Isang Bata ang Kinupkop at Inalagaan Niya Kahit Salat Din ang Buhay Nila; Hindi Niya Inaasahan ang Magiging Kapalit Nito
Sa hindi niya na mabilang na pagkakataon ay naagaw ng isang batang lalaki ang atensiyon ni Lupe.
Nakaupo lang ito sa isang tabi habang pinapanood ang mga kapwa nito bata na masayang naglalaro.
Ang mukha nito ay kababakasan ng inggit. Tila kasi walang nais makipaglaro sa bata.
Maya-maya ay nilapitan ito ng tatlong batang lalaki.
“Hoy, Sonny! Umalis ka rito, ayaw namin makipaglaro sa’yo!”
“Sabi ng nanay ko, malas ka raw!”
“Oo nga, tapos b0b0 pa!” sabay sabay na panunudyo ng mga bata bago tumatawang tinalikuran ang batang tinawag na si “Sonny.”
Nabigla si Lupe sa akusasyon ng mga paslit. Napayuko lamang ang bata.
Hindi na siya nagtaka nang ilang sandali lang ay bagsak ang balikat na naglakad palayo ang bata.
“Psst, bata!”
Nanlalaki ang matang nilingon siya nito.
“Ako po?” gulat na tanong nito habang nakaturo sa sarili. Marahil ay hindi ito sanay na binibigyan ito ng atensiyon.
“Oo, ikaw. Bakit hindi ka makipaglaro sa mga bata?” nakangiting usisa niya.
Nakayuko ang bata nang sumagot. “A-ayaw po nila s-sa’kin. M-malas daw po ako saka b-b0b0,” utal-utal na tugon nito.
Hindi maiwasang malungkot ni Lupe. Sa murang edad kasi ng bata ay tila sanay na sanay na ito makarinig ng masasakit na salita mula sa iba. Sa klase ng pagsasalita ng bata, halata ring wala itong kumpiyansa sa sarili.
“Ano ka ba! Hindi totoo ang sinasabi nila. Walang taong b0b0, at lalong walang taong malas! ‘Wag kang makikinig sa kanila, okay?” sagot niya sa bata.
Malungkot na tumango ang bata bago nagsimulang maglakad palayo.
“Sonny ang pangalan mo, hindi ba?” pahabol na tanong niya sa bata. Likas siyang mahilig sa bata lalo pa’t isa siyang guro kaya naman hindi niya maatim na pauwiin na lang basta basta ito.
Takang nilingon siya nito. “O-opo, bakit p-po?”
“Gusto mo bang sa bahay na lang namin maglaro? May anak ako na kaedaran mo lang, si Rian, gusto mo siya na lang ang kalaro mo? Hindi ka niya aawayin,” nakangiting paanyaya niya sa bata.
Nagliwanag ang mata nito bago sunod-sunod na tumango.
Natutuwang minasdan ni Lupe ang batang si Sonny na maganang-maganang kumakain.
“Sonny, ano ka ba naman! Dahan-dahan ka sa pagkain, baka mabilaukan ka!” paalala niya sa bata.
Huminto ang bata at uminom ng tubig. “Sorry po. Ngayon lang po kasi ako nakakain ng ganito. Ano po bang tawag dito?”
Nagtatakang inusisa niya ang bata. “Ngayon ka lang nakakain ng chicken?”
“Opo. Sa bahay po kasi ni Papa, laging kanin at asin lang ang kinakain ko. Sila po, masarap lagi ang ulam, pero ako, ‘yun lang po lagi ang ulam ko.”
Natigagal si Lupe sa narinig.
“Sabi po kasi ni Tito, malas daw ako, dahil daw sa akin kaya hindi na namin kasama sila Mama at Papa. ‘Yung bago naman pong asawa ni Tito, si Tita Delia, lagi po akong sinisigawan saka pinapalo. Hindi rin po nila ako pinapapasok sa school kasi sayang daw ang pera. Kaya po ako tinatawag na b0b0 kasi ‘di ako marunong magbasa at magsulat,” dire-diretsong kwento pa ng bata.
Tila nais maluha ni Lupe sa narinig. Awang-awa siya sa sinapit ng bata. Subalit may galit din na bumangon sa kaniyang dibdib.
