Inday TrendingInday Trending
Kapalit ng Hirap

Kapalit ng Hirap

“Naku, Helen bakit narito ka? Hindi ka man lang nagpasabing uuwi ka,” sabi ng inang si Aling Vita.

“Nay, niloko po ako ng ahensiyang inaplayan ko. Nang dumating ako sa Hongkong ay wala palang naghihintay na trabaho sa akin. Kaya gumawa na lang ako ng paraan para makahanap ng mapagkakakitaan doon, nakapasok naman ako bilang caretaker sa isang bahay ngunit pilit pa rin akong pinauwi. Kung hindi raw ako susunod ay irereport ako at ipapakulong,” mangiyak-ngiyak na wika ng dalaga.

Para makaalis papuntang Hongkong ay tinulungan pa siya ng kanyang tiyuhin na si Tiyo Termio at sinagot ang kanyang placement fee ngunit wala rin palang nangyari.

Kahit pa labag sa kalooban ay umalis si Helen para mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya. Sa una ay hindi payag mga magulang sa pangingibang bansa niya. Natatakot ang mga ito na baka mapahamak lang siya sa pagtatrabaho sa malayong lugar ngunit pinaunawa niya sa mga ito ang magandang maidudulot ng kanyang pag-alis. Maaaring mabago ang kanilang kapalaran at magkaroon ng magandang buhay.

Lumipas ang ilang buwan ay hindi na siya nakapagpadala ng pera. Alalang-alala ang kanyang mga magulang sa hindi niya pagpapadala at ngayon nga ay ang pag-uwi nito ng hindi inaasahan.

“Hayaan mo na, anak. Ang mahalaga ay nasa mabuti kang kalagayan,” wika ni Aling Vita sa anak at mahigpit itong niyakap.

“Ang mahalaga ay ligtas kang nakauwi rito, anak,” wika naman ng amang si Mang Narciso.

Sa pag-uwi ni Helen ay di nila namalayan na mayroon pa pa lang problema. Nalaman ng kanyang pamilya na ang ibinigay ng kanyang Tiyo Termio na placement fee ay hindi pala tulong. Ito pala ay utang na mayroong napakalaking interes. Hindi nila malaman kung ano ang gagawin dahil wala silang ibang pagkukuhanan ng pambayad.

“Akala ko naman po ay tulong niyo na sa akin ang ibinigay niyong pera. Wala naman po kayong sinabi na utang iyon,” sabi niya sa tiyuhin.

“Pasensya na, pero hindi na uso ang tulong. Lahat ay mayroon ng kapalit. Wala ng libre sa panahon ngayon kaya kailangan niyong bayaran ang perang ibinigay ko sa iyo noon para makaalis.

“Pero alam niyo naman ang nangyari sa akin di ba? Wala po akong maibabayad sa inyo dahil wala na pong natira sa naipon kong pera,” aniya.

“Aba, kasalanan ko ba iyon? Gawan ninyo iyan ng paraan kundi ay ang lupa na kinatitirikan ng bahay ninyo ang kukunin kong kapalit,” pagbabanta ng tiyuhin.

Lumapit sila sa mga maaari nilang mautangan ngunit walang nagpautang sa kanila dahil nga sa sitwasyon nila kaya wala rin silang nagawa. Nang wala silang maipambayad ay kinuha ng kanyang tiyuhin ang kanilang lupa. May awa pa rin ito at itinira ang kanilang bahay na malapit sa taniman ng gulay.

Dahil walang trabaho si Helen ay pinagtiyagaan nila ang kinikita ng kanyang mga magulang sa pagtitinda ng lutong ulam. Malaking tulong iyon para makaraos sila sa araw-araw. Pinagkakasya nina Mang Narciso at Aling Vita ang maliit nilang kita habang hindi pa nakakahanap ng trabaho si Helen.

