*ring* *ring* *ring*
Agad na sinagot ng amang si Mauricio ang teleponong kanina pa nilang hinihintay na tumunog. Isang oras na ang nakakalipas magmula nang dukutin ng mga armadong kalalakihan ang nag-iisa nilang anak na babaeng si Stella. Hindi na mapakali ang buong pamilya Regalado sa pag-aalala sa kalagayan ni Stella, kaya naman laking pasasalamat nila nang sa wakas ay magring na ang telepono nila.
“Huwag na huwag kayong hihingi ng tulong sa pulis. Kung hindi, hindi niyo na maabutang buhay ang anak ninyo!” sigaw ng lalaking napakalaki at nakakatakot ang boses.
Nagsimula nang maghagulgulan ang inang si Vicky at ang kasambahay nilang si Marge. Maging ang panganay na kapatid na si Enrique ay nakikitaan na ng luha sa kanyang mga mata, kahit pa madalas ay makaalitan niya ang bunsong kapatid.
“Yes, yes boss. Makikinig ako. Lahat, gagawin ko! Parang awa niyo na! Huwag niyo siyang sasaktan!” pagsusumamo ni Mauricio, ama ng dalaga.
“Isang milyong piso. Ilagay ninyo sa itim na plastic bag. ISANG MILYON SA ITIM NA PLASTIK, itapon ninyo sa Laktuwan Bridge. Saktong alas diyes ng gabi. Isang pagkakamali ninyo, o hindi niyo pagsunod, o di kaya naman ay pagtawag niyo ng pulis, tapos na ang usapan. Hindi niyo na makikita ang anak ninyo magpakailanman,” mariing sabi ng lalaki.
Natigilan ang lahat nang marinig nila ang hiyaw ni Stella sa telepono na tila ba pinapalo ng isang matigas na bagay.
“Diyos ko! Heto na, ihahanda na ang pera! Utang na loob! Tama na! Huwag niyong saktan ang prinsesa namin!” ani Mauricio.
“Isang milyon, itim na plastik bag, alas diyes, laktuwan bridge. Intiendes?” paulit ulit na sabi ng lalaki, sa ikatlong beses ay ibinaba na nito ang telepono.
Nagmadaling inihanda ni Mauricio ang sasakyan, habang tumatawag naman sa bangko si Vicky upang ipagbigay alam na magwiwithdraw sila ng isang milyong piso. Habang si Enrique nama’y nagsasabi sa pulis na hindi na nila kailangan pang hanapin si Stella dahil nakauwi na ito, Takot kasi silang pag biglang nangialam ang pulisya ay katapusan na ni Stella.
Pagpatak ng alas nuwebe ng gabi, nagsimula nang bumiyahe ang pamilya. Saktong alas diyes ay inilagay nila sa tabi ng tulay ang plastik bag na naglalaman ng isang milyong piso. Saktong limang minuto matapos nilang gawin iyon, natanggap nila ang tawag ng kasambahay na si Marge na nagsasabing naroon na si Stella. Ayon sa dalaga, hinagis daw ang nakagapos niyang katawan sa tapat ng gate nila sabay harurot ng sasakyan ng mga salarin. Hinang-hina raw ang katawan nito at nanginginig dahil sa takot, ngunit walang galos o kahit anong marka ng pang-aabuso.
Laking pasasalamat nila nang marinig ang balitang iyon. Agad silang umuwi at nagpatawag ng pulis upang magtalaga muna ng mga security sa labas ng kanilang bahay.
Kinabukasan, halos hindi nakatulog ang lahat noong nakaraang gabi dala ng labis na takot at kaba sa mga nangyari. Kaya naman labis ang pagtataka ni Enrique nang makitang ligalig na ligalig at halatang busog sa tulog si Stella. Hindi na lamang niya iyon pinansin dahil inisip niya rin na baka pagod lamang ito mula sa nangyari sa kanya.
Nang mga sumunod na araw, napansin naman ng inang si Vicky ang mga bagong designer bags at shoes sa loob ng kwarto ng kanyang anak. Takang-taka si Vicky dahil kahit pa mayaman sila, pinalaki ni Mauricio ang kanyang mga anak na hindi bulagsa sa pera. Dahil isa siyang businessman, nais niyang lumaking masinop sa pera ang mga anak niya.
