Inday TrendingInday Trending
Pinagbintangang Magnanakaw ng Ginang na Ito ang mga Basurero, Kahihiyan ang Naidulot Nito sa Kaniya

Pinagbintangang Magnanakaw ng Ginang na Ito ang mga Basurero, Kahihiyan ang Naidulot Nito sa Kaniya

“Hoy, mare! Nand’yan na ang mga basurero sa kanto! Itago mo na lahat ng gamit mong nakakalat d’yan!” sigaw ni Antonette sa kaniyang malapit na kapitbahay na nagtatanim sa tapat ng bahay nito, isang umaga nang matanaw niya sa hindi kalayuan ang mga basurerong parating dahilan upang imisin niya ang kaniyang mga sinampay.

“Ano namang ang ibig mong sabihin, mars?” pagtataka nito sa madaliang pag-iimis niya ng mga sinampay.

“Hindi mo pa rin ba napapansin na sa tuwing dadayo ang mga ‘yan dito sa lugar natin, laging may nagrereklamo sa barangay na may nawawalang gamit!” nguso niya rito dahilan upang ito’y mapaisip.

“Naku, hindi naman siguro,” tugon nito na ikinainis niya.

“Anong hindi? Noong isang linggo nga lang, pagdaan ko sa barangay, nandoon ‘yong ibang nakatira rito at may nirereklamo,” sagot niya rito.

“Nakasisiguro ka ba na ‘yong mga basurerong iyon ang nirereklamo nila?” paninigurado pa nito na labis niyang ikinagalit.

“Hindi, pero, ‘di ba, mas maigi nang maagap kaysa mawalan pa ng gamit! Pero ikaw ang bahala kung ayaw mong maniwala, basta kapag may nawala sa gamit mo, huwag kang magpapasama sa akin sa barangay! Burara ka pa naman!” bulyaw nito sa kumare saka agad nang pumasok sa kaniyang bahay nang makitang wala na siyang gamit na nakakalat sa bakuran.

Sa tuwing parating na ang mga basurerong nangongolekta ng basura sa kanilang lugar, agad na iniimis ng ginang na si Antonette ang mga gamit nilang nakakalat lang sa tapat ng kanilang bahay. Ito ay dahil sa paniniwala niyang ang mga ito ang siyang kumukuha ng mga gamit na nawawala sa kanilang buong barangay.

Hindi pa man niya nararanasang mawalan ng gamit upang ito’y mapatunayan dahil nga siya’y may pagkamaimis at maalaga sa gamit, palagi niya pa ring binibigyang babala ang kaniyang mga kapitbahay tungkol sa mga basurerong ito.

Palagi niyang sinasabi na ang mga nangongolekta ng mga basurang ito ay madalas nagmamanman sa kanilang lugar at kapag may nakursonadahang gamit, ito’y agad na kukuhanin.

Lalong lumalim ang paghihinala niyang ito nang mapadalas ang mga nagrereklamo sa kanilang barangay. Ngunit dahil nga wala siyang pruweba, hindi siya pinaniniwalaan ng malapit niyang kapitbahay na labis niyang ikinainis.

Sabi niya pa noong araw na ‘yon, “Sana may makuhang gamit sa’yo para maniwala kang burara ka!” saka niya ikinandado ang pintuan at nagmanman sa maliit na siwang sa kanilang bintana.

Mayamaya pa, dumating na nga sa harap ng kaniyang bahay ang mga basurerong ito. Sinilid lang ng mga ito ang sako-sakong basurang nilabas niya kanina saka agad nang lumipat sa bahay ng kaniyang kumare.

“Ay, saglit, kuhanin ko pa ang ibang basura sa kusina namin!” narinig niyang sambit ng kumare niyang ito saka iniwan ang mga gamit pantamin doon at pumasok sa bahay.

“Kita mo ‘tong burarang ‘to, iniwan pa talaga ang mga mamamahalin niyang gamit pantanim sa harap ng mga basurerong ‘yon!” inis niyang singhal habang pinagmamasdan kung anong gagawin ng mga iyon.

Ngunit habang hinihintay niyang lumabas ang kumare, nakita niyang pinakikialaman na ng isang basurero ang gamit na nakahaya lang doon at tila sinisilid na ito sa hawak nitong sako dahilan upang mapahangos siyang lumabas.

“Sabi na nga ba, mga magnanakaw kayo!” sigaw niya sa mga ito dahilan upang mapatalon ang lalaking naglalagay ng mga gamit sa sako dahil sa gulat.

Nakita niyang palabas na ang kaniyang kumare dahilan upang lalo siyang magtalak doon.

“Ano, naniniwala ka na? Ayan, tignan mo ‘yang sakong hawak ng lalaking ‘yan, and’yan na halos lahat ng gamit na pantanim mo! Ayaw mo pa kasing maniwala sa akin, eh! Tumawag ka na ng mga tanod nang mahuli na ang mga ito!” sigaw niya pa dahilan upang palibutan na sila ng iba pa nilang kapitbahay na nakikiisyodo.

“Ano bang pinagsasasabi mo, mars? Nakisuyo na nga akong magligpit sa binatang ‘yan dahil biglang sumakit ang likod ko pagtayo ko kanina,” patawa-tawang sambit nito saka inabot ang basurang kinuha nito sa kusina.

“Hindi naman po porque ganito ang itsura namin at halatang wala kaming sapat na perang pangbili ng iba’t ibang gamit katulad niyo, masasamang loob na po kami. Mahirap lang po kami pero hindi kami magnanakaw,” sambit ng binatang iyon sa kaniya saka agad na umalis dahilan upang ganoon na lang siya pagbulungan ng kanilang mga kapitbahay at ganoon niya na lang naising lumubog sa lupa dahil sa labis na kahihiyan.

Matapos ang pangyayaring iyon, ginawa niya ang lahat upang makabawi sa mga basurerong iyon. Hindi man niya magawang humarap sa mga ito, nag-iiwan na lang siya ng malinis na pagkain o kahit anong gamit malapit sa basurang iniiwan niya sa labasan.

Advertisement