araw ang kanilang duty.
“Kapag magaling na ako, hihinto ka na sa pagtatrabaho ah. Hindi naman ganoon kalaki ang makukuha mong suweldo, pero ang trabaho ninyo ay grabe.”
Sa pagdaan ng panahon, gumagaling na ang mga paa ni Ferdie subalit hindi niya muna sinabi kay Minda. Balak niya kasing sorpresahin ito. Mahigpit din ang bilin niya kay Alex na huwag munang sabihin kay Minda na kaya na niyang maglakad.
Isang gabi, naalimpungatan si Ferdie. Wala sa kaniyang tabi si Minda.
“Minda? Mahal?”
Kaya naman lumabas siya ng kuwarto upang hanapin ang misis. Wala ito sa sala at palikuran. Subalit may naririnig siyang mga boses na tila naghaharutan. Kinabahan si Ferdie. Dahan-dahan siyang nagtungo sa asotea kung saan nanggagaling ang ingay. Nanlaki ang kaniyang mga mata. Kitang-kita niya si Minda na nakahilig sa isang lalaking nakaitim na jacket. Pinakinggan niyang mabuti ang pinag-uusapan ng dalawa.
“Bumalik ka na sa loob ninyo at baka hinahanap ka na ng pilantod mong asawa,” saad ng lalaki.
“Hindi iyon makakababa rito, hindi pa nga makalakad eh, dahil sa ginawa mo. Kainis ka kasi. Hindi mo pa pinuruhan. Eh kung pinuruhan mo eh ‘di sana wala na siya, tapos magsasama na tayo, kasi technically akin na ang bahay na ito. Pero naiba man ang plano natin, ayos na rin. Hindi niya alam na nagkikita tayo dahil pinayagan niya akong magtrabaho,” saad ni Minda.
Nagulat si Ferdie sa mga narinig mula mismo sa bibig ng kaniyang asawa. Hindi pala aksidente ang nangyari sa kaniya. Magkakuntsaba sila ng kabit nito. Ang ginawa ni Ferdie, kinuha niya ang kaniyang iniingatang bolo at nilabas ang dalawa.
“Mga hayop kayo! Mga walang hiya! Dito pa kayo sa pamamahay ko gumagawa ng kababuyan! Sisiguraduhin kong magbabayad kayong dalawa!”
Walang nagawa ang lalaking kabit ni Minda nang tagain ito ni Ferdie sa binti. Napuruhan ito. Pagkatapos ay pinagsusuntok na niya ito. Iyak lamang nang iyak si Minda sa isang tabi, halatang nabigla rin sa mga nangyari.
“Walang hiya ka! Minahal kita, pero ito ang igaganti mo sa akin?” galit na pahayag ni Ferdie.
Kinasuhan at naipakulong ni Ferdie ang kabit nito ng tresspasing at attempted murd*er gayundin ang kaniyang asawa dahil kasama ito sa mga nagplano nito, kasama pa ang pangangalunya. Nang makamit niya ang hustisya, nagpasya siyang magsimula ng kaniyang panibagong buhay.