Inday TrendingInday Trending
Sa Muling Pagtatagpo

Sa Muling Pagtatagpo

Sampung taong gulang pa lamang si Totoy ngunit pasan na niya ang bigat ng paghahanapbuhay upang matustusan ang pangangailangan na dapat ang kanyang ama ang gumagawa kung hindi lang sumama sa kalaguyo nito.

Kasalukuyang kasama ng bata ang kanyang ina na tindera ng mga tsinelas sa gilid ng simbahan at dalawang kapatid. Hindi nila naranasang makatikim ng pag-aaral kung saan sila ay natuto sanang sumulat at magbasa man lamang. Hindi rin naranasan ni Totoy ang makapaglaro sa kalsada kasama ang mga batang-kalye na masayang nagtatakbuhan at naghihiyawan dahil imbes na maglaro ay kailangan niyang magtrabaho at tulungan ang ina para may pangtawid sila sa pang-araw-araw. Nagtatrabaho siya bilang kargador at utusan sa palengke. Uhaw man siya sa layang mayroon ang isang bata at sabik man siya sa aruga ng isang ama ay hindi na niya ito iniisip basta’t sapat na sa kanya ang maparam lamang ang gutom ng kanilang pamilya.

“O, Jimboy, Pepay may dala akong pagkain sa inyo. Paghatian ninyo iyan ha. Si nanay ba umuwi na?” tanong ng bata.

“Hindi pa kuya. Hindi pa siya dumadating,” sabi ni Pepay.

“Wow ang sarap nito kuya! Tig-isa kaming tuhog ng barbekyu?” wika naman ni Jimboy.”

“Tig-dalawa kayo ha. Mayroon din diyan si nanay, dalawa rin ang sa kanya,” aniya.

Pagdating sa bahay ay bitbit ni Totoy ang kanyang likod na ngalay sa buong araw na pagkayod at pagbabanat ng buto ngunit hindi makikita sa kanya ang pagod sapagkat kailangan pa niyang pagsilbihan ang kanyang mga kapatid bilang isang panganay. Siya ang nag-aasikaso at nag-aalaga sa mga bata pa niyang kapatid kapag hindi pa dumadating ang kanilang ina galing sa pagtitinda.

Bukod sa pagiging mabait na kapatid at anak ay may pusong matulungin din ang bata. Iyong tipong isusubo na nga lamang niya ay ibibigay pa niya sa kung sinong nangangailangan at nanghihingi ng tulong.

“Salamat, hijo. Napakabuti mo namang bata,” wika ng isang matandang babae na nakita niyang namamalimos sa kalsada. Halatang gutom na ang matanda kaya inabutan niya ito ng biniling tinapay na para sana sa sarili niya.

“Naku, walang anuman po. Magpakabusog po kayo lola,” sabi niya rito.

Isang araw ay isang batang lalaki naman ang tila kumakalam ang sikmura kaya’t nagawang magnakaw ng isang supot ng pagkain sa isang karinderya. Sa kasamaang palad ay nahabol at nahuli ito ng mga kasamahang kargador ni Totoy sa palengke. Tuliro ang bata sa pag-iisip kung paano siya makakawala sa mahigpit na pagkakahawak ng isang lalaki sa kanyang sira-sirang damit at ang mga kamaong nagbabantang ilalapat sa kanyang marusing na mukha. Alintana ni Totoy ang hirap na nararanasan ng batang lalaki habang ito ay kanyang tinatanaw mula sa isang sulok ng pader. Sa di sinasadyang reaksyon ay napasigaw siya ng hindi niya namamalayan kung saan nanggaling ang kanyang lakas ng loob.

“Bitawan niyo po siya at ako na lamang ang magbabayad sa ninakaw niyang pagkain,” sigaw niya sa mga kapwa kargador.

Napalingon sa kanya ang mga lalaking handa na sanang bugbugin ang kaawa-awang bata.

“Aba at nagpapakabayani ka pa ha, bata sa magnanakaw na ito? Pero kung ikaw naman ang magbabayad , e walang problema,” sabi ng lalaking may ari ng karinderya.

“Hoy, pasalamat ka at iniligtas ka nitong si Totoy kundi ay mata mo lang ang walang latay sa amin,” sabad ng isang kargador.

Walang anu-anong dinukot niya sa kanyang bulsa ang kalahati ng kanyang kinita sa maghapong pagtatrabaho sa palengke at ibinigay sa may-ari ng karinderya. Masaya namang nagpasalamat sa kanya ang bata.

“Maraming salamat ha. Di ko alam kung paano makakabawi sa pagtulong mo sa akin,” wika ng bata.

“Ayos lang iyon. Sa susunod ay huwag mo na gagawin iyon. Masama ang magnakaw,” aniya.

