Inday TrendingInday Trending
Pinakakanta Nang Libre sa Videoke ang Bata Dahil sa Mataginting at Maganda Nitong Tinig; Maririnig Kaya Ito sa Buong Daigdig?

Pinakakanta Nang Libre sa Videoke ang Bata Dahil sa Mataginting at Maganda Nitong Tinig; Maririnig Kaya Ito sa Buong Daigdig?

“Betty! Betty! Halika nga muna rito. dali, kumanta ka ulit, habang wala pang tao…”

Tinawag ni Aling Mameng ang batang si Betty, 10 taong gulang, na tumutulong sa kaniyang inang tinderang si Aling Talen, upang muling pakantahin sa kaniyang videoke. Maganda kasi talaga ang boses ng bata.

“Hoy Mameng wala kaming limang piso, at saka kung mayroon man, hindi ko ipapagamit sa kanta-kanta na iyan ‘no? Aba’y ikaw lang ang kikita. Isa pa, sayang din ang limang piso ‘no. Halika na Betty, huwag mong pansinin iyan,” tungayaw ni Aling Talen kay Aling Mameng, at hinila na si Betty. Si Betty naman, hindi maalis ang tingin kay Aling Mameng, tila nagpapasaklolo sa kaniya.

“Ako na bahala sa limang pisong ihuhulog ni Betty, basta’t kumanta lang siya…” sabi naman ni Aling Mameng.

“Hay naku bahala ka na nga! Hoy Betty umuwi ka bago maggabi, magsasaing ka pa ah. Bilisan mo,” paalala ni Aling Talen sa kaniyang anak.

Tuwang-tuwa naman si Aling Mameng.

“Halika na Betty at kumanta ka na! Banatan mo ang mga kanta ng paborito kong Aegis ah,” nakangiting sabi ni Aling Mameng. Binigyan niya ng apat na limang piso si Betty upang ihulog nito sa videoke para sa apat na awitin ng Aegis na nais niyang kantahin nito.

At sinunod naman ito ni Betty. Walang kahirap-hirap na bumirit ito sa mga awitin ng Aegis. Nagsimula namang magkalimpunan ang mga tao sa tindahan at videokehan ni Aling Mameng dahil napakahusay talaga ni Betty. Puro palakpakan ang natatamo niya sa tuwing matatapos niya ang pagkanta, lalo na sa mga bahaging matataas.

“Ang husay mo, Betty! Para kang si Regine! Bakit hindi ka kaya mag-artista? Tiyak na sisikat ka!” sabi sa kaniya ni Aling Mameng.

“Ayaw po ni Nanay eh. Ayaw nga po akong pasalihin sa mga paligsahan sa barangay. Sayang lang daw po sa oras. Mas mainam na lang daw po na tulungan ko siya sa pagtitinda habang bakasyon pa naman,” saad ni Betty.

“Ganoon ba? Hayaan mo kukumbinsihin ko ang nanay mo na sumali siya. Kung hindi mo naitatanong, magaling ding umawit ang nanay mo. Hindi ko nga alam kung bakit bigla na lang siyang tumigil sa pagkanta. Siya ang kampeyon noon sa paligsahan dati sa baryo noong kabataan namin. Hindi namin alam kung bakit bigla na lamang siyang nahinto sa pagkanta,” salaysay ni Aling Mameng.

Nagulat naman s Betty sa kaniyang nalaman. Hindi pa kailanman naikuwento sa kaniya ni Aling Talen ang husay nito sa pag-awit. Wala itong naikukuwento sa kaniya.

Pagkauwi sa bahay, agad niyang inusisa ang ina.

“‘Nay, may naikuwento po sa akin si Aling Talen. Kumakanta pala kayo? Dati pala kayong sumasali sa mga paligsahan sa pag-awit dito sa ating baryo?” inosenteng tanong ni Betty sa kaniyang ina.

Natigilan naman si Aling Talen sa sinabi ng kaniyang anak. Kapagkuwan, nagpatuloy na ito sa pagtutupi ng mga inakas na sinampay.

“Madaldal talaga itong si Mameng. Matagal na iyon. Tinalikuran ko na.”

“Bakit po?”

Hindi na kumibo si Aling Talen. Ayaw na niyang maalala ang kaniyang malagim na pinagdaanan noon. Dahil sa kaniyang pagkanta, nakilala niya ang ama ni Betty na isa umanong talent scout na isang kalahating Pilipino at kalahating Africano na naghahanap ng mga taong may talento sa mga lalawigan. Pinangakuan siya nitong hahanapan ng trabaho sa Maynila at ilalapit sa mga talent manager upang mabigyan siya ng showbiz break. Pero ang ending, matapos nitong makuha ang gusto sa kaniya, bigla na lamang itong nawalang parang bula. Nag-iwan ng remembrance: si Betty. Ipinangako niya sa kaniyang sarili na kalilimutan na niya ang pagkanta.

Isang araw, nagulat na lamang ang mag-ina nang ibalita ng kanilang mga kapitbahay na sikat na raw si Betty sa social media. May isa pa lang nakakuha ng video kay Betty habang bumibirit sa videoke ni Aling Mameng at ibinahagi ito sa social media. Marami naman ang natuwa kay Betty hanggang sa mag-viral siya. Marami umano ang nagtatangkang makapanayam si Betty.

“Gusto mo ba ang sumikat at marinig ng lahat ang boses mo?” tanong niya sa anak.

“N-nay… pangarap ko po ang maging sikat na mang-aawit. Sana po payagan ninyo ako,” pahayag ni Betty.

Hindi sumagot si Aling Talen subalit hindi rin siya humindi. Hinayaan niya ang mga taga-media na maitampok at makapanayam si Betty, hanggang sa maimbitahan na itong lumabas sa mga palabas sa telebisyon. May lumapit na ring talent manager para kay Betty upang pamahalaan ang singing career nito.

Naisip ni Aling Talen na bagama’t hindi naging maganda ang kaniyang karanasan, wala siyang karapatan para diktahan o pigilan ang mga gusto ng kaniyang anak sa buhay. Nariyan lamang siya bilang gabay at suporta sa anak na may nag-uumapaw na talento, na kailangang ibahagi sa lahat.

Naging sikat na mang-aawit nga si Betty at ito ang naging daan upang maging maginhawa ang kanilang buhay. Nakilala rin siya sa iba’t ibang panig ng daigdig.

Advertisement