Inday TrendingInday Trending
Tinatamad na ang Binatilyong Ito sa Pag-aaral; Paano Kaya Niya Mapagtatantong Napakapalad Niya?

Tinatamad na ang Binatilyong Ito sa Pag-aaral; Paano Kaya Niya Mapagtatantong Napakapalad Niya?

“Tinatamad na po akong mag-aral. Ayoko na talaga. Puwede po bang huminto muna ako, tutal pandemya naman?”

Muntik nang mabatukan ni Aling Fe ang kaniyang anak na si Donnie, anak niya na nasa Grade 9, dahil sa mga sinabi nitong pagnanais na huminto sa pag-aaral. Dahil na rin sa pandemya, biglang nagkaroon ng online class.

“Naririnig mo ba ang sarili mo, Donato? Hindi mo ba nakikita ang pagtitiis ng Tatay mo sa ibang bansa para lang mapag-aral ka? Diyos ko naman! Ano pa bang problema mo eh kompleto ka sa gamit: maganda ang cellphone mo, may laptop ka, at may internet connection tayo. Sa pribadong paaralan ka pa rin nag-aral, kahit na may pamimilian tayong sa pampubliko na lamang at mag-module ka na lang.”

“Eh kasi ‘Nay, nakakapagod. Daming pinapagawa ng mga teachers. Nahihilo na ‘ko sa dami ng mga requirements na kailangang ipasa,” saad ni Donnie.

“Tumigil ka Donnie ah. Isusumbong kita sa Tatay mo. Tingnan lang natin kung makatanggap ka pa ng allowance sa kaniya, kapag sinabi kong tinatamad ka na sa pag-aaral mo. Saka, ano ba kasing pinagkakapuyatan mo? Puro ka kasi online games. Kung itigil mo na kaya iyan at magpahinga ka na lang, para hindi ka napapagod! Wala namang katorya-torya ang dahilan ng pagkaubos ng enerhiya mo!” sermon sa kaniya ng tiyuhing si Mang Orio nang marinig ang pagtatalo nilang mag-ina. Si Mang Orio ay kapatid ng kaniyang Tatay. Sanay siyang ito ang tumatayong ama sa kaniya.

Bagay na totoo naman. Mas gusto pa niyang bumabad sa online games kaysa naman sa makinig sa pagtuturo ng kanilang mga guro sa paaralan, sa pamamagitan ng online class.

Batay kasi sa nabasa niya sa social media, hindi raw batayan ng pagkatao ng isang tao ang mga grades o markang makukuha niya sa paaralan, na sa palagay niya’y totoo naman.

Bakit naman sina Einstein, naging mahusay at sikat na siyentipiko, eh drop out ‘yon? Si Bill Gates—isa sa mga pinakamayayamang tao sa buong mundo, matagumpay naman sa buhay.

Iyan ang naukilkil sa isipan ni Donnie. Kaya lang, nakalimutan niyang hindi siya si Einstein at hindi siya si Gates.

Wala pa naman siyang ginagawang kakaiba na maaaring magdikta kung sino siya at ano ang ambag niya sa lipunan.

Isang araw, inutusan ni Aling Fe ang anak na ilabas ang mga sako nila ng basura sa tapat ng kanilang bahay. Sa araw na iyon, darating ang mga kolektor ng basura.

Napansin niya ang isang batang kaedad niya na iniisa-isa ang mga basurahan ng kanilang mga kapitbahay. Hinahalukay nito ang bawat sako o plastik, naghahanap ng mga papel, garapa, o bote na maaaring ibenta. Nang mapatapat ang naturang bata sa bahay nina Donnie, tinawag niya ito at pinahalungkat ang kanilang mga basura. Marami siyang mga aklat at notebook na hindi ginagamit, na itinapon na.

Kasama-kasama nito ang isa pang batang lalaki na may sunong namang mga kahoy. Tantiya niya, panggatong ang mga ito.

“Wow, kuya… sigurado kang itatapon mo ang mga aklat na ito?” tanong sa kaniya ng batang lalaki.

“Hindi ko naman ilalagay sa basurahan kung hindi ko itatapon, ” natatawang sagot ni Donnie. Hindi kumibo ang batang nangangalakal.

“Puwede ko bang hingin na lang? Akin na lang! Ito ang kailangang-kailangan kong mga aklat para masagutan ko ang mga modules ko,” saad ng bata.

“Nag-aaral ka?” tanong ni Donnie.

“Oo kuya, Grade 8 ako. Module lang kasi ‘di ko kaya ang online. Malaking bagay na po itong mga aklat ninyo. Mapapakinabangan ko po. Saka yung mga notebook po ninyo, akin na lang sana,” pahayag ng bata.

“Ganoon ba? Sige, ikaw bahala. Kunin mo na ang lahat ng mapapakinabangan ko. Saka hindi ko na kailangan ang mga iyan, kasi Grade 9 na ako eh,” sagot naman ni Donnie.

“Maraming salamat po, kuya! Masuwerte po kayo kasi mukhang may kaya po kayo at nakakapag-aral sa online class. Ako po, gustong-gusto kong mag-aral pero wala kaming internet, saka laptop, saka cellphone. Maraming-maraming salamat po, kuya!”

Iba ang ningning sa mga mata ng batang iyon nang isilid na sa sako ang mga itinapong aklat at notebook ni Joshua. Kahit nagkakandakuba ito, hindi mapagkit ang ngiti. Muli itong nagpasalamat sa kaniya, bago nagpaalam paalis.

Tila sinampal ng katotohanan si Donnie. Siya na may kompletong gamit at may kakayanang mag-aral, ayaw mag-aral. Samantalang maraming mga kagaya ng batang nangangalakal na gustong mag-aral subalit kapos at walang mapagkukunan. Kompleto siya sa mga gadgets, tapos sasayangin lang niya?

Napaisip-isip si Donnie. Mapalad siya dahil nabigyan siya nang maayos na buhay ng kaniyang mga magulang, lalo na ang kaniyang Tatay na nasa ibang bansa, nagtatrabaho bilang karpintero sa isang malaking construction firm.

Simula noon, kinalimutan na ni Donnie ang kaniyang katamaran sa pag-aaral. Salamat dahil naipamukha sa kaniya ng batang nangangalakal kung gaano siya kapalad. Higit kaninuman, pag-iigihan niya ang pag-aaral para sa kaniyang mga magulang. Ito ang pinakamagandang regalo ng pasasalamat na maibibigay niya para sa kanila.

Advertisement