Masaya ang mag-asawa sa naging resulta nito kay Enrique, ngunit madalas ay mangamba sila kay Stella. Lumalaki kasi ang dalaga na maluho at bulagsa sa pera. Kaya naman laking pagtataka ni Vicky kung saan nakuha ng dalaga ang perang pambili ng mga mamahaling mga gamit.
“Anak? Saan mo nakuha ang pambili mo nito? Aba’y daig mo pa ako ah? Malaki ang kinikita ko sa sarili kong negosyo ngunit di ako bumibili ng ganyan,” pabiro pang tanong ni Vicky sa anak.
Magpapaliwanag pa sana si Stella nang biglang galit na galit na dumating ang kuya niyang si Enrique na may kasama pang mga pulis.
“Ma! Kausapin niyo ‘yang anak ninyo! Lumalaking suwail! Paano mo nagawa sa amin ‘yon?!” sigaw ni Enrique.
“Ha? Anong nangyayari, anak?” tanong naman ni Mauricio nang lumapit ito dahil sa narinig na komosyon.
“‘Yang magaling niyong anak, siya pala ang may pakana ng sarili niyang kidnapping! Aba, best actress!”
“Totoo ba iyon, Stella?” tanong ni Vicky sa anak ngunit hindi ito umiimik.
“Totoo ho, Mrs. Regalado. Katunayan ho’y kaya kami nandito e dahil lumapit sa amin ang mga kasabwat ng anak ninyo. Tinakbuhan daw sila at hindi na binayaran matapos makuha ang isang milyon. Mga binatilyo lamang din at wala pang masyadong alam sa buhay. Hindi ko nga rin ho maintindihan kung bakit sa amin sila lumapit,” sagot ng pulis na kasama ni Enrique.
Naglupasay na sa sahig at nag-iiyak si Stella.
“Stella! Tumigil ka! Hindi ka na bata, 17 years old ka na! Tumayo ka d’yan! How dare you do that to your own family?! ” sigaw ni Mauricio. Gulat na gulat ang lahat dahil bihira lamang itong sumigaw at magalit.
Nag-uwian na ang mga pulis upang hayaang makapag-usap ang pamilya.
“So- sorry, papa! SORRY! E kasi, masyado kayong mahigpit sa akin pagdating sa pera. Gusto ko namang makipagsabayan sa friends ko! Magpasosyal minsan, kasi kaya naman natin e! Mayaman tayo! Si kuya, magaling sa business. E paano ako? Wala! The only way para magkaroon ako ng pera e yong ginawa ko!” humahagulgol na sabi ni Stella.
“Tumigil ka na. Hindi ka nakakaawa, Stella. Itigil mo ang iyak mo. You know what? Napakatagal mo ngang na-spoil sa amin ng papa mo dahil bunso ka namin. Ibang-iba ang pagpapalaki namin sa kuya mo. But see, he turned out well! At ikaw, ikaw pa ang nakukulangan?! Kailangan ba isang daang libo ang allowance mo every month?! Lahat ng luho mo bilhin?! Matuto kang magtrabaho! Paano pag nawalan na kami? PAANO KA?” litanya ng inang si Vicky matapos sampalin ng malakas ang anak na nagpapapadyak pa sa sahig kanina.
Tila ba natauhan ang dalaga mula sa mga narinig. Aminado siyang naging labis siyang makasarili at masyadong mapaghangad. Napakaginhawa na ng buhay niya ngunit nagawa niya pang lokohin ang pamilya niya nang dahil lamang sa pera.
Napagkasunduan nila na magtatrabaho na si Stella sa kanilang kompanya sa oras na maka-graduate na ito. Gagawin niya iyon hanggang maibalik niya ang isang milyong pisong inilabas ng kanyang pamilya nang magpanggap siyang nakidnap.
Mula noo’y pinagtutukan ng mag-asawa ang kanilang bunsong anak at sinigurong magiging handa ito para sa panahon ng kanilang paglisan sa mundo.