Inday TrendingInday Trending
Itinakwil ang Lalaki ng Kaniyang Sariling Pamilya Dahil Nawalan Siya ng Trabaho sa Saudi; Ibang Tao Pa Pala ang Makakatulong sa Kaniya

Itinakwil ang Lalaki ng Kaniyang Sariling Pamilya Dahil Nawalan Siya ng Trabaho sa Saudi; Ibang Tao Pa Pala ang Makakatulong sa Kaniya

Matagal nang nagtatrabaho si Dolfo sa Saudi. Iba’t iba ang naging trabaho niya roon para makapagpadala lang ng malaking pera sa pamilya niya sa Pilipinas.

Tuwang-tuwa ang mga kapatid niya at mga pinsan kapag nagpapadala siya ng pera at balikbayan box. Masaya rin si Dolfo na nakikitang natutuwa ang pamilya niya sa mga natatanggap ng mga ito na mula sa kaniyang pinagpaguran. Nang mawala ang kanilang mga magulang ay siya na ang sumusuporta sa mga ito. Kaya nga naisipan niyang makipagsapalaran sa ibang bansa para sa ikagiginhawa ng kaniyang pamilya.

“Kumusta na kayo? Natanggap niyo ba ang mga ipinadala ko?” tanong niya sa mga kapatid habang nagkikipag-usap sa mga ito gamit ang internet.

“Oo naman, kuya! Ang dami mong pasalubong at may instant cash pa. Sana sa susunod ay mas malaking halaga ang maipadala mo, dami kasing gastos dito sa Pilipinas e. Nagmamahalan pa ang mga bilihin kaya kailangan na doble ang matanggap namin,” sagot ng kapatid niyang si Oscar.

“’Di bale, sa susunod ay mas lalakihan ko ang padalang pera. Mahirap din kasi rito sa Saudi, marami ring pinagkakagastusan, pero huwag kayong mag-alala at gagawan ko ng paraan,” aniya.

Mula nang sabihan siya ng kapatid na kailangang niyang doblehin ang pagpapadala ay mas lalo siyang nagsipag sa trabaho. Ginawa niyang araw ang gabi para makaipon lang ng malaking pera para maipadala sa kaniyang pamilya. Hindi niya alintana ang hirap at pagod na nararamdaman, ang mas mahalaga sa kaniya ay maipalasap sa mga mahal niya sa buhay na iniwan sa Pilipinas ang katas ng pagsusumikap niya. Ganoon niya kamahal ang pamilya niya kaya gagawin niya ang lahat para sa mga ito. Ngunit isang araw ay sinubok siya ng tadhana, nagkasakit siya at ilang araw na hindi nakapagtrabaho. Nang magpatingin siya sa doktor ay nalaman niya na mayroon siyang malubhang sakit na nakuha niya sa sobrang pagpapabaya sa kaniyang sarili at sobrang pagtatrabaho kaya pinayuhan siya nito na magpahinga at magpagaling. Hindi na muna siya maaaring makabalik sa trabaho kaya ang nangyari, tinanggal siya ng kaniyang employer sa pinapasukan niyang restaurant. Maging ang mga pinapasukan niyang ekstra ay tinanggalan siya ng trabaho. Naubos ang lahat ng ipon niya sa pagpapagamot. Dahil sa hindi na rin siya nakakabayad sa inuupahang apartment ay pinalayas din siya roon. Napilitan siyang tumira sa kalye at namalimos para kahit paano ay may kitain siya.

“Diyos ko, bakit ito nangyari sa akin? Ano pong kasalanan ko sa inyo? Paano na ang pamilyang naiwan ko sa Pilipinas?” wika ni Dolfo sa isip habang naghihinagpis sa naging kapalaran niya. ‘Di niya inasahan na sa kabila ng hirap niya ay dadanasin niya ang ganoong kalagayan.

Nang mawalan ng trabaho ay hindi na siya nakapagpadala ng pera sa Pilipinas. Ipinagtapat niya sa mga kapatid ang nangyari sa kaniya. Imbes na maunawaan siya ng mga ito ay sumbat at paninisi pa ang inabot niya.

“Kasalanan mo ‘yan, kuya! Pinabayaan mo ang sarili mo kaya ka nagkasakit at nawalan ng trabaho. Paano na kami? Ilang buwan ka nang hindi nagpapadala ng pera, hindi na nga kami nakakapagbayad ng kuryente at baka maputulan na kami rito. ‘Yung mga pamangkin mo, wala nang baon sa eskwela, ang mga pinsan natin galit na galit sa iyo, ang t@nga mo raw kasi kaya ka nagkaganiyan! Pati tuloy sila ay mawawalan ng budget dahil sa nangyari sa iyo!” inis na sabi ng kapatid niyang si Oscar nang magkausap sila nito.

Hindi nakapagsalita si Dolfo. Hindi niya akalain na iyon ang maririnig niya sa kapatid. Akala niya ay mauunawaan siya nito ngunit masasakit na salita pa ang natanggap niya. Parang kasalanan pa niya ang nangyari na hindi na siya nakakapagpadala ng pera sa mga ito. Palihim siyang naluha sa sinabi ng kapatid.

Humingi siya ng tulong sa mga kapatid at pinsan niya para makauwi na sa Pilipinas dahil nga walang-wala na siya ngunit kahit isa ay walang tumulong sa kaniya. Hindi na siya nakatanggap ng tawag at chat mula sa mga ito. Tila itinakwil siya ng sariling pamilya dahil sa hindi na siya napapakinabangan. Ngunit imbes na mawalan ng pag-asa ay nanatili pa ring positibo ang pananaw ni Dolfo hanggang sa isang araw ay may dumating na hindi niya inasahan. Bigla na lamang siyang pinuntahan ng mga kapwa niya Pilipinong nagtatrabaho rin sa Saudi, ang iba ay nakatrabaho niya sa restaurant. Tinulungan siya ng mga ito na magpagamot sa magaling na doktor sa Saudi. ‘Di nagtagal ay gumaling siya at naging maayos ang kalagayan niya. Tinulungan din siya ng mga kapwa niya Pinoy na makahanap ng trabaho. Laking pasasalamat niya sa mga ito.

“Lubos akong nagpapasalamat sa inyo. Kundi dahil sa tulong niyo ay hindi ako gagaling at hindi na muling makakapagtrabaho,” wika niya.

“Kami ang dapat na magpasalamat sa iyo, Dolfo. Kulang pa ang lahat ng naitulong namin sa iyo sa lahat ng naging tulong mo sa amin. Tumatanaw lang kami ng utang na loob sa iyo,” tugon ng isa sa mga kasama niyang Pinoy.

Marami pala siyang natulungan noon na mga kapwa niya Pilipino nang nagsisimula pa lang ang mga itong magtrabaho noon. Ang iba ay tinulungan niyang makahanap ng trabaho, ang iba ay tinulungan niya sa pinansyal na pamamaraan. Marami siyang naging kaibigan sa Saudi dahil sa kabutihan niya at pakikisama.

“Bakit kasi hindi ka humingi sa amin ng tulong? Kung hindi pa namin nalaman na pinaalis ka sa inuupahan mo at tumira sa kalye ay hindi namin malalaman ang nangyari sa iyo,” sabi ng isa mga kaibigan niya.

“Ayoko nang makaabala pa sa inyo. May mga sarili rin kayong problema kaya hindi ko na ginusto na malaman niyo ang nangyari sa akin,” sagot niya.

“Sino-sino ba ang magtutulungan kundi tayo ring mga Pinoy, ‘di ba? Ang mahalaga ay maayos ka na at mayroon ka na ulit trabaho,” sambit pa ng isa sa mga kasama niya.

Mabilis na nakaahon si Dolfo sa tulong ng mga kaibigan niya. Dahil sa sipag at tiyaga niya ay nakapagpatayo siya ng sariling restaurant sa Saudi. Naging sikat at napag-usapan ang restaurant na iyon dahil sa sarap ng mga lutuing Pinoy at Banyaga. Ang maganda roon ay mga kapwa rin niya Pinoy ang kinuha niyang magtrabaho sa restaurant niya. Nag-viral ang balitang iyon sa social media at nalaman ng mga kapatid at pinsan niya. Agad siyang tinawagan ng mga ito at chinat, kinukumusta siya at gaya ng dati ay humihingi ang mga ito ng pera at mga imported na pasalubong dahil asensado na ulit siya.

Ilang linggo matapos siyang kumustahin ng kaniyang pamilya ay laking tuwa ng mga ito sa ipinadala niyang liham. Sa una ay sabik pa ang mga kapatid at pinsan niya, ang akala ng mga ito ay nagpadala siya ng malaking pera na nakapaloob sa liham ngunit mali ang kanilang akala dahil walang perang ipinadala si Dolfo sa kanila. Ikinagulat din nila ang nilalaman ng liham.

Ang akala ko ay ang pamilya ko ang unang dadamay at uunawa sa akin sa panahong lugmok ako. Imbes na tulungan niyo ako ay pinabayaan niyo pa ako at tinalikuran. Pasensiya na, pero wala kayong makukuha na kahit ano sa akin. Gusto kong matuto kayong tumayo sa sarili niyong mga paa.

Dolfo

Laking panlulumo ng mga kapatid at pinsan niya sa kanilang nabasa. Inakala noon ni Dolfo na ang pamilya niya ang magiging kaagapay niya sa naging problema niya at sa panahong lugmok na lugmok siya ngunit mas nakatulong pa pala sa kaniya ang mga taong hindi naman niya kaano-ano at hindi niya kadugo. Magsisi man ang pamilya niya ay huli na, nakapagdesisyon na si Dolfo na turuan ang mga ito ng matinding leksyon.

Advertisement