Inday TrendingInday Trending
Hindi Niya Pinansin ang Hinaing ng Inang Malabo ang Mata; Sising-sisi Siya sa Sinapit Nito

Hindi Niya Pinansin ang Hinaing ng Inang Malabo ang Mata; Sising-sisi Siya sa Sinapit Nito

“Anak, lalong lumalabo ang mata ko. Baka naman may kakaunti kang pera para naman makapagpa-check up ako sa ospital?” wika ng kaniyang ina habang naghahapunan sila.

Inis na pinukol ni Jessie ng tingin ang nanay niya. Hindi na niya mabilang kung ilang beses nang umungot tungkol dito ang kaniyang ina.

“‘Nay, wala ho akong ekstrang pera. ‘Di ba ho sinabi ko na sa inyo noong nakaraang buwan?” sagot niya.

Napayuko ito. “Sige, anak. Titiisin ko na lang muna hanggang sa magkaroon tayo ng ekstrang pera.”

“Alam niyo na nga na saktong sakto lang sa ating tatlo ang kinikita ko. ‘Wag na kayong dumagdag sa iniisip ko ‘Nay, kung pwede lang,” malamig na tugon niya sa ina.

Tumango lamang ito at hindi na muling nagsalita pa.

Naiinis siya sa ina. Akala siguro nito ay madali kumita ng pera. Samantalang ang hirap hirap ng trabaho niya para sa kakarampot na sweldo.

Magda-dalawang tao na siyang nagtatrabaho sa pabrika ng sasakyan. Ngunit kahit kung tutuusin ay matagal na siyang nagtatrabaho doon ay nanatiling mababa ang sweldo niya.

Mag-aalas onse na ng gabi nang maihiga ni Jessie ang kaniyang likod sa malambot na kama. Ngunit tila agad na naalis ang pagod niya nang malingunan ang anak na si Benny na mahimbing na natutulog.

Sa totoo lang, pagod na pagod na siya sa buhay-mahirap. Ang kaniyang anak na lang ang nag-iisang dahilan kaya patuloy siyang lumalaban.

Nang mapatingin siya sa kalendaryo ay mahina siyang napatampal sa noo niya. Birthday na nga pala ni Benny sa katapusan!

Kaya naman inaraw-araw niya ang pag-oovertime sa trabaho para naman kahit papano ay may maihanda naman siya sa kaarawan ng kaniyang anak.

Isang gabi bago ang kaarawan ay nagulat siya nang umuwi na madilim ang buong kabahayan.

Sa sala ay nakita niya ang anak na tahimik na nanonood ng telebisyon.

“Benny, bakit walang ilaw? Nasaan si Nanay?” agad na usisa niya sa anak.

Umiling lamang ang bata at muling itinutok ang atensyon nito sa pinapanood.

Nang pumunta siya sa kusina ay mas lalo siyang nagtaka nang makitang wala rin ni sinaing.

“‘Nay!” galit na sigaw niya mula sa kusina.

Ngunit walang sumasagot.

Nang tumungo siya sa silid ng ina ay madilim din doon. Bahagya siyang kinabahan ngunit agad ding nakahinga nang maluwag nang buksan niya ang ilaw at makitang nakatitig sa kawalan ang kaniyang ina.

“‘Nay, bakit ho wala man lang tayong pagkain?” inis na sita niya sa ina.

“Pasensiya na anak, hindi maganda ang pakiramdam ko,” sagot ng matanda.

Marahas na napabuga siya ng hangin dahil sa nararamdamang iritasyon. Hindi naman kasi ito mukhang may sakit.

“‘Nay, magtulungan naman ho tayo rito. Ako na nga ang kumakayod para sa atin, ako pa rin ba ang gagawa ng lahat ng gawaing bahay pag-uwi ko?” naghihinanakit na bulalas niya sa ina.

“Anak, pasensiya na talaga. Hindi ko talaga kaya magkikilos ngayon,” hinging paumanhin nito habang hindi inaalis ang tingin sa kawalan.

“Pati si Benny, napabayaan na! Anong oras na, hindi pa kumakain ang bata!” dagdag pa niya, bago nagdadabog na tinalikuran ang ina.

Nang matapos siyang maghanda ng simpleng hapunan ay tinawag niya ang ina ngunit busog pa raw ito.

Bago siya umalis papasok ng trabaho kinaumagahan ay napagdesisyunan niyang kausapin ang ina ukol sa kaarawan ni Benny.

