Gumawa ng Kuwento ang Isang Sikat na Artista para lamang Mapag-usapan Ulit Siya; ‘Di Niya Akalaing Agad Siyang Babalikan ng Karma

Gumawa ng Kuwento ang Isang Sikat na Artista para lamang Mapag-usapan Ulit Siya; ‘Di Niya Akalaing Agad Siyang Babalikan ng Karma

FunKarmaStories

Nakapangalumbaba si Jessica habang siya ay nakaharap sa kanilang telebisyon. Nakataas pa ang kaniyang mga paa na animo tamad na tamad na igalaw ang mga iyon upang makagawa ng mga kapaki-pakinabang na bagay. Ang mesita sa kaniyang harapan ay puno ng mga nagkalat na bote ng alak at sitsiryang pinagkainan pa niya simula kagabi hanggang ngayon at nalalapit na naman ang hapunan.

Laman ng telebisyon ang mga bagong artistang noon ay kasa-kasama lamang niya sa showbiz noong mga panahong namamayagpag pa ang kaniyang pangalan sa naturang industriya. Malungkot na malungkot si Jessica habang pinanunuod ang interview ng mga ito. Magkakahalong inggit at inis ang nararamdaman niya habang tinititigan ang kanilang telebisyon.

“Noon, ako ang nandiyan, e!” napahilamos si Jessica sa sariling mukha dahil sa sobrang pagkayamot. Tumayo siya mula sa kaniyang kinauupuan. “Makapag-shopping na nga lang muna!”

Ganoon na nga ang kaniyang ginawa. Umalis siya ng kaniyang bahay at nagpunta sa isang mall upang magliwaliw at makalimutan kahit panandalian lamang ang kaniyang pagkabigo.

Dumaan si Jessica sa isang tindahan ng mamahaling brand ng bags na kamakailan lamang ay pinag-usapan sa social media dahil sa ’di umano’y pangmamata ng isa sa mga sales person nito sa isang artistang katulad niya. Umani ng matinding batikos ang naturang brand ng bag samantalang simpatiya naman ang inani ng naturang artista.

Tila ba bigla na lamang may umilaw na bumbilya sa itaas ng ulo ni Jessica nang maalala ang balitang iyon. Tila ba nakaisip na siya nang paraan upang muli siyang pag-usapan ng mga tao at nang sa ganoon ay makabalik na ulit siya sa industriya ng show business!

Agad na pumasok si Jessica sa naturang tindahan upang magtingin-tingin kunwari ng mga bag, kahit na ang totoo ay wala naman siyang dalang pera. Eksakto dahil hindi rin naman siya nakasuot ng magarang damit noon.

Isang sales person ng naturang tindahan ang lumapit sa kaniya. “Hi, ma’am, welcome to our store!” bati nito sa kaniya. Imbes na bumati pabalik ay inismiran lamang ni Jessica ang naturang sales person, dahilan upang mapataas ang kilay nito habang nakatingin sa kaniya. Tinitigan siya nito nang mataman sa kadahilanang tila nakikilala siya nito bilang isang dating artista, ngunit agad na kinuha ni Jessica ang pagkakataong iyon upang palabasing minamata siya ng taong ito.

“Are you looking down on me?! OMG!” hiyaw niya na agad na nakakuha ng atensyon ng iba pang taong naroon sa tindahan. Naghisterikal siya roon at nagreklamong minamata raw siya ng sales person na lumapit sa kaniya dahil hindi ganoong kagara ang kaniyang kasuotan. Ang totoo ay alam naman ni Jessica na walang nangyaring ganoon at masiyado lamang niyang pinalaki ang issue gayong siya naman ang naunang magtaray sa kausap. Kasama lamang talaga sa kaniyang plano na mandamay ng ibang taong pagbabalingan ng naturang issue at malas nito’t ito ang kaniyang nabiktima. Kinuhanan siya ng statement ng ilang taong naroon din sa mall. Eksakto ring naroon din pala ang isang kilalang reporter na agad siyang pinuntahan nang masagap ang naturang issue.

Hindi akalain ni Jessica na sa loob lamang ng ilang oras ay agad na kakalat ang isang viral video mula sa kuha ng isang paparazzi. Buo ang video na iyon mula sa kaniyang pagpasok sa naturang tindahan hanggang sa kaniyang paghihisterikal nang wala sa lugar!

Agad na nag-panic si Jessica dahil nakatanggap siya ng napakaraming hate comments mula sa ibang tao na nagsasabing buking siya sa kaniyang modus upang muling mapag-usapan ng madla! Bukod pa roon, may ilang netizens din ang naglabas ng ilang litrato, video at mga patunay na ang sales person pala na kaniyang ginawan ng masama ay kaniya pa palang fan! Isa ito sa mga taong sumusuporta sa kaniya simula pa noon ngunit ito pa ang napili niyang gamitin para lang sa kanyang pansariling kasakiman sa kasikatan!

Laking pagsisisi ni Jessica ngunit huli na para siya ay humingi pa ng tawad. Ibayong galit na ang kaniyang natatanggap mula sa mga taong dati ay patuloy pa rin siyang sinusuportahan sa kabila ng kaniyang pagiging laos nang artista. Lalo lamang siyang nalugmok sa pagbagsak ng kaniyang carreer dahil sa kaniyang hindi magandang pag-uugali na noon pa man ay ibinibintang na sa kaniya ng ibang tao… at ngayon ay kanila nang napatunayan. Napakabilis siyang binalikan ng karma!

More Stories