“O sige, kapag pinapalo ka sa inyo, o ‘di kaya ay gusto mong manood ng TV, o maglaro, punta ka dito sa bahay ko. Minsan masarap din ang ulam namin kaya pwedeng dito ka kumain, okay ba ‘yun?”
“Opo, salamat po!” natutuwang sagot nito.
“‘Nay, kawawa naman si Sonny, pwede bang dito na lang siya sa atin?” narinig niyang pakiusap ng anak niyang si Rian, na agad na nakasundo ni Sonny.
Hindi niya direktang masagot ang anak. Bilang isang teacher kasi ay kakarampot lang naman ang kinikita niya.
Subalit may parte rin sa kaniya na nagnanais na mabigyan ng mas maayos na buhay ang batang si Sonny. Bilang ina kasi, hindi niya maatim na ang musmos na gaya nito ay minamaltrato ng sarili nitong pamilya.
Agad niyang inilapit sa isang social worker ang kaso ni Sonny. Sa hindi nila malamang dahilan ay ayaw pakawalan ng mga ito ang bata. Nagulat pa siya nang malamang maalwan pala ang pamumuhay ng pamilya nito. Bakit hindi maalagaan ng pamilya ang bata?
“Bakit ho ba ayaw niyong ibigay sa kustodiya namin si Sonny? Eh hindi niyo naman inaalagaan ang bata!”
“Wala kayong pakialam kung paano ko gustong palakihin ang pamangkin ko, umalis na kayo!” taboy ng tiyuhin nito sa kanila.
Si Sonny ay maririnig na umiiyak mula sa loob ng bahay.
Wala silang nagawa kundi ang tumawag ng pulis at isumbong ang pamilya. Dahil napatunayan na minamaltrato nga ang bata, walang nagawa ang pamilya ng bata kundi ibigay si Sonny sa social worker.
Hindi magawa ni Lupe na iwan na lamang kung saan si Sonny kaya naman isang desisyon ang nabuo niya kahit alam niya na hindi magiging madali.
“Lupe, sigurado ka ba na ikaw na ang mag-aampon kay Sonny? Hindi birong magpalaki ng dalawang bata, lalo pa’t maliit lang naman ang sweldo mo bilang teacher. Lalo kayong maghihikahos ni Rian niyan,” nag-aalalang wika ng social worker.
“Payagan niyo na ho ako. Natatakot lang ako na mapunta na naman si Sonny sa pamilyang hinid siya aalagaan. At least sa amin ay sigurado ako. May mga naisip na rin naman akong pagkakakitaan,” pakiusap niya.
Sa kabutihang palad ay pumayag ito. Tuwang tuwa naman ang anak niya, at lalong lalo na si Sonny na sa wakas ay nakalaya na sa mapagmalupit nitong pamilya.
Masaya at kontento sila sa payak na pamumuhay. Naging mas makulay ang buhay ni Lupe lalo na’t mas lalong umingay ang bahay at nagkaroon ng kapatid at kalaro si Rian.
Subalit isang araw ay isang surpresa ang dumating. Abogado raw ito ng magulang ni Sonny, at nais nito na sila ang manirahan sa malaking bahay na pag-aari ni Sonny!
Gulat na gulat si Lupe sa sinabi ng abogado. Ang lahat pala ng pera, ari-arian ng pamilya ni Sonny ay pag-aari ng bata. At dahil siya na ang legal na kamag-anak ni Sonny ay siya na ang may karapatan sa pera ng bata hangga’t isa pa itong menor de edad.
Iyon pala ang dahilan kaya ayaw ng pamilya ni Sonny na pakawalan ito.
Tuwang tuwa si Lupe sa nalaman kahit ni katiting ay hindi niya pinag-interesan ang pera ni Sonny.
Natutuwa lang siya malaman na mabibigyan niya ito ng magandang buhay. At dahil doon, nadamay silang mag-ina at nagkaroon din ng mas masaganang pamumuhay.
Akala niya ay mas maghihikahos sila dahil sa nadagdag na miyembro ng kanilang pamilya. Ang hindi niya alam, si Sonny pa pala ang magsasalba sa kanila.
Ang simpleng pagtulong niya pala kay Sonny ang magiging daan upang magkaroon sila ng maalwang pamumuhay.