Hindi nagtagal ay isang magandang oportunidad ang dumating. Sinabihan siya ng kanyang Tiya Marinela na nangangailangan ng domestic helper sa Oman. Mabait ang kanyang tiyahin na nagtatrabaho sa nasabing bansa kaya nang malaman nito na naghahanap siya ng trabaho ay hinanapan siya nito. Malayong kamag-anak nila si Marinela ngunit ito pa ang nakatulong sa kanila kaysa sa mga malalapit nilang kamag-anak.

Nakapunta siya sa Oman dahil sa tulong ng tiyahin. Nang makapagtrabaho roon ay naranasan niya ang hirap ng paninilbihan sa mga among Omani. Tinitipid siya ng mga ito sa pagkain kaya hindi siya nakakakain ng maayos. Napakababa rin ng tingin ng mga ito sa kanya bilang Domestic helper. Mababa rin ang kanyang sahod sa kabila ng maghapong paggawa at paglilinis. Pero kahit ganoon ang pakikitungo ng mga amo sa kanya ay maayos pa rin niyang ginagampanan ang kanyang mga trabaho.

Kaya niyang tiisin lahat ng hirap ngunit minsan ay nakaramdam din siya ng takot nang biglang pagbintangan siya ng mga ito na nagnakaw ng pera. Sinaktan at kinulong siya ng mga amo sa kuwarto at hindi pinakain ng tatlong araw. Nang mapatunayan na wala siyang kasalanan ay pinakawalan rin siya ng mga ito ngunit tila nagkaroon na siya ng trauma sa ginawa ng mga amo kaya kinausap niya ang tiyahin na ipasok siya sa ibang trabaho.

“Tiya, pakiusap ayoko nang bumalik sa mga amo ko. Natatakot ako na kapag napagbintangan na naman nila ako ay baka iba na ang gawin nila sa akin,” sumbong niya.

“Huwag kang mag-alala hija at ipapasok kita sa isa ko pang kakilala,” anito.

Ipinasok siya ng tiyahin sa isang coffee shop bilang serbidora. Kumpara sa dati niyang mga amo ay mabait ang kanyang bagong employer. May mga nakasama rin siya roong mga kapwa Pinoy na naging mababait din sa kanya. Sa una ay mayroon pa siyang mga hindi maintindihan sa mga gawain ngunit matiyaga niya iyong pinag-aralan. Pinilit niyang matutunan lahat ng puwedeng matutunan sa kanyang trabaho. Tinutulungan din siya ng mga kasama niya para mas mapabilis ang kanyang pagkatuto.

Napansin ng kanyang employer na napakabilis niyang matuto. Hindi nagtagal ay na-promote siya bilang Assistant manager sa coffee shop.

“Congratulations, hija! Sabi ko na nga ba at magtatagumpay ka, e!” masayang bati ng kanyang Tiya Marinela.

“Salamat po. Kung hindi dahil sa inyo ay hindi ko mararating ito,” aniya sa mapagkumbabang boses.

Dahil sa kanyang pag-asenso ay unti-unting gumanda ang kanilang buhay. Pinatigil na niya ang mga magulang sa pagtitinda ng lutong ulam. Nagpatayo siya ng computer shop sa tapat ng kanilang bahay na katapat naman ng isang pampublikong paaralan at ang pinamahala niya ay ang kanyang ama. May kaalaman kasi sa computer si Mang Narciso dahil nagtrabaho na ito sa computer shop noon. Nakapagpundar din siya ng apat na palapag na paupahan. Nabawi rin nila ang kanilang lupa na inangkin ng gahaman niyang tiyuhin. Nang makita nito ang kanilang pag-asenso ay wala na itong mukhang maiharap sa kanila sa sobrang hiya.

“Anak, ipinagmamalaki ka namin ng iyong ina,” sabi ni Mang Narciso habang kausap ang anak sa skype.

“Kayo po ang inspirasyon ko kaya nakayanan ko pong lahat ng pagsubok,” wika ni Helen sa kabilang linya.

Napagtanto niya na kundi dahil sa sipag, tiyaga at determinasyon niya ay hindi niya maaabot ang kanyang narating. Kaya huwag mawalan ng pag-asawa at magdasal para matamo ang magandang kapalaran.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement