Todo ang Reklamo ng Dalaga sa Pag-aalaga sa Ulyanin na Ama; Isang Pangyayari ang Magpapaalala ng Kaniyang Pangako Niya Rito
Nasa kalagitnaan ng mainit na diskusyon ang tatlong magkakapatid.
“Hindi! Pagod na pagod na ako kay Tatay! Ilang taon na ba na puro ako na lang ang inasahan niyo para mag-alaga kay Tatay?” pasigaw na bulalas ni Celine sa kaniyang ate at kuya. Sa mukha niya ay bakas na bakas ang matinding iritasyon.
“Celine, hinaan mo naman ang boses mo, nasa kwarto lang si Tatay,” marahang saway ng kaniyang panganay na kapatid na si Harvey.
Bahagya siyang natigilan dahil sa sinabi ng kapatid. Ulyanin na ang kanilang ama at mahina na ang pandinig nito ngunit hindi pa rin niya nais na masaktan ang damdamin nito kaya naman hininaan niya ang kaniyang boses nang muli siyang magsalita.
“Kuya, hindi ba kayo nagiging madamot sa akin? Hindi ko magawa ang mga gusto kong gawin dahil kailangan kong bantayan si Tatay!” katwiran niya.
“Celine, may pamilya na kami ni Kuya Harvey. Hindi namin kayang alagaan si Tatay. Sa ating tatlo, ikaw ang pinaka may kakayahan para bantayan si Tatay dahil sa bahay ka lang nagtatrabaho. Unawain mo naman ang sitwasyon,” pakiusap naman ng kaniyang Ate Irene.
“Ayoko na! Suko na ako! Bakit hindi na lang natin–”
Naputol ang kanilang pag-uusap nang marinig nila ang malakas na palahaw ng kanilang ama.
“Rosalinda! Rosalinda!” tawag ng matanda sa kanilang ina na matagal nang yumao.
Malakas na napabuntong hininga si Celine bago mabilis na tinungo ang silid ng ama.
Agad na napatakip ang magkakapatid sa kanilang mga ilong nang bumungad sa kanila ang mabahong amoy ng silid ng ama.
Sa sahig ay nagkalat ang dumi ng matanda.
Napairap na lamang si Celine nang makita ang dalawang kapatid na halos masuka sa tagpong nasaksihan.
“Tatay naman, eh! Hindi ba sinabi ko na sa’yo na tawagin mo ako kapag dudumi ka?” iritang tanong ni Celine sa ama.
“Ayaw ko sa’yo! Gusto ko si Rosalinda!” sigaw ng matandang nagpipipiglas.
“‘Tay! Ako po ito, si Celine!” nakukunsuming tugon niya sa ama.
Kahit hirap na hirap sa pagpipiglas ng ama ay nagawa niya naman itong linisan makalipas ang humigit-kumulang tatlumpung minuto.
Galit na hinarap niya ang mga kapatid na walang ginawa kundi ang tumunganga noong inaasikaso niya ang ama.
“Nakita niyo na? Araw-araw, ganito kahirap ang buhay ko dahil kay Tatay!” reklamo niya sa mga kapatid.
Hindi agad nakasagot ang dalawa. Alam niyang nang dahil sa nasaksihan ay mauunawaan nito ang hinaing niya.
“Nakita namin, Celine. Kung abala na talaga sa’yo, dalhin na lang natin sa nursing home si Tatay para maalagaan siya roon,” bagsak ang balikat na pagsuko ni Irene.
“Sige. Ako na ang mag-aasikaso ng mga papeles. May alam akong magandang nursing home kung saan maaalagaan talaga si Tatay,” pagsang-ayon din ni Harvey, na isang doktor.
Nakahinga nang maluwag si Celine sa naging desisyon ng kaniyang mga nakatatandang kapatid. Sa wakas ay makakalaya na rin siya sa responsibilidad sa ama.
“Sige. Ilipat na natin si Tatay sa lalong madaling panahon. ‘Wag kayong mag-alala. Bibisitahin ko naman si Tatay kapag wala akong trabaho para naman hindi siya malungkot doon,” wika niya sa mga kapatid.
“Siguro ay sa susunod linggo siguro ay maililipat na natin si Tatay. Unti-unti mo nang i-empake ang mga gamit niya, Celine,” utos ng kaniyang kuya bago ito nagpaalam na aalis na.
Naiwang nagmumuni-muni si Celine. Ayaw man niya na dalhin lamang kung saan ang ama, wala naman siyang magawa dahil pagod na rin siya at nakaka-apekto na ito sa kaniyang trabaho.
“Ito naman ang pinakamabuti para kay Tatay,” sa isip isip niya.
