Inday TrendingInday Trending
Gayuma Para sa Nanlalamig Kong Asawa

Gayuma Para sa Nanlalamig Kong Asawa

Mag-aapat na taon nang kasal sina Eric at Nadine, kasabay rin nito ang sunod-sunod na paglaki ng apat nilang anak. Kaya naman mula sa pagiging maganda, seksi at malambing na asawa ay naging pagod, dabyana at mainitin ang ulo ng babae.

“Alam mo mare, nung isa pa lang ang anak namin ni Eric ay okay pa ang pagsasama namin. Mainit pa kami sa isa’t-isa at kaunti lang ang away pero noong nagsunod-sunod na ang mga bata at itong nagsipaglakihan pa ay mas lalong tumindi ang away namin. Parang hindi ko na siya asawa,” galit na pahayag ni Nadine.

“Baka naman kasi mare ikaw ang may problema, baka kasi lagi ka na lang galit sa kanya,” wika naman ni Janna, matalik na kaibigan at kumare ng babae.

“E paano ba naman hindi iinit ang ulo ko sa kanya, hindi na nga siya marunong tumulong sa bahay ay hindi pa niya maalagaan ang mga anak namin. Wala nang katapusan yung trabaho ko, tapos sasabihin niya sa akin na pagod din siya sa trabaho? Gusto kong isampal sa kaniya yung katotohanan na sa trabaho niya may break time sila, tayo bang mga nanay may ganun? Hindi ba’t wala, kasi simula umaga hanggang pagtulog mo nanay ka,” galit na sagot ni Nadine dito.

“Kita mo iyan, ako pa lang itong kausap mo pero galit na galit ka na. Kalma ka lang mare, baka kailangan niyo lang ng honeymoon ulit ni Eric o di kaya naman lumabas kayo na parang dati,” saad ni Janna.

“Ayaw ko nang ganyan kasi gagastos pa kami diyan. Ang gusto ko yung parang lalambot siya, susunod siya sa mga gusto ko at yung para bang humaling na humaling siya sa akin ulit,” sabi naman ni Nadine.

“Ay mare, gayuma ang kailangan mo at mahirap iyan,” natatawang sagot ni Janna sa babae.

Hindi naman sumuko si Nadine at naalala niya ang kwento sa kaniya ng kapitbahay nila noong bata pa siya. Kailangan daw ay pakuluaan niya ang salawal na apat na araw niyang ginamit at saka painumin sa kaniyang mister.

Kaya naman pinaulit-ulit niya ang isang salawal sa apat na araw at pinakuluan ito ng halos 30 minuto, medyo kulay lupa na ang tubig na nasa kaldero.

“Mahal, mag kape ka muna,” malambing na pahayag ni Nadine sa kaniyang asawa sabay abot ng inumin dito.

“Wow naman, mukhang maganda gising ng misis ko ngayon ha. Salamat sa kape ha,” saad ni Eric dito.

Nakangiti lamang si Nadine habang tinititigan niya ang asawa na iniinum ang kape na ginamit nyang tubig ay ang gayuma na kaniyang ginawa. “Ewan ko na lang kung hindi ka magkandarapa pauwi lagi dito sa bahay,” isip-isip pa ng babae.

“Masarap mahal! sana araw-araw akong may kape na ganito kasarap,” bati pa ni Eric at hinigop ng isang lagok ang kape. Napalunok naman ng laway si Nadine nang maalala niya na kung gaano kadumi ang kaniyang salawal.

Pumasok na ang kaniyang asawa sa trabaho at masayang masaya si Nadine dahil alam niyang eepekto ito, naalala niya pa ang kwento ng kanilang kapitbahay dati na pagkatapos daw niyang gamitin ito ay nagkukumahog ang kaniyang asawa na parang asong nababaliw sa kaniya.

“Mahal, pauwi na ako,” wika ni Eric sa kaniyang misis sa text.

“Olala! Wala pang isang oras ay gusto nang umuwi agad ng mister ko, mukhang umepekto na ang gayuma. Isa kang henyo Nadine!” isip-isip ng babae at naligo siya kaagad habang tulog pa ang kaniyang anak.

Pagkarating ni Eric ay agad itong dumiretso sa banyo, ang lakas ng tunog at alam ni Nadine na hindi maganda ang tiyan ng kaniyang mister. Nagpabalik-balik pa ang lalaki sa banyo at doon na kinabahan si Nadine.

“Mahal, ano bang nakain mo at bakit nagtatae ka?” tanong ng babae.

“Sa totoo lang mahal, yung kape pa lang ang laman ng tiyan ko. Sanay naman ako sa kape pero hindi ko alam bakit nasira ang tiyan ko,” wika ni Eric habang namimilipit sa sakit.

“Inumin mo itong diatabs para tumigas, kasalanan ko iyang nangyayari sayo,” nahihiyang sabi ni Nadine.

“Ano kasi, may orasyon yung pinainum ko sayong kape, gayuma ba,” dagdag pa ng babae.

“Bakit mo naman ako gagayumahin?” tanong ni Eric.

“E kasi lagi kang malamig sa akin. Laging parang ayaw mo dito sa bahay, wala na yung dati kong asawa na sabik sa akin, na mahal ako. Kaya naisipan kong gumawa ng gayuma para bumalik ang dati mong init sa akin,” saad naman niya.

“Hindi ko alam kung magagalit ako sayo o matatawa. Pero hindi mo ako kailangan gayumahin kasi ako pa rin naman yung lalaking may gusto sayo at mahal na mahal ka. Kaya lang naman tayo laging nag aaway dahil palagi mo na lang akong pinag-iinitan na gumawa sa gawaing bahay tapos lagi mainit ulo mo, nakabulyaw ka palagi sa akin. Kaya hindi na lang ako nagsasalita, kasi lagi na tayo nag-aaway,” paliwanag ng lalaki.

“Hindi gayuma ang sagot sa relasyon natin Nadine. Ang kailangan natin ay mag-usap kung paano natin mapapagaan ang buhay ng isa’t-isa lalo na ngayon na lumalaki ang mga bata. Alam kong nahihirapan ka na pero sana naman kapag umuwi ako ay huwag laging sigaw at reklamo ang binibigay,” dagdag pa nito.

“Patawarin mo ako Eric, hindi ko na napansin yung problema natin at gayuma agad ang naisip ko,” niyakap nya ang asawa.

Ngayon ay nahimasmasan ang babae dahil imbes na gayuma ang kanyang magawa ay mukhang lason pa yata ang kinalabasan nito. Tama rin ang kaniyang asawa na hindi gayuma o ano pa mang orasyon ang sagot sa kanilang mga problema kundi ang tamang pag-uusap bilang mag-asawa.

Sa kabilang banda naman ay hindi na niya pinaalam pa kung paano niya ginawa ang gayuma dahil baka ito pa ang maging mitsa ng totoo nilang pag-aaway.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan

Advertisement