Inday TrendingInday Trending
Hindi Ikaw, Siya ang Niloloko Ko

Hindi Ikaw, Siya ang Niloloko Ko

Dalawang taon na ang lumipas nang sagutin si Keith ng kanyang nobya na si Andrea. Gayunpaman, hindi pa rin maipakilala ng dalaga ang kanyang nobyo sa kanyang mga magulang.

“Babe, happy anniversary! I love you! Baka pwede ipakilala mo na ako sa parents mo? Iyon na lamang sana ang regalo mo sa’kin,” masayang sabi ni Keith sabay bigay ng maliit na regalo sa dalaga.

“Thank you! Pasensya na. Hindi ko pa rin kaya na ipakilala ka sa kanila. Baka kasi hindi ka matanggap ng mga magulang ko,” sagot naman nito kaya nalungkot ng husto ang binata.

“Okay, sige. Tara na, kumain nalang tayo sa labas at manood ng sine tapos ihahatid na kita sa inyo,” matamlay na sabi ni Keith.

“Wag mo na akong ihatid, susunduin daw ako ng pinsan ko mamaya dito kaya dalian na lang natin ha? May pupuntahan kasi kami nila mommy,” pagkatapos iyon sabihin ni Andrea ay hinatak na niya ang kanyang nobyo sa paborito nilang kainan. Pagkatapos nilang kumain ay dumeretso na sila sa sinehan na nagtagal ng halos dalawang oras.

“Grabe yung palabas, ang daming nakakagulat,” sabi ni Keith habang naglalakad-lakad sa mall at hawak ang kaliwang kamay ni Andrea.

“Ah. Oo nga eh. Maganda nga yung palabas. Wait lang ha,” sagot nito sabay bitaw sa kamay ng nobyo. Napansin ni Keith na buong date nila ay nakahawak ang dalaga sa kanyang telepono na tila may ibang kinakausap.

“Sino ba yang kausap mo? Kanina ka pa pindot ng pindot dyan ah,” sabi nito sabay hablot ng telepono ng nobya. Nagulat ito ng makita ang laman ng telepono na puro mensahe mula sa ibang lalake kaya kinausap niya ito bigla.

“Sino ‘to? Sino si Andrew?” gulat na tanong ni Keith. May kaunting kalakasan ang pagkakasabi niya kaya napatingin ang ilang mga tao na nakapaligid sa kanila.

“Babe, wag dito. Mag-usap tayo sa lugar na tayong dalawa lang,” sabi naman ni Andrea. Agad na naglakad papalayo ang binata kaya sinundan ito ng kanyang nobya. Nang makarating sila sa isang lugar na tahimik ay muli niya itong kinausap.

“Kailan pa?! Kailan ka nagsimulang magloko, Andrea?!”

“Hindi kita niloloko, Keith,” sagot naman ni Andrea.

“Hindi mo ako niloloko? E ano ‘to? Sino ‘tong kabit mo?” gigil na tanong ng lalake.

“Hindi nga kita niloloko. Kasi, ang katunayan, siya ang pinagtataksilan ko. Matagal siyang nawala, kaya’t ang akala ko ay hindi na siya babalik kaya sinagot kita. Matagal na kaming kasal. Ikaw yung kabit ko, Keith. Sorry. Ngayong alam mo na, itigil na natin ‘to,” sagot ni Andrea na labis na ikinagulat ng binata. Pagkatapos ay kinuha nito ang kanyang telepono kay Keith at tuluyan nang umalis. Naiwan si Keith sa isang sulok na tulala at puro tanong sa kanyang isipan.

Pagkauwi nito ay tinawagan niya ang manager ng kanyang pinapasukan para magresign sa trabaho.

“Yes, Keith? Bakit napatawag ka?” tanong ng kanyang boss pagkasagot ng kanyang tawag.

“Good evening po, Sir Peter. Magreresign na po sana ako sa trabaho. Alam kong hindi dapat dalhin sa trabaho ang personal na problema pero ayaw ko pong makasama ang dati kong nobya sa aking pinapasukan. Sana po ay naiintindihan niyo ako,” matamlay na sagot nito.

Naging maluwag naman sa kanya ang kanyang boss, sa isip din kasi nito’y baka makaapekto sa kalidad ng gagawing trabaho ni Keith ang pagkawasak ng kanyang puso. Agad na-aksyunan ang kanyang immediate resignation. Pagkatapos nito ay dumeretso na sa bahay ang binata dala dala ang sandamakmak na alak. Araw-araw itong naglalasing para makalimutan ang dating kasintahan.

Makalipas ang ilang buwang pagluluksa at paglalasing ni Keith ay natauhan ito bigla. Napansin niya na walang mapupuntahan ang paglalasing niya kaya napagdesisyunan nito na bumangong muli at maghanap ng panibagong trabaho para mayroon siyang bagong libangan na makakatulong para tuluyang makalimot.

“Magandang araw po, itatanong ko lang po kung hiring pa rin kayo?” tanong ni Keith sa isang empleyado ng isang sikat na kainan.

“Oo naman, tumuloy ka lang sa opisina na makikita mo pag dineretso mo ito,” sagot naman nito sa binata. Pagkalipas ng isang oras na pag-uusap ni Keith at ng manager ng restaurant ay natanggap na ito bilang isang sous chef. Kinabukasan ay pumasok na agad ito sa trabaho, ipinakita ni Keith ang galing nito sa pagluluto kung kaya’t napansin siya ng mga customer.

“Ang galing mo naman magluto, parang lahat ay kaya mong lutuin,” pamumuri sa kanya ng isa ng matandang lalake.

“Salamat po, maaga po kasi akong tinuruan ng aking ina sa pagluluto,” sagot naman nito.

“Tama ang pagpapalaki sa iyo ng ina mo. Mabait, masipag, magalang at masarap magluto. Ganyan ang gusto kong mapangasawa nitong anak ko,” sabi ng lalake sabay turo sa anak. Napansin ni Keith ang dalaga na naka-ngiti sa kanya kaya nginitian niya rin ito.

Naging mabilis ang takbo ng mga pangyayari. Mula nang gabing iyon, mula nang magkakuhaan sila ng numero ay naging walang tigil na ang pag-uusap ng dalawa. Hindi nagtagal, niligawan ni Keith ang dalaga at dahil sa kabutihan nito ay sinagot siya ng bago niyang nobya.

“Babe, tara sa bahay. Papakilala ulit kita sa parents ko pero ngayon, bilang boyfriend na,” naka-ngiting sabi ni Louise.

“Talaga babe? Sige. Ano pang hinihintay natin? Tara na!” masayang sagot naman ng binata. Natuwa naman ang mga magulang nito sa desisyon ng dalaga. Napag-alaman ni Keith na halos pareho pala sila ng pinagdaanan ng babae. Naloko rin ito noong ng isang lalaki na may-asawa na pala. Ipinagluto rin ni Keith ang pamilya ni Louise ng mga paborito nilang pagkain.

Simula noon ay naging malapit na agad si Keith sa pamilya ni Louise. Napagtanto niyang mabuti na lamang ay iniwan siya ng una niyang kasintahan, dahil kung hindi ay hindi niya makikilala ang babaeng sigurado na siyang papakasalan niya balang araw.

Advertisement