Isang Order ng Siomai Para sa Pulubi
Sa isang building sa Quezon City, kilala na ang isang pulubi na madalas ay palaboy-laboy sa tapat nito. Ang haka-haka ay baliw na raw ang lalaking iyon, kaya naman walang nagtatangkang lumapit sa kanya dala ng pandidiri at dala rin ng takot na baka saktan sila nito.
“Celestine, tara bili tayo ng meryenda sa baba!” paanyaya ni Anna sa kanyang ka-opisina.
“O sige, tara! Bilisan natin ha, kasi 20 minutes lang ang break ko e,” sagot nito sabay kuha ng kanyang wallet.
Nang makababa, bumili ng dalawang order ng siomai si Celestine habang isang order naman ng kwek-kwek ang kay Anna.
“Dalawa? Ang lakas mo palang kumain!” pagtatakang tanong ni Anna, ngayon lang kasi niya nakasabay bumili ng meryenda si Celestine.
“Ay, hindi. Isa lang ang sa akin. Wait lang ha? Saglit lang ako,” paalam ni Celestine sabay lakad patungo sa direksyon ng isang pulubi.
“Kuya Elmer oh! Mag-meryenda ka muna. At heto ang sago’t gulaman, pinalagyan ko ng yelo ‘yan. Ubusin ho ninyo ‘yan at napakainit pa naman ng sikat ng araw!” bilin ni Celestine habang inaabot ang mga pagkain sa madungis na pulubi.
“Ay, hija! Salam-” hindi na natapos ng pulubi ang pasasalamat dahil biglang hinatak papalayo ni Anna si Celestine.
“Ano ka ba naman? Baliw ‘yan e! Baka mamaya kung ano pang gawin sa’yo! Tingnan mo nga, grabe kung makangiti sa’yo! Hindi ka ba natatakot?!” tanong ni Anna.
“Ha? Bakit naman ako matatakot? Wala namang ginagawa si kuya na masama ah. Saka araw-araw ko siyang binibilhan ng siomai tuwing meryenda. Nakangiti siya kasi nagpapasalamat! Masama ba ‘yon? Tara na nga! Male-late na tayo!” sagot nito.
Sanay na sanay na si Celestine sa mga ganoong payo mula sa mga taong nakakakita ng pagbibigay niya ng pagkain sa pulubi. Sangkatutak na abiso at babala na rin ang naririnig niya na huwag nang lalapitan ang pulubi dahil mukha raw iyong masamang tao. Gayunpaman, hindi siya nagpapapigil sa kahit na sino at panay ang pagbibigay ng tulong dito. Bukod sa siomai na madalas niyang ipameryenda rito, madalas din niyang abutan ito ng iba’t iba pang pagkain.
“Bahala ka! Basta sinabihan na kita ha?” maiksing sagot ni Anna.
Isang biyernes, ginabi na si Celestine ng uwi dahil natambak na trabaho ng isa niyang kasamahang biglaan na lamang nagresign. Nauna na ring umuwi ang mga kasamahan niya dahil biyernes nga naman at araw iyon ng gimmickan ng mga nagtatrabahong tao kaya naman mag-isa siyang babiyahe pauwi sa kanila sa gabing iyon.
Habang nag-aabang ng masasakyang jeep, isang matulis na bagay ang naramdaman ni Celestine sa kanyang tagiliran.
“HOLDAP ITO! IBIGAY MO SA AKIN ANG LAHAT NG GAMIT MO!” bulong ng lalaki habang nakaakbay ito sa kanya. Gusto niyang sumigaw upang humingi ng tulong ngunit nangibabaw ang takot niya na iturok na lamang bigla ng di kilalang lalaki ang hawak nitong patalim sa kanyang tagiliran.
Ibibigay na ni Celestine ang kanyang bag na naglalaman ng sweldo niya para sa buwan na iyon, nang biglang…
“BLAG!”
Isang malakas na kalabog ang kanyang narinig. Naging napakabilis ng pangyayari, ilang sandali lamang ay nakita niyang nakahandusay na sa lapag ang lalaking holdaper. Isang anino ng lalaking tumulong sa kanya ang pilit niyang inaaninag dahil pakiramdam niya’y mawawalan na siya ng malay dala ng labis na takot at nerbyos. Maya-maya pa’y tuluyan na nga siyang nawalan ng malay at bumagsak din ng sahig.
Nagising si Celestine sa ingay ng ambulansya, ng mga pulis at ng ilan sa mga ka-trabaho niya.
“Celestine! Kumusta ang pakiramdam mo?! Sabi ko na sa’yo e! Etong g*gong ‘to ang gumawa niyan sa’yo ‘no?! Walang utang na loob!” sigaw ni Ken, isa sa mga kasamahan niya sa trabaho na nanggaling pang inuman at pumunta lamang doon nang mabalitaan ang pangyayari.
“Hala! Hindi! Kuyang Pulis, pakawalan niyo siya! Hindi siya ang may sala. Ayan oh! ‘Yang lalaking walang malay! ‘Yan ang nangholdap sa akin!” sigaw ni Celestine. Bago pala siya himatayin ay nakita niyang ang pulubi pala ang humampas ng bato sa ulo ng lalaking holdaper upang sagipin siya.
Matapos ang komosyon, napatunayan ang mga pangyayari nang mapanood ng lahat ang kabayanihan ng pulubi sa isang CCTV na nakalagay malapit sa lugar ng pinangyarihan. Agad nakulong ang maysala at labis labis naman ang papuri ng tao, maging ng media, nang mabalitaan ang kabayanihan ni Mang Elmer.
Dahil sa nangyaring iyon, bumuhos ang tulong sa pulubi. Sa isang interview, napag-alaman na iniwan pala si Elmer ng kanyang pamilya nang siya ay mawalan ng lisensya bilang isang abogado ilang taon na ang nakakalipas. Ni isa ay walang tumulong sa kanya, maging ang ilang kaibigan, kamag-anak, o kakilala niya. Tanging si Celestine lamang ang pumansin sa kanya.
Natutunan ng mga tao na ‘wag manghugsa ng kapwa lalo na’t kung hindi mo alam ang istorya ng kanilang mga buhay. Nawa’y lahat tayo’y maging kagaya ni Celestine na marunong kumilatis ng tao nang hindi nagbabase sa anyo o estado nito.