“‘Nay, birthday ni Benny ngayon, ikaw ang aasahan ko. Kahit ‘yung paboritong ni Benny na spaghetti at ice cream lang. Hindi naman kasi ako maka-absent sa trabaho dahil sayang ang kikitain. Uuwi na lang ho ako nang maaga. Iniwan ko ang pera sa mesa,” mabilis na bilin niya bago umalis.

Inaasahan na ni Jessie na handa na ang lahat sa pag-uwi niya, ngunit ganun na lamang ang pagkadismaya niya nang sa ikalawang pagkakataon ay maabutan niya ang anak na nanonood ng TV, at ang ina na nagmumukmok sa kwarto.

Mukhang hindi man lang ito nag-abalang lumabas ng kwarto dahil iyon pa rin ang suot nito.

Tuluyan nang sumiklab ang tinitimpi niyang galit.

“Benny, halika, anak! Sa labas na tayo kumain, para naman makapag-celebrate tayo ng birthday mo!” yaya niya sa anak nang hindi man lamang binibigyang atensyon ang ina.

Masamang-masama ang loob ni Jessie. Simpleng pabor lamang ang hiningi niya sa ina, hindi pa nito mapagbigyan?

Kaya naman kahit noong pag-uwi nila ni Benny ay hindi niya inimik ang ina.

Madaling araw nang maalimpungatan siya. May narinig kasi siyang ingay ng kung anong bagay na nahulog sa sahig.

Naabutan niya ang ina na nangangapa sa dilim, iritang binuksan niya ang ilaw.

Nakita niya ang basag-basag na basong nagkalat sa sahig.

“‘Nay, mag-ingat naman kayo–”

Hindi pa niya natatapos ang sasabihin ay bumulagta na ang matanda sa sahig.

“‘Nay!” takot na sigaw niya.

Nanginginig si Jessie habang nasa ambulansiyang sakay ang kaniyang ina. Hindi kaya may sakit ang kaniyang ina na hindi nito sinasabi sa kaniya?

Kaya naman nakahinga siya nang maluwag nang sabihin ng doktor na nalipasan lamang ng gutom ang kaniyang nanay kaya ito nawalan ng malay. Magta-tatlong araw na pala itong hindi kumakain.

“May nag-aalaga ba sa nanay mo? Kasi ang mga bulag ay hirap kumilos nang sila lang,” maya-maya ay tanong ng doktor.

Napamulagat siya sa sinabi nito. “Dok, malabo ho ang mata ni Nanay sa katandaan pero nakakakita pa siya,” pagtatama niya sa maling akala nito.

Matigas na umiling ang doktor.

“Sigurado ako, bulag ang Nanay mo. Iyon ang dahilan kaya hirap na siyang kumilos,” paliwanag pa nito.

Tila may malamig na tubig na ibinuhos sa kaniya. Noon ay tila kidlat na bumalik sa alaala niya ang mga kakatwang kilos ng ina – ang hindi nito paglabas sa silid at pag-iintindi sa bahay. Ang pagtingin nito sa kawalan.

Awang-awang napatingin siya sa ina na mahimbing na natutulog.

“‘Nay, bakit hindi mo sinabi sa akin?” naluluhang tanong niya nang magmulat ang ina ng mata.

“Nahihiya kasi ako sa’yo, anak. Ayoko namang maging pabigat sa’yo dahil hirap na hirap ka na,” mahinang sagot nito.

Tuluyan na siyang napaiyak lalo na noong maalala niya ang mga masasakit na salitang ibinato niya sa ina. Ang dami dami palang sinarili nito sa takot na makaabala sa kaniya. Nawala pa tuloy ang kakayahan nitong makakita.

Hiyang hiya siya rito dahil inignora niya ang paghingi nito ng tulong sa kaniya. Kanino pa nga ba ito lalapit kundi sa kaniya? Paano niya nagawang hindi pansinin ang pangangailangan ng ina?

Kaya naman bumawi siya sa ina. Sa awa ng Diyos ay may programa ang ospital na napuntahan nila para sa mga kagaya nilang kapos at walang pambayad.

Nakapagpatingin ang kaniyang ina sa isang espesyalista. At laking tuwa nila nang malamang may tiyansa gumaling ang kaniyang ina kung makaiinom ito ng mga gamot na irereseta ng doktor.

Hindi lang doble, kundi triple ang pagkayod na ginawa ni Jessie upang matustusan ang pagpapagamot ng ina.

Laking pasasalamat ni Jessie sa Diyos lang buwan lamang ang lumipas ay bumalik na sa dati ang paningin ng kaniyang ina. Mula noon ay itinrato niya na nang tama ang nag-iisang babaeng nagluwal sa kaniya sa mundo.

Advertisement