Lunes. Iyon ang huling araw ng Tatay niya bago ito dalhin sa nursing home kaya naman maagang gumising si Celine. Nais niya sanang iluto ang mga paborito ng ama para naman kahit papaano ay malibang ito.
Kasalukuyang siyang nagluluto ng kaldereta nang bumuhos ang malakas na ulan.
“Mabuti na lamang at tulog pa si Tatay,” sa loob loob niya.
Simula kasi noong mag-ulyanin ang kaniyang ama ay naging ugali na nito ang tumakas at lumabas sa tuwing umuulan. Iyon ang isa sa mga naging problema niya sa pag-aalaga sa kaniyang ama.
Sa hindi niya malamang kadahilanan ay lalabas ito dala ang isang malaking payong at magtutungo kung saan.
Noong una ay alalang-alala pa siya at iniuulat sa pulisya ang pagkawala nito ngunit napansin niya na nakakabalik din naman ito kapag tumila na ang ulan.
Subalit hindi pa rin nawawala ang pag-aalala niya na hindi na ito makabalik kaya naman pag umuulan ay nakagawian niya na na ikandado ang kanilang gate upang hindi ito makalabas.
Sa pag-aakalang tulog pa ang ama ay ipinagpatuloy niya ang pagluluto at hindi niya na inabala pa ang sarili na ikandado ang gate.
Napapitlag na lamang siya nang maulinigan ang pagtunog ng gate.
Takang sumilip siya sa bintana ngunit ang pulang payong na lamang ang naabutan ng kaniyang tingin. Nakalabas na naman ang Tatay niya!
“Si Tatay!” tarantang sigaw niya bago tumakbo palabas upang habulin ang matanda.
“‘Tay! ‘Tay!” walang patid na pagtawag niya sa matanda na dire-diretso ang mabilis na lakad papunta kung saan sa gitna ng malakas na buhos ng ulan.
“‘Tay! Hintayin mo naman ako. ‘Tay!” muling sigaw niya ngunit tila wala itong naririnig dahil sa malakas na ulan at marahil ang pandinig nito na nanghihina na.
Sa kakasunod sa ama ay napadpad sila sa isang pamilyar na lugar – ang lugar kung saan siya nag-aral noong nasa elementarya pa lamang siya.
Napakunot noo si Celine nang mapansin na walang ibang ginawa ang ama niya kundi tumayo lamang sa tapat ng eskwelahan na tila may hinihintay.
“‘Tay, ano pong ginagawa niyo rito?” nagtatakang usisa ni Celine sa ama.
Matamis na ngiti ang isinukli nito bago muling ibinaling ang tingin sa gate ng paaralan.
“Ah, hinihintay ko ang anak ko. Ayokong magkasakit siya, wala pa naman dalang payong ‘yun,” tugon nito.
Tila may kumurot sa puso niya dahil sa naging tugon ng matanda.
“Ano pong pangalan ng anak niyo, ‘Tay?” naluluhang usisa ni Celine sa ama.
Muli ay isang matamis na ngiti ang sumilay sa mukha ng matanda bago to sumagot.
“Ang pinakamamahal kong bunso. Si Celine.”
Tuluyan nang napaiyak si Celine dahil sa tinuran ng ama. Naaalala niya ang sinasabi ng ama. Sa tuwing umuulan noon ay wala siyang dapat ipag-alala dahil ano’t anuman ang mangyari ay darating ang kaniyang Tatay upang sunduin siya.
Iyon pala ang dahilan kaya nawawala ang kaniyang ama tuwing umuulan!
Nalimutan man nito ang maraming bagay ay hindi nito nalimutan ang tungkulin nito sa kaniya bilang ama.
Muling nagsalita ang matanda.
“Alam mo, napakabait ng anak ko na ‘yun. Sabi niya, aalagaan niya raw ako sa pagtanda ko. Kaya mahal na mahal ko ang batang ‘yun,” dagdag pa nito.
Hindi maiwasan ni Celine na mapahagulhol sa sinabi ng ama. Tila kidlat na bumalik sa kaniyang alaala ang pangako na binitawan niya sa ama, kasama na ang lahat ng sakripisyo nito para sa kaniya at sa kanilang pamilya.
Paano niya nagawang talikuran ang ama?
“Ang swerte naman po ng anak niyo, ‘Tay,” anas niya, bago ito niyakap nang mahigpit, hindi alintana ang bahagyang pagtataka sa mukha nito.
Nang araw na iyon ay isang desisyon ang nabuo ni Celine – hinding-hindi niya iiwan ang ama sa pangangalaga ng mga taong hindi nito kilala.
Mahirap man para sa kaniya ay personal na inalagaan niya ang ama sa abot ng kaniyang makakaya. Iyon lamang ang alam niyang paraan upang bumawi sa amang mula noon hanggang ngayon ay mahal na mahal pa rin siya.