“Nakakahiya kasi iyong ikaw pa ang nagbayad sa kinuha kong pagkain,” sabi pa ng kausap.

“Huwag mo iyong intindihin. May natira pa naman sa kinita ko, e.”

Para kay Totoy ay mas mabuti na ang magbigay kaysa siya ang bigyan.

Ilang taon ang mabilis na lumipas. Dalawampu’t walong taong gulang na si Totoy ngunit hindi pa rin niya lasap ang kaginhawaan bagkus ay lalo pa siyang pinahirapan at inilugmok sa pasakit dahil tinamaan ng malubhang sakit ang kanyang ina na ikinaratay nito sa higaan. Hindi na ito nakapagtrabaho dahil ipinagbawal ng doktor na sobra itong mapagod kaya siya ang pumasan sa lahat ng responsibilidad sa kanilang pamilya.

“Ate, ubos na ang gamot ni nanay. Kailan ka bibili?” tanong ng kapatid na si Pepay.

“Kuya, sinisingil na rin tayo ni Aling Bebang sa tindahan. Kung kailan daw tayo makakabayad ng utang?” sabad naman ni Jimboy.

“Huwag kayo mag-alala at gagawa ako ng paraan. Magdo-doble kayod ako sa pagkakargador at e-ekstra na rin ako bilang construction worker para sa mga gastusin natin,” aniya sa mga kapatid.

Nang sumunod na araw, pag-uwi sa kanilang bahay ay nakita niya ang kanyang inang hirap na sa paghinga at naghihingalo kaya’t dali-dali nila itong dinala sa ospital.

“Tatagan niyo po ang loob mo nanay. May awa po ang Diyos. Narito na po tayo sa ospital. Lumaban po kayo para sa aming mga anak niyo,” wika niya sa ina habang patuloy ang pagdaloy ng luha.

“Nanay kapit lang po. Narito po kami sa tabi niyo. Hindi ka po namin iiwan,” hayag naman ni Pepay.

Matapos ang ilang oras ay lumabas ng emergency room ang isa sa mga doktor na sumuri sa kanyang ama.

“Dok, ano pong balita?” maluha-luha pa ring tanong ni Totoy.

“Okay na ang nanay ninyo. Ligtas na siya. Kailangan lang niya ang kumpletong pahinga,” bunyag ng doktor.

Malaking tuwa ang kanilang naramdaman sa ibinalita ng doktor. Ang balitang iyon ang nagpanumbalik sa kanilang pag-asa na muntik nang mawala sa dami ng kanilang pinagdaraanan.

“Nga pala, bayaran niyo na lang ang mga dapat bayaran sa cashier,” pahabol ng doktor.

Pinilit nilang maghagilap ng pera sa kanilang mga kakilala at kapitbahay ngunit hindi pa rin sapat ang nalikom nila para sa tatlong daang libong piso na pambayad sa ospital na pinagpa-operahan ng kanilang ina. Hindi lubos na maisip ni Totoy kung saan kukuha ng ganoon kalaking pera gayong barya lang ang kanyang kinikita.

“Parang awa niyo na po. Baka naman po puwedeng bayaran ko ng paunti-unti ang pambayad sa operasyon ng nanay ko,” pakiusap niya sa babaeng staff.

“Ikaw po ba ang anak ni Elena Montalbo?” tanong ng kausap.

“Ako nga po,” maikli niyang sagot.

“Hindi na po kailangan dahil bayad na po ang lahat ng gustusin,” bunyag ng staff sabay abot sa kanya ng resibo.

“A-ano?” nagtataka niyang tanong.

Inakala ni Totoy na nagkakamali lamang ang babaeng staff ngunit ng ipakumpirma niya ito ay gayon pa rin ang lumabas. Ikinagulat at ipinagtaka niya kung sino ang nagbayad at tumulong sa kanila gayong napakalaking halaga ng perang iyon ngunit nagpasalamat na lamang siya sa Diyos sapagkat hindi sila pinabayaan nito. Isang sulat ang nakita niya kalakip ng resibo at nang kanyang buklatin ay kaagad niya itong binasa.

“Ako nga pala si Dr. Jorrel Mercurio, ang isa sa mga doktor na nag-opera sa iyong ina at ang batang lalaking nagnakaw noon ng pagkain sa karinderya na tinulungan mo ilang taon na ang nakakaraan.”

Hindi napigilan ni Totoy na mapaluha sa kanyang nabasa. Hindi niya akalaing babalik sa kanya ang kagandahang-loob na kanyang itinanim ilang taon na ang nakalilipas. Lubos ang kanyang pasasalamat kay Dr. Mercurio at sa iba pang doktor na tumulong para madugtungan pa ang buhay ng kanyang ina.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement