Hindi Makasama sa Prom ang Dalaga Dahil Wala Siyang Pera, Hindi Niya Akalain ang Biyayang Dumating
“Keith, mayroon ka na bang susuotin sa nalalapit nating prom? Sabik na sabik na akong magsuot ng magarang damit!” nagagalak na bungad ni Korina sa kaniyang kaibigan nang ito’y puntahan niya sa inuupahan nitong dormitoryo.
“Wala pa nga, eh, ikaw ba mayroon na?” tanong ni Keith dito habang ito’y naglalakad patungo sa kaniyang higaan.
“Wala pa rin, eh, kaya nga kita pinuntahan ngayon dahil yayayain kitang bumili na ng masusuot ngayong araw! Ayoko nang patagalin pa ito, gusto ko nang makita kung anong magiging itsura ko sa prom!” sigaw nito na may halong kasabikan saka nagtutumalon sa manipis niyang kutson.
“Naku, wala akong pera, Anne, eh. Ni hindi ko nga alam kung makakasama ba talaga ako sa prom. Bukod sa wala akong masusuot, wala pa akong pambili ng ticket. Hindi ba’t mahigit kumulang isang libong piso rin ‘yon? Saan naman ako kukuha noon?” malungkot niyang wika rito dahilan upang ito’y mapatigil sa ginagawa.
“Sigurado ka ba? Minsan lang mangyari sa buhay mo ‘yon!” wika nito na lalo niyang ikinalungkot.
“Wala talaga akong pera, eh, ayoko namang humingi pa kila papa para lang doon, kung gusto mo, samahan na lang kita mamili,” alok niya rito dahilan upang muling magliwanag ang mukha nito.
“Yehey! Salamat talaga sa’yo, da best kang kaibigan!” sigaw nito saka siya mahigpit na niyakap.
Isa sa mga pinakamasisipag na kolehiyala sa kanilang unibersidad ang dalagang si Keith. Bukod pa rito, dekalibre rin ang talinong taglay niya dahilan upang ganoon na lang siya humakot ng parangal kada matatapos ang kanilang semestre na labis namang ikinatutuwa ng kaniyang mga magulang na pawang mga magsasaka sa probinsya.
Sa katunayan, kahit na hindi niya alam kung saan siya maaaring mag-aral dito sa Maynila noong unang taon niya sa kolehiyo, buong tapang niyang hinamon ang kaniyang sarili upang makapunta rito gamit ang sarili niyang ipon sa pagbebenta ng mga abaka at kakanin sa kanilang probinsya.
Sa kabutihang palad naman, siya’y ginabayan ng Diyos at ngayo’y siya’y nasa ikatlong taon na sa kolehiyo. Napag-iiwanan man siya pagdating sa mga materyal na bagay at mga okasyong kailangang daluhan na madalas niyang ikinalulungkot, tinatatak niya sa isip niya na, “Nagpunta ako rito sa Maynila upang maiangat sa buhay ang pamilya ko at hindi ang magsaya lang sa buhay.”
Kaya naman kahit sobrang lungkot niya dahil alam niyang wala siyang kakayahang dumalo sa prom na gaganapin sa kanilang unibersidad, pinili niya pa ring maging masaya para sa kaibigan niya at ito pa’y kaniyang sinamahan.
Agad na silang umalis noong araw na ‘yon pagkatapos ng kanilang usapan. Sinamahan niya sa mall ang kaniyang kaibigan kahit na pamasahe na lang ang kaniyang pera. Masaya siyang makita itong natatarantang maghanap ng masusuot sa masayang pagdiriwang na magaganap.
Habang hinihintay niyang makahanap ang kaniyang kaibigan, naglibot-libot din siya muna sa naturang tindahan.
“Maghanap na rin ako ng damit, baka mamaya, may bumagsak na biyaya mula sa langit,” biro niya habang pinagmamasdan ang mga nakaayos na gown sa harapan niya.
Ngunit mayamaya, nagulat na lang siya nang may bigla siyang narinig na bumagsak sa kaniyang bandang likuran dahilan upang agad niya itong hanapin.
Nang makita niyang may may foreigner na nakahiga na sa sahig at tila naninikip ang dibdib, agad niya itong tinulungang makatayo kahit na ito’y halos dalawang beses na malaki sa kaniya. Binigyan niya ito ng maiinom na tubig mula sa bag niya at dahan-dahan niyang tinapik-tapik ang dibdib nito.
Nagsimula na silang palibutan ng maraming tao at dahil nga alam niyang mas lalo itong hindi makakahinga kapag dumami pa ang tao, agad niyang sinaway ang mga ito at inabisuhang humingi ng tulong sa mga guwardiyang nasa paligid.
“Ang mga Pilipino talaga, handa tulong ano man oras,” uutal-utal na sambit nito dahilan upang siya’y mapangiti at ito’y kausapin na lang ng ingles upang huwag na itong mahirapan.
Sa sobrang tuwa ng naturang foreigner sa kaniya, binigyan siya nito ng pagkakataong makapili ng kahit anong damit sa tindahang iyon. Binigyan pa siya nito ng pera pambili ng heels, make-up at pangbayad sa ticket ng kanilang prom na labis niyang ikinatuwa.
“Ikaw ay dapat may reward, mabait kang bata. Lucky parents mo,” sabi pa nito na ikinaiyak na.
Dahil nga roon, matagumpay siyang nakadalo sa naturang pagdiriwang sa paraang hindi niya lubos akalain.
“Kapag talaga pinairal ang kabaitan, Diyos ang gagawa ng paraan para mapaalwan ang buhay,” iyak niya habang kumakain sa naturang pagdiriwang kasama ang matalik niyang kaibigan.