Laging Nagtatalo at Nagkakasamaan ng Loob ang Mag-Lola; Magkakaayos Pa Ba Sila?
“Ano ba naman, ang kalat-kalat naman ng bahay! Hindi man lang naglinis yung mga naiwan dito!”
Kauuwi lang ni Joshua, 19 na taong gulang, mula sa paaralan. Mabilis na nag-init ang ulo niya sa mga nakahambalang na kung ano-anong kalat sa loob ng kanilang munting bahay. Mga plastik na pinagbalutan ng gulay, mga basyo ng plastik na bote na pinaglalagyan nila ng tubig na inumin, at marami pang iba.
Ang tanging naiiwan lamang sa kanilang bahay ay lola niyang si Aling Candida. Nanay ito ng kaniyang nanay. Madalas ay hindi niya nakakasundo ang matanda bagama’t ito na ang nagpalaki sa kaniya. May kakaiba kasing ugali si Aling Candida. Bungangera ito. Nalalaman ng mga kapitbahay nila ang mga nangyayari sa kanilang pamilya dahil ito mismo ang nagkukuwento.
Katwiran ni Joshua, hindi na dapat ipinapaalam sa iba, lalo na sa mga kapitbahay, kung anuman ang nagaganap sa kanilang bahay. Subalit minsan, naririnig pa niya kapag nagkukuwento ang lola niya, na kesyo kakaunti lamang ang kinakain niya sa kanila. Ang kaniyang inang si Loisa lamang kasi ang nagtatrabaho, single parent.
Narinig ni Lola Candida ang sentimyento ng apo.
“Pasenisya ka na marami akong ginagawa eh, amo kong tunay… ako po ang naglalaba ng mga damit ninyo para may magamit po kayo sa mga susunod na araw!” saad ni Lola Candida.
Kapag ganito na ang usapan, nagpapanting talaga ang tenga ni Joshua. Talagang sumasagot siya. Katwiran niya, walang matanda-matanda, kapag nagkamali ka, kailangan ka ring pagsabihan. Hindi naman porke matanda ka na o may edad ka na, may lisensya ka nang sabihing tama ka, kahit mali naman.
“Wala naman po akong sinasabing maglinis kayo ng bahay maghapon. Ang akin lang, sana po marunong tayong magligpit ng mga kalat natin. Araw-araw na lang po, La… ganito lagi ang dinadatnan ko. Saka, salamat po sa paglalaba ng mga damit namin, pero ‘di ba po, sinabi na ni Nanay na huwag na ninyong gawin ‘yan kung isusumbat din ninyo sa amin?”
At doon na naman nagsimula ang paulit-ulit na isinusunbat ni Lola Candida sa apo: na bastos siya, walang modo, hindi marunong tumanaw ng utang na loob. Muling ipinaalala ng matanda na siya ang nag-alaga sa kaniya, na kung hindi niya piniling samahan ang nanay niyang disgrasyada, hindi siya mapapalaki nang maayos.
Hindi na nakayanan pa ni Joshua ang mga salitang ito mula sa kaniyang lola. Sobra siyang nasasaktan, lalo na sa kaniyang sariling nanay, na anak nito. Tiyak, may panibago na namang ipamamalita ang lola niya sa mga kapitbahay. Masamang-masama na ang imahe niya sa kanila.
Kaya ipinasya niyang bumukod na lamang; bahala na. Hindi na niya maatim ang ugali ng kaniyang lola. Hindi na niya matiis na makasama pa ito sa iisang bubong.
“Sigurado ka ba sa gusto mo? Magdodormitoryo ka na lang?” tanong sa kaniya ng nanay niya. Nagsumbong na ang lola niya rito, hindi pa man nailalapag ang bag sa sofa.
“Kaysa naman po sa laging ganito. Pagbigyan mo na ako, ‘Nay. Isa pa, graduating na po ako. Kailangan ko po nang tahimik na lugar para makagawa ako ng thesis. Huwag po kayong mag-alala, lagi ko po kayong i-uupdate.”
Pumayag ang kaniyang nanay. Nakipisan siya sa dormitoryo ng kaniyang kaklase. Nakaramdam siya ng katahimikan. Nakapagpokus siya sa pag-aaral. Kumuha rin siya ng part-time job upang makatulong sa kaniyang ina.
Subalit nahirapan din siya dahil walang pakialamanan doon. Walang nagluluto para sa kaniya. Walang naglalaba. Walang nagpapakulo ng tubig para panligo niya sa umagang malamig. Lahat iyon ay ginagawa ng kaniyang lola, kahit na ilang beses silang nagtatalo. Namiss niyang bigla.
Ipinasya niyang umuwi sa kanila, Sabado. Bago makapasok sa loob ng bahay, nagulat siya dahil nakita niyang kausap ni Lola Candida ang kaibigan nitong si Aling Fely.
“Mahal na mahal ko ang apo ko kahit na matabil at palasagot sa akin iyon. Hindi lang niya ako maintindihan, na mabunganga lang talaga ako. Pero kung iisipin mo, kahit na mas mayaman at komportable ang buhay ng iba kong anak, sila ang sinamahan ko. Sila ang pinili kong samahan kasi alam kong kailangan nila ng tulong ko,” saad ni Lola Candida.
Tila sinuntok ng katotohanan si Joshua. May punto naman ang lola niya. Sa kabila ng pagiging bungagera nito at mapanumbat, hindi nito naisip na layasan sila at sumama sa kaniyang mga tiyo at tiya na mas maalwan ang pamumuhay.
Nangilid ang luha sa kaniyang mga mata. Lumitaw siya mula sa likuran nito. Nagulat ang dalawang matanda. Niyakap ni Joshua ang lola. Walang nagsalita sa kanilang dalawa. Maya-maya, gumanti na rin ng yakap si Lola Candida.
Simula noon, naging maganda na ang ugnayan sa pagitan ng mag-lola, dahil inunawa na nila ang isa’t isa.